Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa pagtatapos ng isang kabanata
Malungkot na isasara ang huling pahina
Mag-iisip sa sandaling pagpapahinga
At magbubukas ng panibagong pahina

Hindi na mababago pa ang mga mali
Sa mga nagdaang pahinang naitahi
Ngunit sa bawat aral na sukli
Isusulat ang bagay na nagwagi

Minimithi'y maisulat ko nawa
Sa panibaong aklat na ginagawa
Sa aklat na mayroong pahina
Tatlong daan at animnapu't lima

Ngunit hindi ako ang nagtatakda ng aking daliri
May mga bagay na di alinsunod sa aking wari
Ngunit pakiusap hangga't maari
Ang iyong layunin nasa Langit ang maghari
-JGA
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Pusang Tahimik Mar 2020
Kumusta mga hari sa lupa
Yaong mga anino'y hindi nakikita
Mga haring sila ang nagtatakda
Ng mga bagay dito sa lupa

Kumusta mga hari sa lupa
Yaong papel na may mukha
Mga haring dinadakila
Ng mga uhaw na dukha

Kumusta mga hari sa lupa
Na kaharian ay ang yaman sa lupa
Handang pumatay ng alila
Upang pigilin ang daigdig sa pagluha

Kumusta mga hari sa lupa
Na di kailanman kumalam ang sikmura
Na kailanma'y hindi lumuha
O nagbuhat ng kutsara

Kumusta mga hari sa lupa
Bundok ng bungo'y sumusumpa
Sumisigaw sa hinagpis na mga alila
Sa kamay ninyo mga hari sa lupa

Kumusta mga hari sa lupa
Pagbati ko sana'y makita
Nawa'y maunawaan ang Salita
Sapagkat dito tayo lahat nagmula

-JGA
Mensahe para sa mga hari sa lupa
cherry blossom Jan 2018
Takot akong mag-isa
Takot akong harapin ang apat na dingding na makakasama ko sa gabi
Narinig na nila akong kumanta
Ng mga sinasayawan ng kalungkutan na himig
Takot akong kamustahin ng mga unan
na nabulungan na ng mga kasalanan
Ng mga kumpisal ng mga pinakatatago kong lihim
Naulanan na sila ng mga luha
Na resulta ng ilang beses na pagtalalo
Na nagaganap sa utak ko

Hindi ko rin maintindihan

Walang nakakaalam
Na sa tuwing gabi
na tanging ang hininga ko lang ang naririnig
tanging ang puso na lang ang may ganang magdagdag ng segundo, paulit-ulit

walang nakakaalam
kung gaano kalalim
ang nilalakbay ng isip,
kung gaano kadilim
ang suhestiyon ng mga boses na nagtatakda
madalas na akong nakikinig sa kanila
pinipilit kong bugawin
ngunit mas malakas sila sa ‘kin

natatakot akong mag isa
natatakot ako sa mga gabing ako lang ang nagpapatulog sa sarili
natatakot ako sa mga susunod pa

hindi ka ba natatakot sa mga boses na nagpapatulog sa 'yo tuwing gabi?
01/17/18
minsan na akong natalo at wala na akong maipapangako.

— The End —