Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
ESP Mar 2016
Lasapin ang bunga ng paghihirap
Puso, isip at kaluluwa lang naman
Ang iyong nilaan para ikaw ay
bigyan ng kaunting sahuran.

Kung minsan, napapagod
Ay, madalas nga palang pagod
Ang katawan man ay bumabagsak
Gagaling ka rin at
Itutuloy ang paghihirap

Sabi ko noong bata pa ako
"Inay, gusto kong maging doktor
pagkalaki ko.
Pagka't gusto kong pagalingin
ang bawat maysakit na tao."

Hanggang sa nagpagtanto ****
Habang lumalaki
Ni hindi naman pagiging doktor
ang gusto mo paglaki

Ako ay sinanay upang maging alipin
Upang siyudad ng sikat na
Politiko ay yumaman sa aming kamay
Ngunit salapi'y nadudulas sa aking palad
Nalilipad-lipad at napunta sa
"tagapaglingkod ninyong totoo,
kami ay kasangga ninyo."

Sabi nga ng ilan ay
Buhay ay sadyang gulong ng palad
Hindi ako naniniwala dahil,
ikaw mismo na nabubuhay ang
siya lamang makapagsasabi at
makapagdidikta ng iyong kapalaran
Nasa iyong kamay ang kasagutan
Kaya pakilusin na ang mga paa
Buksan ang iyong mga mata
Pakinggan ng iyong mga tenga
ang bawat hinaing
Ito ay magbabago rin
kung bawat katawan ay kikilos
sabay-sabay muling galawin

Tayo ang sagot
sa hirap na dinaranas
Tayo rin mismo ang makapagbabago
Ng kung ano mang ang nakasanayan
Ng kung ano mang gawaing katakwil-takwil
Tayo lamang
Tayo lamang ang pagbabago.
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
bartleby Dec 2015
Ang ganda na sana ng tugtugan
Ang yabang ko pa
Abang na abang ako sa kantang patutugtugin nung kuya sa caf
Ayun, "Forevermore" ng Side-A
"Ay putang ina"
Solid.
Kahit may pagkain sa harap ko.
Ang sakit pala.
Ang hina ko pala.
Isang kanta lang, hindi ko kinaya.
Oa para sa iba.
Pero para sa'kin?
Iba.
Masakit.
Hindi ito yung mga oras na kaya ko maging matapang.

Isang kanta lang, hindi ko kinaya.
Bakit ba ako nasasaktan?
Bakit ang lala?
Mahal mo pa ba sya?
Mahal mo ba talaga ako?
Ang sakit pala.
Ang hina ko pala.

Ang yabang ko pa.
Akala ko napakatatag ko.
Pero hindi pala.
Isang kanta lang, hindi ko kinaya.
Bakit kasi hindi mo ako hinintay?
Pinanindigan ko ba talaga pagiging "laging late" ko?
O sadyang kailangan ko lang talagang masaktan nang ganito?

Isang kanta pero ibang sakit ang dulot sa'kin.
Isang kanta mula sa nakaraan mo na labis na nagpapasakit sa ngayon natin.
Madaling sabihing lumipas na yun.
Pero mahirap ding pilitin ang sariling 'wag mapaisip
Ano kayang iniisip mo nung narinig mo rin yun?
Naalala mo ba lahat?
Naalala mo ba sya?

Nanghihinayang ako.
Bakit ba hindi kita noon nakilala
Nung hindi pa ako ganito kahina
Nung kaya ko pa magmahal nang buong buo
Hindi tulad ngayon na puno ng takot

Nang tignan mo ako sa mata
At sinabing mahal mo ako
Saglit na tumigil sa pagtibok ang puso ko
Masaya at masakit
Sabay.
Lalo akong nahirapan.
Hindi ko na alam.

Sa bawat araw na dumadaan
Mas minamahal kita
Ayaw na ayaw kong nawawala ka sa tabi ko
Maya't maya hinahanap kita
Akala ko ganun ka din
Kaya lang nasasakal ka na pala
Hindi ko namalayan
Sobra na pala
Paano ba talaga magmahal?
Bakit kung hindi ako kulang, sobra naman?

Ngayon hindi ko na alam paano ka kakausapin
Paano kikilos
O magsasalita kapag andyan ka
Pakiramdam ko lahat ng gawin at sabihin ko,
Mali.
Sobra.
Kulang.
Ewan. Paano ba?
Siguro nga ganito talaga kapag nagmamahal.
Masakit.
Kumplikado.
Uubusin lahat ng lakas mo.

Ibibigay ko ang gusto at kailangan mo.
Pero sana sabihin mo
Kung sawa ka na
Kung ayaw mo na
Kung kaya mo pa
Kung mahal mo ba ako
Kung mahal mo pa ba ako
Kung mahal mo ba talaga ako
Kaya ko tiisin lahat
Hanggang alam kong may pinanghahawakan ako
Pero kung wala na,
Handa naman akong magpatalo
Handa akong masaktan
Maging masaya ka lang

Sanay naman kasi ako
Alam kong mahirap akong mahalin
Hirap din akong mahalin ang sarili ko
May mga bagay na sadyang hindi nababago
Pero kung tunay kang nagmamahal, matatanggap mo
Matitiis mo
At kahit hirap ako
Ginagawa ko
Hindi ko isinusumbat
Gusto ko lang malaman mo
Na ganito ako magmahal
Uubusin ko ang sarili ko

Sana maubos na rin lahat ng sakit na 'to
Hindi ko alam na ganito ang epekto ng isang kanta
Isang kantang magsasampal sa akin ng katotohanan
Na walang madaling paraan para magmahal
Hale Oct 2019
Sa bawat patak ng oras, ako'y nauubos.

Hindi mawaring isipin kung kumusta ka.

Iniisip mo ba ako? O ako lang ba ang nahulog?

Pilit kong itinatanim sa aking isipan na huwag magmadali.

Hayaan ang tadhanang gumawa ng paraan. Bigyang respeto ang tamang pagkakataon. Huwag nating pilitin.



Ngunit kasabay ng pagkumbinsi sa sariling huwag mangialam, nahahati ang aking isipan upang gumawa ng unang hakbang.

Ano nga bang mapapala ko kung hindi ako kikilos? Subalit sasagi sa isip ang posibilidad na mawala ka dahil sa mapupusok kong gawi.



Isang malaking palaisipan ang pag-ibig.

Hindi ito para sa mga mahihina ang puso.

Hindi ito para sa mga taong mabilis mahulog at madaling masaktan.

Minsan napapaisip ako kung bakit pa ba natin ito ginagawa?

Sa dinami-dami ng hirap, sakripisyo, at sakit nitong dulot, talaga bang may patutunguhan?



Sa tagal ng panahong ginugol kong mag-isa, naliwanagan ako sa aking halaga.

Karapat-dapat ako sa pagmamahal na buong-buo at mapagpalaya.

Ngunit, tangina naman. Bakit ganito kahirap mahanap?



Akala ko madali. Iwinaksi ko lahat ng hadlang na maaari kong malampasan.

Ginawan ng paraan at isinaayos ang sarili.

Pagkalingon ko'y ako bigla ang nahuli.

Halos lahat ng aking mga kasabayan nagkaroon na kani-kanilang katambalan.



Ang malas ko naman.

Bakit ako na lang ang hindi nabigyan? Hanggang sa dulo ba ay ganito pa rin?

Parusa ba ito sa salang hindi ko namalayang gawin?

Diyos ko, ano bang magagawa ko?

Anong ginawa ko upang maranasan ito?



Hindi naman sa pagdadrama.

Ang nais ko lamang ay isang makakasama. Iyong makakausap sa araw-araw nang walang sawa.

Iyong magbibigay sa akin ng atensyon at alaga. Ngunit kasabay nito, ako'y handa rin

Na isauli ang pagmamahal na aking nagkakandarapang kunin.



Isang pagkakataon lang po upang magsimula muli ang puso

Makadama ng pagmamahal na tapat at totoo

Makakaasa kayong hindi ko ito isusuko

Anoman ang pagsubok na aming matamo
First Filipino poem I published.
For all the people who had been single for a long time and wanted to have someone again
ACMP Feb 2016
Mayroong namumuo.
Sino ang pasimuno?
Tapos biglang naputol.
Sino ba ang huminto?
Wala ng  kumibo.
Sino unang kikilos?
Tapos biglang nag-hello.
Sino ba ako sa'yo?
Puro na lang tanong.
Teka, sino ka rin ba sa akin?
Ayun! Wala pa ring umaamin.

— The End —