Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Paul Diesta Jul 2015
Ba't di mapigilan 'tong nararamdaman
Kahit aking puso'y lubos ng sugatan
Punyal na tumarak dito sa 'king puso
Hinagpis ng dibdib na luha ay dugo.

Kaysakit isipin kung bakit ganito
Lungkot ay bumalot dito sa 'king mundo
Laking pagsisisi kung ba't ba nagawa
Lahat ng kamalian sa'yo oh! Sinta.

Sabihin man nila ako'y isang tanga
Puso'y di nagsisi ng piliin kita
Sa 'ting mga kaaway ipagtatanggol ka
Kahit buhay ko pa ang bawiin nila.

Ulan man o bagyo, aking tatahakin
Aking iniirog wag mainip sa'kin
Maghintay ka lamang tanging panalangin
Kanser na pagibig, dapat ba sa akin.
KRRW Aug 2017
Si Jamaeda:
Isa siyang matrona
na ang pangarap
ay ang wagas
na kagandahan.
Palagi siyang
nilalait ng kanyang
mga kaeskwela.
Maging mga kapatid niya
ay nilalayuan siya.
Samantala,
ang mga magulang niya
ay ikinahihiya
ang kanyang
kakatwang presensiya.

Isang araw,
kanyang natuklasan
isang natatanging pormula
upang makamtan
pinakamimithing kagandahan.

Mula sa laboratoryo
lumabas ang isang
mestisang diyosa
na siyang nagdulot
nang tiyak na pagkahulog
ng bawat panga
na nilalampasan niya.

Puri dito, puri doon.
Ang tainga niya
ay pumapalakpak.
Kaway rito, kaway doon,
hindi siya matigil
sa kahahalakhak.

“Sa wakas,”
ika niya,
kagandaha'y napasakanya.
Subalit,
ngunit,
datapwat,
langit biglang
kumulog,
kumidlat.

Habang ang diyosa'y pauwing
mahinhing naglalakad,
nakasalubong niya
ang isang matrona
na siyang nagpaalala
ng mapait na nakaraan niya.
Itsura ng matrona
sadyang kasuka-suka
mas masahol pa
sa dating muka ng diyosa,
wika ng marami
pinagsukluban ng langit at lupa
maging impyerno ay nakialam pa.

Hiling nito sa diyosa
ibahagi ang sikreto niya
sa pagbabago ng uling
at naging isang ginto,
ngunit ang kagandahan
ng diyosa'y panlabas lang
sapagkat kanyang budhi
lubos-lubos ang kaitiman.
Itinaas ang kilay
at saka pumanhik,
hindi niya namalayan
ang nagbabadyang panganib.

Plok! Plak!
Inay ko po'y kaysakit!
Ang diyosang marikit,
napasubsob sa putik.

Ngunit sa halip
na malambot ang lupang hahagip
'yon pala'y sa ilalim
may nakatagong talim.
Matigas niyang mukha
ginuhitan ng pait
ang maladiyosang matrona
nasiraan ng bait.

Lahat ng tao'y
naengganyong lumapit,
sa lakas ng kanyang sigaw
dahil sa sobrang sakit.
Imbis na tulunga'y
pinagtawanan, nilait.
“Hahaha! Buti nga sa 'yo,
mayabang ka kasi,”
ang kanilang sambit.
Luha niya'y nangingilid,
ngunit walang pasubali,
ang kutya nila'y sumasabay
sa ulang masidhi.

Sa hindi niya inaasahan,
dinamayan siya ng isa.
Isang pamilyar na mukhang
hindi rin naman
naiiba sa kanya.

Magbuhat noon,
natutunan niya
ang isang malaking
leksiyon:
“Mas masarap ang maging duryan,
kaysa maging isang mamon.”
Written
31 August 2013


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Michael Joseph Nov 2018
Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinadamdam mo ang lamig ng kahapon, ang paglisan
minamasdan ko sa layo ng araw ang iyong halina

Mahirap mag-intay sa ilap ng mga sulyap,
tanglaw sa tuwing naghahanap-kayakap
sa mapangakit na halina ng mga ngiti sa labing
malabong magdikit kahit sa pangarap

Sana’y sapat na ang mga awit
ng mga tulang binigkas sa hangin,
nagbabakasakaling maipadama ang lalim
at tugma ng pag-ibig na nilihim

Sa gabi, mag-isa na naman at dama ang lamig
yakap ang unan, hawak ang kumot
nag-iilusyong kasama ka

Sana’y maulit muli ang sumpa
sana’y walang takot sa halina
‘pagkat sanay na tayo sa lamig ng gabi
alam na natin ang ingay o init
at takot na tayong mabighani

Sa umaga, mag-isa na naman at dama ang init
masaya na sa halik ng kape sa labi
nag-iilusyong kasama ka.

Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinamdam mo ang lamig ng kahapong kaysakit
ninamnam ko ang tamis ng kalayaan sa pasakit

sana’y tanghali nalang tayo nagkapiling
sana’y di pa sanay o manhid sa pag-ibig.

Tadhana
Michael Joseph Aguilar Tapit
6/19/2016
Kurtlopez Oct 2020
Pinilit lumaban, ngunit sadyang nahirapan,
Isinuko sa tadhana,ang sitwasyong ‘di na tama,
‘Di na kailangan na itong emosyon ay mahirapan,
Kaya’t itong iyong kamay na hinahawakan,
ay kusa ko nang binitawan…

Kusa ko nang hinayaan.
Kusa ko nang pinabayaan…
sa hangin kung saan man,
ang kamay na ito’y ramdam ang kalayaan,
Ang kaginhawaan… ang kapayapaan.

Nagparaya, Nagpaubaya, Nagpalaya.
Bakit tila hirap akong ito’y maunawaan?
Tila hindi mapalagay itong puso’t isipan…
At tunay na umasa sa kamalian…
Kawalan ay tila tinakasan…
Balakid ay aking kinalimutan…
Naglakas loob dahil nasasaktan,
Ininda ang natatanging kahinaan,
At hinarap ang tatlong kalakasan.

NAGPARAYA
Sa tadhana ako’y nagparaya…
Nagparaya na sa kanya’y maging taya,
Nagparaya sa kanyang maging tanga,
At nagparaya sa larong kayduga.

NAGPAUBAYA
Nagpaubaya nang natatanging biyaya,
Nagpaubayang ang luha ay tumulo sa lupa,
Nagpaubayang ang puso ay magambala,
At lamunin ng takot sa muling pagkikita.

NAGPALAYA
Ang huli ngunit kaysakit na aking magagawa,
Nang umabot sa puntong ako’y nagpalaya,
Nagpalaya kahit nagmistula nang kawawa,
Ang pusong nagmahal lamang…
ngunit ‘di nakamit ang laya.
Kaya’t sa huling pagkakataong ako’y gagawa,
Nang aksyong sa salita ko ay aakma,
Ay yun ay ang panahong ako ay…
Nagparaya, Nagpaubaya, at Nagpalaya.

— The End —