Kalakip ka ng dagundong ng hangin ngayong tanghali:
Bago ang lahat, kakapahin ko ang natitirang
init sa upuan. Iyon ang aking galit. Inukit ng iyong bigat
ang paglubog ng buwan, dito sa aking gabi,
tumatambad sa silid na walang durungawan,
isang batang namumugad,
gumagapang sa walang-malay na gulugod
ng pagdaralita. Bulahaw ng radyo at ang binulatlat
na pagkakataon – matapos ang lahat ng ito,
ang tulog ay may angkop na bigat,
panaginip ay kulata, dala ng hangin ang bukas
na walang pagkakaiba: Dinaanan mo na rin ito
kahapon ng hindi man lamang dumungaw
para kumaway.