Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
M e l l o Jul 2019
Simpleng aya lang pero alam ko na kung ano ang naglalaro sa isip mo.

Ano na? Sasama ka ba?
Wag kang mag-alala hindi ako magtatanong kung
"open minded ka ba?"

Kung matagal na tayong magkakilala
alam na alam mo na kung ano ang aking sadya.

Umpisahan natin sa simpleng kamustahan,
madalas pag ako nag-aya malamang matagal tayong hindi nagkita
Saan ba tayo magkakape?
Ayos lang ba sayo
kung d'yan lang sa tabi tabi?
Pero alam kong mas maganda
ang usapan natin sa loob ng magandang café
pero pag wala tayong budget
baka naman pwede na iyong nescafé?
Ano ba mayroon sa pagkakape?
At bakit tila ba napakaimportante?
Ang tanong ano ba ang iyong forté?
Oh natawa ka mali pala ang aking sinabi
Ang ibig sabihin ko ay ano ba
ang gusto mo sa kape?
Malamig o maiinit?
Latté ba o yung frappe ang gusto mo
okay na ko sa brewed o americano
sorry medyo lactose intolerant ako
kaya bahala ka na mamili ng gusto mo
may kwento ako habang ika'y namimili
kwentohan kita tungkol sa mga taong
minsan ko nang inaya o di kaya'y nag-aya sakin na magkape
at sana mabasa niyo din ito
alam niyo na kung sino kayo dito,
wag kayong kabahan sa pagkat
ang inyong mga pangalan ay hindi ko
ipaglalandakan masyado akong concern sa pagkakaibigan natin
baka ako ay inyong biglang iwanan wag naman.


Simulan natin ang kwento sa kaibigan kong mga lalaki,
special 'tong dalawa kasi kakaiba
yung isa ang lakas ng loob niyang ayain ako
nang makapasok kami sa café
akala ko magkakape kami
akala ko lang pala yun
aba'y pagkapasok umorder agad ako ng kape
pero siya'y umorder ng tsokolate
loko 'to na scam ako
habang yung isa well,
ako yung nag-aya medyo matagal na din kaming hindi nagkita
kaya naman ako'y nabigla bagong buhay na daw siya
at umiiwas magkape sabi niya
gusto pa daw niyang matulog
nang mahimbing mamayang gabi
kaya ayun tsokalate din ang pinili
Ano?
Alam mo na yan kung sino ka d'yan.

Kinakabahan ka na ba?
Ikaw na kasunod nito.

May dalawa pa akong kaibigan
na lalaki,
pareho silang pag nag-aaya magkape
kailangan ko pang bumyahe
yung isa mailap at andyan lang
sa makati
at yung isa kailangan ko pang mag mrt kasi nakatira siya sa quezon city
sobrang weird lang ng isa kasi
yung bagong flavor sa menu nang café
tinatry niya parati
banggitin ko yung nasubukan niyang
flavor sa teavana series ng SB
Hibiscus tea with pomegranate
nasabi mo lasang gumamela
at yung matcha & espresso fusion
na nagmadali kang umuwi pagkatapos **** uminom
Hulaan mo kung sino ka rito?


Lipat tayo sa mga kaibigan
kong mga babae
pero bago ko simulan ang kwento,
madami akong kaibigang babae na sobrang mahilig din magkape
pero pasintabi sa mga lalaki
may gusto lamang akong ipabatid
pag kaming mga babae
ang magkakasamang magkape
pag ikaw ang nobyo ng isa dito'y
malamang lovelife ninyo ang topic
wag mabahala kapatid kasi
madami dami din naman kaming
napag-uusapan maliban sa lovelife niyong medyo kinulang
minsan may nangyayari pang retohan
pero lahat yun biro lang baka mapagalitan
pag ang topic na yan ang hantungan
kung ikaw ay nasa tabing mesa lang
malamang mapapailing ka na lang
sa mga topic namin na
punong puno ng kabaliwan
minsan pinaguusapan pa namin
kung sino yung couple
na naghiwalayan kamakailan, inaamin ko
songsong couple kasama sa usapan.

Dalawang grupo 'tong kasunod.

Eto yung mga kaibigan ko na kung kami'y magkape puro deep talks ang nangyayari,
mga bagay sa mundo na hindi mo akalain nakakagulo sa taong akala mo hindi pasan ang mundo.
Mabibigat na usapan na may kasamang konti lang naman na iyakan
sama ng loob, pagkabigo at sobrang pagka stressed sa trabaho.
Ilang mura ang maririnig mo
pag sensitive ka at hindi nagmumura
hindi ka kasama dito.
Eto yung deep talks na walang tulogan
alam mo na yan part ka dito
mga usapan na kung iyong pakikinggan ay
masasabi mo sobrang weird naman
ang mga topic ay everything
under the sun yun nga lang dudugo tenga mo sa technical terms at englishan.

Eto yung grupo ng deep talks yung topic ay puro pangarap, eto yung deep talks na masasabi kong very inspirational at educational. Hindi tulad ng naunang grupo
sa ganitong usapan madami kang malalaman.
Dito lalabas ang mga katagang
"Wag mo kasing masyadong galingan"
at yung "baka hindi mo ginalingan"
Sasakit ang tiyan mo kakatawa at sasakit mata mo sa kakapigil ng iyong luha eto yung genres ng deep talks na may humor, drama, slice of life, at shoujo.
Mga usapang trabaho katulad nang parang naging monotonous at routinary na ang buhay:
Need mo lang ng new environment?
Mag bakasyon ka?
Career growth?
Feeling stagnant?
At
Mga usapang gigil sa ganitong mga tirada:
Ilang taon ka na?
Kelan ka mag-aasawa?
May boyfriend ka na ba?
Nagpapayaman ka ba?
Bakit si ano may ganito na ikaw kelan?
Naka move on ka na ba?

Ano asan kayo d'yan?
Wala ba?

May grupo din na sila laging nag-aayang magkape, mga kaibigan ko na ang usapan lagi ay magkita
sa ganitong oras ay palaging
hindi sumasakto ang dating
Pag eto yung kasama ko puro usapan namin ay mga memories noong elementary
minsan lang magkakasama pero ang samahan solid naman ang lalakas mag kulitan o ano kelan ulit tayo pupunta ng mambukal?
Sino na ang ikakasal?


Sa sobrang dami kong nabanggit
muntik ko nang makalimutan ang dalawang babae na 'to
pag kami nagkikita bakit puro ako yung napupurohan sa asaran
ang layo namin ngayon pero sana
pag-uwi ay magkakape ulit tayong tatlo
sobrang dami ko nang baong kwento malamang yung isa dyan isang maleta ang hila niyan
sagot ko na ang kape pero pakiusap
hayaan niyo muna akong makaganti.


Ang dami ko nang naikwento pero hindi mo ba naitanong
kung saan nanggaling ang pagkahilig
ko sa kape? Walk through kita sa buhay ko, mahilig magkape ang papa ko, mas naunang nakatikim ng kape ang kapatid ko, yung isa hindi mo mapipilit magkape at madalas magsimsim ang mama ko sa kape ko.

May mga tao din akong nakasama magkape, may mga sobrang ganda ng topic. Dali na kwento mo na. May mga taong tatanungin ka din kong ano ba ang hilig mo pati pagsusulat ko kinakamusta ako.
Hindi lahat alam na nagsusulat ako yung iba na may alam, kabahan kana alam **** andito ka.

Salamat sa pagbabasa, ngayon lang ako lumabas para isama ka sa obra na 'to.
Asahan mo na marami pang kasunod na iba,
nakatago lang sa kahon kung saan memoryado ko pa.


Lahat nang naikwento kong tao mahalaga sa buhay ko, yung iba nakilala ko lang nang husto dahil sa simpleng salita na "kape tayo"
Alam mo na kung bakit importante sakin ang pagkakape?
Alam mo na ang aking sadya?
Kung hindi pa baka hindi mo pa ako kilala. Handa akong magpakilala sayo, makinig sa kwento mo. Nag-aalala ka na baka isulat ko?
Sasabihan kita ng diretso kung oo.
Hindi mo pa ba ako nakasama magkape?
Ngayon pa lang inaanyayahan kita, taos puso kitang iniimbitahan.

"Kape tayo"

Sana sumama ka.
Poetry appreciation piece for my family, friends & coffee buddies
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited

— The End —