Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Oct 2018
Si tatay,
siya yung tipong gagawin ang lahat,
kahit buong buhay niya ibibigay,
pupunta kahit saan, kahit kailan,
masuportahan lang ang buong pamilya.

Siya rin yung kahit na may mali ka,
pilit pa ring iintindihin ka,
grabe ‘yan kung magalit,
pero pagdating sayo, may pusong mamon.

Ang haligi ng tahanan, ang tagapagbantay,
hahanapin ka pag napapahiwalay,
walang sinumang pababayaan,
hangga’t kaya, ipaglalaban,

Kahit sobrang daming problema,
kinikimkim nalang, hndi pinapaalam,
kasi ayaw niya kayong mapahamak pa.

Kaya ‘tay, kahit marami kang ginagawa,
pinararamdam mo pa ring andiyan ka,
pero ‘tay, kamusta ka na?


Si nanay,
siya ang ilaw ng tahanan, totoo nga naman,
iingatan ka, pakakainin ka, ipagluluto ka,
minamahal ka,
hindi ka niya iiwanan, kahit gusto **** makapg-isa.

Siya yung sa simula palang,
naghihirap na, nasasaktan na, nagtitiis na,
lahat ng ginagawa niya mula sa simula ay para sa’yo,
siya yung kahit madaling araw na, gigising pa rin,
makita ka lang na natutulog nang mahimbing, sapat na,
at kahit walang tulog, pagsisilbihan ka pa rin.

Kahit galit, mahal ka niyan,
“makuha ka sa tingin”, lagi niyang sinasabi,
magbibilang pa siya, kasi mahaba ang pasensya niya sa’yo,
“isa, dalawa, dalawa’t kalahati, magtatatlo na”.

Kahit madalas siyang galit, mas umaapaw pa rin ang pagmamahal niya,
hahanapin ka hanggang makauwi ka, hindi pa ‘yan makakatulog nang wala ka,
makakailang tawag pa sa’yo,
kahit puro “asan ka na?” ang naririnig mo,
mamimiss mo, at hahanap-hanapin mo pag hindi tumawag.

Kahit may pasok, kahit may sakit, kahit pagos,
hindi siya magiging tamad, nagpapahinga lang,
kaya mahal ko ang nanay ko,
kasi siya ‘yong laging nasasandalan ko.

Walang kontrata ang pagmamahal ng mga magulang,
dahil kahit matanda na tayo, tatay pa rin si tatay, at nanay pa rin si nanay.


Si kuya,
siya yung kapatid na hindi mo maintindihan kung paano magmahal,
siya yung kapatid na grabe mangasar, mangulit, at magpahiya,
ganyan naman talaga 'yang si kuya,
ganyan niya pinapakita ang pagmamahal niya sa'yo.

Hindi man siya magsabi ng "I love you",
ipakikita naman niya ito sa pamamagitan ng
pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kapatid,
ipapaubaya ang kahit ano,
kahit na mas kailangan niya pa.

Hanga ako kay kuya,
dahil hindi madali maging isang panganay,
lahat ng galit o sermon, sakaniya napupunta,
kahit madalas ang kapatid niya ang may kasalanan.

Walang papantay kay kuya,
kaya kuya.
andito lang ako kung hindi mo na kaya.


Si ate,
bibigyan ka ng atensyon kahit may ginagawa siyang iba,
madalas na nagbibigay ng payo,
mapagsasabihan mo ng mga lihim,
parang isang talaarawan.

Siya ang kanang kamay ni nanay,
kasama sa pamimili sa palengke, kasama sa kusina,
kasama sa pagluluto at pagkakain, kasama sa pagpupuyat.

Aasarin ka niyan, pero mahal ka niyan,
sasabihan ka niyang, "Uy, binata ka na".
o kaya, "Uy, dalaga ka na",
Maiiyak ka sa tuwa sa pang-aasar niya.

Siya ang unang yayakap sa'yo sa kalungkutan mo,
malambing, parang anghel ang boses, mainit ang yakap,
lahat ng init na kailangan mo sa malamig na gabi
ay mabibigay niya.

Parang mga bituin sa langit,
kaya si ate, mahal ko 'yan,
mahal na mahal ko 'yan.


Bunso,
siya yung pinakamakulit sa lahat,
kahit anumang suway mo,
sige, tuloy pa rin sa pagkakalat.

Siya yung nagpapasaya sa bahay,
ang kaniyang paglalaro
o presensya palang ay sapat na.

Siya yung nagmamakaawa,
makamit lang ang gusto niya.

Kahit na pagod na kayo,
tuloy pa rin ang pangungulit,
tuloy pa rin ang kaniyang pagpapatawa,
hanggang sa sumakit ang panga mo sa katatawa.

Ading,
salamat dahil andiyan ka,
salamat sa pangangamusta,
mahal ka naming lahat.
a collab work of Chester Cueto, Jose De Leon, Danver Marquez, Erikyle Aguilar, and Ericka Kalong
Kelly Bitangcol Nov 2016
Noong Nobyembre 8 2016, magandang araw ang aking naranasan. Lahat ng tao ay naging mabait sa akin, masaya ang mga pangyayari at nakangiti ako buong araw. Nang sumapit ang hapon at ako ay pauwi na galing sa eskwelahan, mayroong ibinalita sa akin ang aking ina. At dahil sa balita na iyon, nasira ang aking mabuting araw, at napalitan ng pagiging miserable. Isang pangyayari na tumatak sa isip ng madaming Pilipino,  isang pangyayari na naghimok sa akin upang magsalita at lumaban. Noong Nobyembre 8 2016, pinayagang ilibing ang dating presidente at diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.


          Bayani ba si Marcos? Siya ay naging presidente ng Pilipinas sa loob ng dalawampu’t isang taon. Alam nating lahat ang kanyang mga nagawa, dahil sa kanya mayroong NLEX, at iba pang mga imprastraktura at gusali. One is to one ang peso at dolyar noong kanyang panahon. Madami siyang nagawa para sa ating bansa. At sabi nga ng maraming Pilipino, ginawa niyang mayaman ang Pilipinas. Pero ano nga ba ang katotohanan? Noong ako ay bata, nasa isip ko rin na si Marcos ay naging magaling na Presidente at pinaganda niya ang Pilipinas. Pero nang ako ay tumanda, nalaman ko ang mga katotohanan na ayaw tanggapin ng karamihan. Bago pa maging presidente si Marcos, mayroon ng malaking oportunidad na magkaroon ang Pilipinas ng economic bloom, at yuon ay dahil sa administrasyon ng mga dating Presidenteng si Magsaysay at Macapagal. Kung mayroong dapat ikredito kay Marcos yuon ay ang pagpapayag niya ng paghiram ng malaki at ang ginawa niyang malalaking utang sa mga dayuhan na dapat kanyang gamitin para sa industrialization at pagpapaunlad. Ngunit sinayang ng rehimeng Marcos ang lahat ng perang ito sa pamamagitan cronyism at katiwalian. Ang hindi alam ng nakakaramihan ay isa siyang kurakot na lider, at ang kanyang mga utang ay babayaran natin magpahanggang sa taong 2025. Oo, madami siyang naipatayong mga imprastraktura at may mga nagawa siya sa bansa, pero hindi ba galing sa mga Pilipino ang pera na iyon? Nasa kapangyarihan siya sa loob ng dalawampu’t isang taon, malamang sa malamang ay madami siyang magagawa. At hindi ba responsibilidad iyon ng isang presidente? Na paglingkuran ang bansa? Bakit kailangang isumbat iyon? Ang daming bagay na hindi alam ng mga Pilipino at lubos na nakalulungkot ito, ang mas nakakalungkot pa ay ang mga nakalimot sa Martial Law. Pinili ng mga tao na kalimutan ang mga totoong bayani, na nagbuwis ng buhay nila para sa bansa na ito. Nakalimutan nila ang mga libo libong tao na namatay at nasaktan. Nakalimutan nila ang dami ng dugo, at sakit na dinanas ng Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang demokrasyang binura ng administrasyong Marcos ay pilit na kinalimutan ng mga mamamayan ngayon dahil sa kadahilanan na ginawa naman nitong maganda ang bansa. Ang kalayaan na ipinaglaban ng mga Pilipino noon, ang kalayaan na dahilan upang makapagsulat ako ngayon, ay hinding hindi ko makakalimutan. Mga perang ninakaw,  mga Pilipinong lumaban pero namatay at nasaktan, mga karapatan na nayurakan, gaanon nalang ba kadaling kalimutan? P167.636 bilyon na ninakaw, 3,264 na namatay, 34,000 na tinorture at 70,000 na nakulong. Hindi bayani si Marcos, at kahit kailan hindi siya magiging bayani.


       Ang pangyayaring ito ay isang malaking bahagi sa ating kasaysayan at bansa. Sinasabi nila na tayo ay mag move on at magpatawad, pero paano natin ito mabibigay kung wala namang nanghihingi nito? At wala sa kanila ang desisyon kung kailan tayo magbibigay ng tawad. Habang ang mga Pilipino ay pinatay ay ninakawan, ang pamilya niya ang nagsasaya dahil sa kanilang yaman at dahil sa pagiging bayani ni Marcos. Sa pangyayari na ito, parang nabura ang ating kasaysayan. Para nating kinalimutan lahat ng nangyari. “Buti pa si Marcos may bangkay.”, sabi ng isang pamilya na hindi pa nahahanap ang bangkay ng isang Martial Law victim. Paano tayo magmomove on sa isang pangyayari na hindi pa naman nagkakaroon ng maayos na wakas? Ito ay parang paglagay ng asin sa sugat na hindi pa naghihilom. Ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan, sa katunayan, ay sobrang nakakatakot. Nakikita ko na simula ito ng panibagong panahon na walang demokrasya at pagapak sa mga karapatan. Baka masyado tayong takot sa kasaysayan, pero hindi tayo takot na maulit ito. Pero hindi ako titigil, hindi dapat tayo tumigil, upang ipaglaban ang tama. Tayo ay magsalita, at lumaban para sa ating bansa. Huwag tayong susuko para makamit ang tunay na hustisya.  Hahayaan ba natin na maulit ang madilim na nakaraan? Hindi na muli.

*(k.b)
Natandaan ko ang mga tawa **** ‘di natatapos,
At ang mga pang-aasar **** ‘di maubos.
Naiinis ako pero, “haha. Tawa na lang.”
Hindi ko naman inaasahang
May muling bubulaklak ulit sa aking puso.
Noong hinahawakan mo pa ako,
Lagot na naman ang aking damdamin.
Ikaw na ang laging nasa isipin.
Pero... May minamahal na rin ako.
Bakit ngayon may lungko’t galit ka?
Sila ba ang rason at sa susunod ay ako.
Sorry kung ako ang naging dahilan.
Hindi ko sinasadya, iiyak-iyak ka na.
Aaminin kong hindi ako sanay
‘Di ko rin man lang matanong kung,
“Huy. Okay ka lang ba?”
Halata naman sa mga mata mo
Na hindi mo na talaga kaya.
Ewan ko ba, ngiti mo lang ang hinahanap ko.
‘Di ko rin alam na iyon ang kailangan ko.
Kaibigan lang naman pero bakit iba?
Gusto kita patawanin ng patawanin...
Para tumigil ang pagwawasak ng iyong damdamin.
Kaibigan kong malakas at matapang,
Alam kong lalaki ka pero hindi mo tinago,
Ang mga damdamin **** ‘di naglalaho.
Alam ko na baka isumbong mo ako,
Sa aking lalaking iniirog.
Pero kung alam ko lang ang rason ng mga tawa mo,
Sigurado akong naibigay ko na iyon sa’yo.
Yung mga pang-aasar mo para sa’kin na ‘di mo malimot,
Nasa ulo ko, pinagtatawanan kong paikot-ikot.
Malamang ay pinagtatawanan mo rin
At sigurado akong gusto **** balikan.
Magiging baliw ako, mapatawa ka lang,
Nagugustuhan (na) kitang makasama,
Pero mas maganda pang kaibigan na lang.
Kasi pag nalaman ****, “oo. Gusto kita,”
Hala heto na naman... Aalis at iiwas ka na.
Minsan ay nakakapagod rin maghabol
Ng mga taong sa huli’y mabibigay ng hatol.
Pero ‘di tayo aabot sa ganoon.
Kalimutan mo na ang aking sinulat.
Ito ay kabilang sa pagkakamali ng kahapon.
Kahit “kuya” lang? Okay na.
Haha. Kaibigan lang? Okay na.
O lalaki kong best friend? Sapat na.
Tandaan mo na lang na narito ako lagi,
Para subukan na mapatawa ka kahit minsan.
Sapat na, hanggang kaibigan lang.
Noel Oct 2015
Alam mo bang ikaw lang ang minahal ko nang ganito?
Yung tipong pag nakikita kita, gagawin ko'y di mapagtanto
Yung kahit anong hilingin mo'y mabibigay ko
Yung naalala kita lagi kapag may kundiman sa radyo

Sa kabila ng lahat, iniwan mo kong nag-iisa
Nakakubli sa unan kong basa
Ikaw ang naging buhay ngayo'y hirap nang huminga
Hindi ko alam kung paano kakayanin ang sakit na iyong dinala

Pero bakit ikaw pa rin ang laman ng aking mga panaginip?
Hinahaplos mo raw ng iyong mga kamay ang aking mukha
Parang awa mo na't lubayan mo na ang aking isip
Ako'y nagdurusa pa rin sa labis na sakit na iyong dinala.
ISAGANI Mar 2019
Kung ang gabi'y magiging tao mananatili siya sa sulok at aantayin ang iyong paglapit

Siya yung tipo ng taong sa tuwing kakausapin mo'y tititigan ka lamang at hindi iimik

Hahayaan ka niyang magsalita hanggang mamaluktot ang iyong dila ngunit katahimikan lamang ang mabibigay niyang kapalit

Hahawakan niya ang iyong palad at ang buhok mo'y kanyang hahaplusin

Pero hindi mo siya kailanman pwedeng mahalin

Hindi siya magsasawang makinig sa bawat hinaing at sinisigaw ng iyong damdamin

Dahil alam niyang iyon ang nais **** kanyang gawin

Paminsan minsa'y makikitan mo siyang ngumiti

Paminsan minsa'y may kasamang butil ng luha ang pagkurba ng kanyang labi

Hindi siya magsasalita

Hahayan niyang ikaw ang magsabi ng dapat niyang maramdaman

Hahayaan niyang siya'y iyong husgahan

Hindi siya kikibo at hindi siya magrereklamo

Hahayaan niyang ikaw ang magsabi kung alin ang totoo

Siya yung tipo ng tao na lahat ay kaya niyang gawin

Basta't para sayo hindi siya magdadalawang isip ihain

Wala man siyang makuha pabalik

Ang nais lang niya'y ngumiti ka at hindi na muling maligaw

Sa tuwing pupunta ka kay araw

— The End —