Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
042522

Sasapit na naman ang pinakahihintay na araw,
At hindi ito mananatiling sagrado magpakailanman.
Lahat ay mabibigyan ng patas na paghuhusga
At mismong lipunan ang syang magpapasya.

Naririnig ko na ang sigawan sa bawat dako ng gintong kompas
Kung saan ang kanilang hiyawa'y pagkakawatak-watak.
Iba't ibang ideolohiya sa demokratikong bansa
Kailan nga ba matatamasa ang tunay na pagkakaisa?

Sa bawat kulay na sinasabi nilang ito raw ang bukas
Ay ito rin ang gumuguhit sa kasaysayang tayo na't makibaka.
Kaya nga nating kulayan ang ating pagdikta
Ngunit sa ganitong paraan nga lang ba tayo kakalma?

Sa tuwing may mauupo sa trono na kataas-taasan,
Paano nga ba ang ating pagtindig
Para sa sinasabing mahal na bayan?

Pilipinas nga ba ang ating pinipili?
O kung saan lamang tayo kampante
Habang nananatiling namamaypay
At abala sa kabi-kabilang pag-uusig.

Iniisip nating tayo'y tunay ngang nasa laylayan na,
Ngunit ito nga ba ang kapeng gumigising
Sa dugo nating makabayan?
At sapat ba ang ating paghiyaw
Na walang hinihinging basbas mula sa Itaas?
Mga bibig natin, paminsan nga'y
Puno lamang ng mga palatastas.

Sapat ba na tayo-tayo na lamang
Ang naghihilaan pababa't paitaas?
Pagkat mismong pananampalataya'y
Nadudungisan ng walang katapusang pagkawatak-watak.

Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan --
Ikaw ang bansang hinirang ng Pagkataas-taasan.
Panatang makabayan, iniibig ko ang Pilipinas --
Sana'y mapaninidigan kita't
Hanggang sa huli'y maipaglaban
Pagkat maging aking hininga'y
Pansamantalata't pahiram lamang.

At hindi ito lotto o binggo,
Hindi tayo nagtataya nang kung sinu-sino.
Ngunit kung sinuman
Ang maging huling sigaw ng bawat Pilipino
Sana tayo pa ri'y magkaisa
Para sa dangal na nais nating isulong.

Ating pagkatandaan na kahit noon pa ma'y
May iisang hindi tayo tinalikuran,
Iisang Pangalan na may hawak ng bawat kapalaran
Higit pa sa bawat kulay na ating tinatayaan --
At Hesus ang Kanyang Ngalan!
Bangon Pilipinas!
kingjay Apr 2019
Sa tag-init ay nagdidikdik ng asin
Sa tag-ulan ay kakainin ang bunga ng pananim
Ano ito ang nakatagong sakit
na ipinunla ng mga luha

Dahil sa hindi masabi sabi
ang sinta
kaya ba na muntik na gawin ang pangkukulam kay Dessa
Kasalanan na kaagad may parusa
Lumalalim na ang tampo sa kanya

Pagsuyo na pinag iingat-ingatan
ay punyal na nakatarak sa puso't isipan
Mas mabuti kung nakakalimutan
Ngunit sumpang ala-ala na bumabalik hindi nagtatahan

At kapag lasing na ay nagiging madaldal
Mahangin ang wika, sa kataas - taasan ay umaapaw
Kung mananahimik ay parang nakakulong sa bahagi ng mundo

Sa prusisyon ay hindi maglalakad
Ang luhang dumausdos sa pisngi ay wala ng makababakas pa
kahit patak man ng natutunaw na kandila
060522

Marahil salungat ang lahat sa ating pagsagwan
At baka sinasabi nilang
Naging iba na rin ang ating pamamaraan
Sa pagtuklas ng sining na buhat pa sa nakaraan.

Tila ba nais nila tayong patahimikin
Gamit ang mga balang kinimkim ng ating damdamin.
Hanggang sa tayo’y mabihag sa mga himig na iiba ang ritmo
Sa ninanais nating komposisyon.

Bagamat ito ang landas na payak para sa nakararami —
Ang landas na ang lahat ay handa nang tumaya't sumugal
Ngunit hindi, hindi pala ito para sa ating lahat —
At masasabi nating iba ang sinisigaw ng pulso nati't kaluluwa.

Sa mga pahinang ginuguhitan ng iba't ibang tinta'y
Tanging tayo lamang ang higit na may kakayahang kilatisin
Ang bawat guhit sa ating mga palad
At ang mga mantiyang hindi natin mawari sa simula
Kung saan ba ang pinanggalingan ng mga ito.

At sa muling pagdungaw natin
Sa sisidlan ng ating mga kaluluwa’y
Mahahanap din natin ang mga kasagutan
Sa pakikipag tagu-taguan natin sa mga lunas
Habang makakapal pa ang mga ulap na ating pilit na hinahawi.

Marahil nasisilayan nila tayo sa lente
Kung saan sila'y nakamulat na
Habang tayo'y kumakapa pa sa dilim —
At ang sinasabi nilang gintong mga salita'y
Nagmistulang mga malalaking batong balakid
Patungo sa liwanag at kalayaan
Na nais nating tuklasin nang mag-isa.

Marahil hindi nila tayo maintindihan
Sa mga oras na ang lahat ay abala
Sa pagsuong ng kanya-kanyang mga bangkang papel
Patungo sa tubig na dulot ng di kanais-nais na panahon.

At walang sinuman ang may kagustuhang maguho
Ang binubuo nating larawan sa ating mga isipan
Habang tayo'y pinagmamasdan ng  mapanghusgang lipunan
Kaya tayo'y tumitiklop sa halip na bumabangon nang kusa.

Gayunpaman, kalakip ng ating pagtalikod
Sa samu’t saring mga palamuting
Makinang pa sa ating mga kasuota’y
Doon pala natin maihihimlay ang sarili
Sa rurok na dati’y atin lamang na sinisilip at tinitingala.

Hubad ang ating mga pagkatao
Kung saan ang ating tinig ay hayagang mamaniubrahin
Ang mga kalansay ng kahapong humila sa atin pailalim
Habang tayo'y pansamantalang naging libingan
Ng mga baon nating kadilimang araw-araw nating hinihimay.

Ang ating pagsambit ng mga katagang
Tayo lamang ang nakaiintindi
Ay isa na palang patandaan
Na tayo'y dahan-dahan nang nakakaahon.

Bagamat walang hiyaw na sumasabay sa nais nating tagumpay,
Walang aninong nagbibigay-tulong
Sa bawat kahong ating binubuksan
Ngunit patuloy pa rin tayong papadyak at magpepedal.

Patuloy tayong lilipad higit pa sa ating mga imahinasyon
Kahit tayo mismo’y walang kamalay-malay
Kung saan tayo kayang tangayin
Ng mga saranggola ng kahapon at ngayon
Na ating kusang-loob na inialay na sa himpapawid at kalangitan.

At kung ang pagsagwan man nati’y salungat sa nakararami,
Ay patuloy pa rin tayong magtataya para sa ating mga sarili.
Patuloy na hahakbang at magpapasala sa umaalab na apoy,
At baka sakaling sa paulit-ulit na pagsubok nati’y
Ito na ang maging simula ng muli nating paglipad.

Maubusan man ng balahibo ang ating mga pakpak
Ay walang sawa tayong magbabalik sa simula —
Sa simula kung saan ang pag-asa
Ay tila ba kurtina sa ating mga mata
At waring nag-iisang diyamanteng kumikinang
Na handa nang igawad sa atin ng panahon.

Kung ito ang hamon sa larong alay ng tadhana'y
Tayo mismo ang kusang mag-aalis sa puwing sa ating mga paningin.
Magbibihis tayo hindi gamit ang lumang mga kasuotan
At gagayak na tila ba hindi tayo nasugatan
Buhat sa giyerang ating pinanggalingan.

Bagamat ang mga sugat sa ating katauha'y hindi natin maikukubli,
Ngunit ang mga ito'y magsisilbing baluti't tanda
Ng ating hayagang pagsambit
Na tayo'y nanatiling matatag
Pagkat pinili natin ang pag-ahon kaysa sa pagkalunod.

At hindi tayo mahihiyang tumapak sa papag
Kung saan tayo nagsimulang mag-ipon ng pangarap,
Kung saan ang ating lakas at inspirasyon
Ay buhat sa mga Letrang mahiwaga't makapangyarihan.

Sa mga oras na tila ba mabigat na ng lahat
Ay wala tayong natirang ibang armas kundi ang pagluhod.
At marahil sa ganitong paraan di’y
Mananatili tayong mapagkumbaba.

Muli man tayong nabasag at walang ni isang pumulot
Sa mga pira-pirasong kaytagal nating pinagsikapang mabuo’t pahalagahan.
At ang dugo’t pawis na hindi natin masukat
Sa babasaging garapon ng ating mga palad
Ay nagmistulang gantimpala sa atin ng Kataas-taasan.

Ito na marahil ang Kanyang hayagang paghikayat
Na kaya pa rin pala tayong akayin ng Kanyang mga Pangako
Patungo sa milagrong kaya pang lumipad ng eroplanong papel
Na minsang ginula-gulanit na ng kahapon.

Ang bawat Pangakong iginuguhit Nya sa ating mga puso
Ay higit pa na umaalab sa tuwing dumaraan tayo sa pagsubok.
Dito natin nakikilatis kung sino ba talaga tayo
At kung ano ba ang dahilan ng ating paghinga
Pagkat hindi pa rin tayo humahantong
Sa hindi natin muling pagmulat.

At kailanma’y hindi mauubos
At hindi mapapa-walang bisa ang mga ito
Ng mga ideolohiyang isinaboy ng sansinukob
At sapilitang isiunusubo sa atin
Hanggang sa hindi na tayo mauhaw at magutom pa sa Katotohanan.

Ang ating mga luha’y hindi lang basta-bastang dumaloy
Ngunit tayo’y inanod ng ating kalungkutan,
Ng ating hinagpis at walang katapusang mga katanungan
Patungo sa karagatang muli sa ating nagbigay-buhay.

Tila ba tayo’y muling binasbasan
Na higit pa sa mga tilamsik ng magagaan na butil ng ulan.
Na wala na pala tayong ibang dapat na patunayan.
At bagamat, napagod man tayo ngunit hindi ito ang naging mitsa
Ng ating pagtalikod sa Una nating sinumpaan.

At patuloy pa rin nating nanaising bigkasin
Nang walang bahid ng pagdududa’t pagkukunwari
Gamit ang ating mga palad at ang pintig ng ating mga puso’t damdamin
Ang pinakamagandang leksyon at mensaheng
Nagmistulang medalya ng bawat pahina ng panahon.

At mawawalan na tayo ng dahilan para magduda pa
Kung ano nga ba ang magiging katapusan
Pagkat ang tanging paksa ng ating paghimbing sa mga letra’y
Ang pag-asang darating din ang ating Tagapagligtas.

Ang ating pagyukod
At pagbaling ng tingin sa blangkong pahina’y
Isa palang pagsulyap sa kinabukasang
Makinang pa sa kung ano ang natatamasa natin sa ngayon.

At sa ating pag-angat hindi lamang para sa sarili
Ay 'di natin nararapat na malimutan ang dahilan
Kung bakit nais nating lumipad
At marating ang dulo ng pahina ng sarili nating mga kwento.
cj May 2017
Hihintayin pa ba natin
Na ang langit ay matakpan ng mga kulay abo na alapaap
Na pinaghalong mga usok ng bomba
At mga ulap na nagdadala ng mabigat na bagyo?

Hihitayin pa ba natin
Na mawala ang buhay ng isang inosenteng sibilyan
Sa ngalan ng isang lalake sa kataas-taasan ng kalawakan
Na hindi naman natin tiyak kung tayo ba’y binabantayan pa?

Hihintayin pa ba natin
Ang pag-hiyaw ng milyong-milyong mga mamayanan
Ang hiyaw na nagdadala ng kanilang takot
Na tila ba’y parang kampana ng simbahan
Pinipilit tayong tumayo at bumangon na

Hihitayin pa ba natin
Ang pagmamakaawa ng isang burgis na artista
Na ang tingin lang sa atin ay mga tseke at barya?

Hihintayin pa ba natin
Ang pag-tahimik sa atin ng mga lalakeng naka-itim
Sumisigaw at nananakot
Sa ngalan ng maitim na propaganda?

O hihintayin na lang natin
Na gawing tayong manhid
Sa bilang ng tatlo
Habang tayo’y tinututukan ng kailbre kwarenta y kwatro?
a little piece i made just to reflect what is happening in marawi and the world.
Matias Feb 2018
Lahat tayo ay pantay-pantay sa isang kamay
ngunit sa mundong ginagalawan
tayo ay nag-aaway away para sa isang tagumpay
kahit ang ibang tulad mo ay matapakan
wala ka ng pakialam
makamit lang ang inaasam-asam,
pagtakbo ng matulin
pagsisid ng malalim
paglipad ng mataas
mas mataas pa sa lipad ng mga ungas
nag-uunahan sa isang pwesto
isang pwesto na walang trono,
na kung saan ang mga tao ay wala ng modo,
lahat ng nasa baba ay inaapakan parang tuyong dahon
tuyong dahon na handang ibaon sa lupa,
handang sigaan hanggang maging abo na lang,
kamusta ka? isang malaking tanong
masaya ka pa ba sa karangyaan na mayroon ka ngayon?
nakalimutan mo na atang maging tao?
maging tao o kahit man lang magpakatao?
o tumuring ng isang tao.
sa iyong pagtakbo ika'y madadapa
sa iyong pagsisid ika'y malulunod,
at sa iyong paglipad ika'y babagsak
kung gaano ka katulin mas masakit ang pagkadapa,
kung gaano ka kalalim mas mahirap maka-ahon pa
at kung gaano ka kataas mas masakit ang pagkabagsak
lahat ng bagay ay may kabaligtaran
baligtarin mo na ang mga bagay na dapat baligtarin
dahil mas mahirap ang iyong sasapitin
kapag di mo naagapan ang iyong tatahakin.
bato-bato sa langit ang matamaan ay pangit
MM Oct 2018
Hindi ka bibiguin ng mga pakpak na ito
Itawid mo man ang sarili sa dagat at mga ulap
Hampasin man ng hangin at alon ang iyong mga bagwis
Ay hindi ito bibitaw at hindi papalya

Dadalhin ka pa sa kataas-taasan
Kung saan mas matatanaw ang asul na tubig
At mga berdeng lupain

Kung saan ang init na binibigay ng sinag ng araw ay mas matindi
Kung saan malaya ka

Kung saan sa wakas ay malaya ka na

— The End —