Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Jose Carlito May 2020
Matagal nang nagsimula
at patuloy na umiiral
Ang ating matinik na pakikipamuhay
sa ating bayan

Palagiang nasasadlak
sa karalitaan
Ang dugo ng kabataan,
alay sa kasarinlan

Tayong mga bulag,
sa siyensiya at kapalaran
Sa pagmartsa ng kalabang
hindi natatanaw

Naulit ang kasaysayang
may isang kurso at galaw
Bala para kay tatay
ang anak ang namatay

Bumagsak ang ekonomiya
Lumambitin sa aming mga leeg
Iniasa ang pagtaas
sa aming mga bisig

Habang si Alejandrino
dumarami't nagbubuntis
Ang batang henerasyon
Patuloy na nililitis

Kung ganun,
Huwag ninyo kaming pababayaan,
Paglustayan, paghirapan
At pakikinabangan

Sa gayong mga pumalya at matatanda
Ay may aakay
Walang huhugot sa Inang bayan-
Kundi kaniyang kabataan
Inspired from the Filipino Movies: Heneral Luna, and Goyo: The Boy General
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Kalyx Jul 2020
Lahat ng kabataan ay kayang lumaban
Sa bansa na hindi ipinaglaban
Ang sakim ng imperyalistang kano ng kalawakan
Na Pinatay nila nang tuluyan ang kalayaan

O Inang bayan, sinaktan ka nang tuluyan
Sa ginawa ni kahel na agawin ang iyong yaman  
Sa ganda mo ginawang kang alipin ,ngunit hindi ka pa rin ipinaglaban
Sapagkat ang ginawa, pinaslang nila ang boses ng mga mamamayan.

O inang bayan, narinig ko ang sigaw ng proletaryo
Humahanay sa rebolusyon tungo sa sosyalismo
Sa likas ng tapang ng mga kayumanggi
Nandito na kami para bumawi

Ang kulay aking binabanggit,
Na sa mata ng mga puti ay pangit,
Pero taglay ito ng lakas
Para umalis ang mga nangahas

Sa ganda ng bansa natin, iisa lang naman ang kulay natin
Kaya naman nating pabagsakin ang imperealismo, para sa soberanya
Taglay naman natin ang sigaw ng pagkakaisa
Sapagkat, oras nang umaksyon ang masa.

#JunkTerrorBill
#ResistTyranny
#KalayaanIpaglaban
#ResistA­sOne
#AtinAngKalayaan
JOJO C PINCA Nov 2017
PWEDING MALA SUTLA O MAGASPANG NA TELA,
GANYAN ANG MGA ALA-ALA,
MINSAN MALALA MINSAN NAWAWALA.
MGA PAGTITIWALA AT PANINIWALA,
LAHAT AY DAPAT NA MASALA,
GANITO HINAHABI ANG HIBLA NG MGA ALA-ALA,
PARA MERON KANG MAPALA.
NAGBABAG ANG DALAWANG KUMAG,
MGA KUTONG LUPA NA PURO HAMPAS LUPA.
HAMBUGAN ANG DAHILAN NG UMBAGAN,
PAREHONG DUGUAN MATAPOS ANG BUGBUGAN,
ITO ANG HIBLA NG KABATAAN.
SA ESKUWELA KAILANGAN MO RIN MAGING MAKUWELA,
KUNG AYAW MO’NG MAGMUKHANG GUMAMELA.
HINDI LAHAT NG MATALINO AY PINO,
MERON DIN MAASIM NA PARANG PIPINO,
AT HINDI PORKE BOBO AY PARA NG LOBO,
GANITO ANG BUHAY ESTUDYANTE.
UMIIBIG HABANG UMIIGIB?
PWEDE NAMAN SABAY,
DEPENDE SA ARTE,
KAILANGAN LANG NG DISKARTE.
WALA PANG INTERNET SA TINDAHAN NI ALING NANNETH,
WALANG CELLPHONE PERO MAY MEGAPHONE,
PWEDE **** ISIGAW NA MAHAL MO S’YA.
KUNG MALUPIT KA EDI LUMAPIT KA,
KUNG TORPE KA EDI SUMULAT KA.
GANITO ANG LABANAN NOONG WALA PANG FB AT CP,
HIBLA NG KASIBULAN.
GRADUATE NA,
KAYA TRABAHO NA,
APLAY DITO APLAY DOON,
WALANG HUMPAY ANG PAGSISIKAP.
HAPAY-KAWAYAN,
KAHIT SAAN SUMASAMPAY.
HIBLA NG BUHAY EMPLEYADO.
TILA ITLOG NA ESTRALYADO NANG MAGING PAMILYADO.
PAKIRAMDAM KO BUO NA AKO,
SINTAMIS NG KAHEL ANG DULOT NG DALAWANG ANGHEL,
ITO HIBLA NG KASALUKUYAN.
JOJO C PINCA Nov 2017
Hindi ako susuko
patuloy akong titindig at lalaban.
Sa kabila ng mga kabiguan
mananatili akong nakatayo,
hindi na ako muling luluhod
upang humingi ng awa sa diyos.

Malungkot man ang aking pinagdaanan,
kahit hindi naging masaya ang aking kabataan
hindi ako manghihina at mawawalan ng pag-asa.

Hindi ako mayaman
hindi ako tanyag
hindi rin ako makapangyarihan
ako ay isang hamak lamang.
Subalit natuto ang puso ko na
maging matatag kaya't hindi na ito
muling susuko.

Wala na akong Bathala na sinasamba
hindi na ako malilinlang ng mga hangal na lider ng relihiyon
na nagbabanal-banalan at naglilinis-linisan.
Tangan ko sa aking mga kamay ang aking kapalaran.

Mas lalo akong hindi magpapa-uto
sa mga mapagsamantalang pulitiko
na nagsasalita ng puro katangahan
para silang mga lata ng sardinas na walang laman.

Hindi ako padadaig
ilang beses man ako bumagsak,
hindi dadaing at magpapalimos ng habag;
hanggat tumitibok ang puso ko hindi ako patatalo
sa bigwas ng malupit na buhay.

Hindi ako natatakot na sabihin
ang laman ng isipan ko,
hindi ako mangingimi na isigaw
ang nilalaman ng aking dibdib.

Pag-uusig at pagkutya
ay laging naka-abang
parang halimaw na nagkukubli sa dilim
ano mang sandali ay handang sumalakay.

Hindi n'yo man ako tanggapin
ay wala akong pakialam
ako'y ako at mananatiling ganito
hanggang sa buhay ko ay mapatid.
JOJO C PINCA Dec 2017
tuluyan ka nang naupos tulad sa kandila.
unti-unting natunaw ang buhay mo.
dahan-dahan itong kinain nang imbing kamatayan.
isang pahingalay sa tulad mo'ng nagtiis
ng malubhang karamdaman.
buto't balat ka na lang at laging dumadaing,
buhay na patay kung ika'y pinagmamasdan.
sa wakas hindi kana maghihirap.
wala na ang kirot na saksakan ng lupit.
wala na ang sugat na bumubulok sa'yong likuran.
hindi kana mapapagod sa paghabol ng iyong hininga.
hindi kana pagpipistahan ng mga lamgam.
wala na ang diaper na kailangan palitan.
alam namin na pagod kana,
kailangan mo nang magpahinga.
paalam na sa mga tusok ng karayom
na hindi makita ang tamang ugat saiyong katawan.
paalam sa mabaho at mainit na ospital.
hindi na lilipas ang maghapon na puno ng bagut.
wala na ang mapapait na daing 'twing madaling-araw.
dumating na ang mga sundo,
kukunin ka nila at di na muling ibabalik.
tinatawag ka na ng hangin papalayo sa amin,
inagaw ka ng liwanag sa kalaliman ng gabi.
sa huling hantungan mo ay tatanawin kita.
aalalahanin ko ang kabataan ko na kasama kita.
babalikan ko ang lumipas na may lungkot at saya.
may mga umaga na hindi na darating,
pero may mga kahapon na 'pwede pang balikan.
walumpot-limang taon sa mundong ibabaw,
at marami-rami ka na ring narating.
siguro nga wala ka nang hahanapin pa,
sapat na marahil ang layo ng iyong nalakbay.
kaming mga naiwan mo hindi maglalaon
ay tutugpa din na gaya mo.
ang hindi lang namin alam ay kung kailan, paano at saan.
paalam po at salamat sa mga ala-ala.
alas-dose medya kagabi Disyembre 3, 2017 namatay ang tiya ko panganay na kapatid ng nanay ko.
Lev Rosario Nov 2021
Nais kong yakapin ang aking sarili
Bigyan ng mainit na gatas
At patulugin sa malambot na kama

Huwag kang matakot
Tao ka lang at tao rin lang sila
Hayaan **** managinip ang iyong kaluluwa

Tandaan mo ang iyong kabataan
Ikaw ay minamahal
Ikaw ay ginto

Ikaw ang tagabuhat ng umaga
Ang kanta ng mga matatabang maya
Ang almusal sa puso ng iyong pamilya

Pag gising mo, huminga ka nang malalim
Mag jogging ka sa iyong hardin
At ibigin ang init ng araw sa iyong mukha
Pusang Tahimik Feb 2019
Kumusta mga kabataan
Na pag-asa bayan,
Ano ang dahilan
Aral ay napabayaan?

Isip ay nalason
Ng banyagang layon
Alisin ang tuon
Sa aral ng nayon

Nasaan ang tinig
Ng tunay na pag-ibig
Sa bayang natitigib
Ng mapanirang bibig?

Tila ba nakalimot
Puso ay ibinalot
Sa bagong aral na pulot
Nagmistulang mga salot

Walang pagmamahal
Bayan na ng mga hangal
Nasan na ang dangal
Na turo ni Rizal?

Halika na't magising
Simulang tanawin
Ang nagdaang ningning
Ng Araw at Tatlong Bituin!

JGA
Inspired by Jose P. Rizal "Sa Aking Mga Kabata"
Isa akong hamak na kabataan na pinagkaitan ng mapaglarong mundong ito. Sa isang madilim na bodega ako matagal nang nananatili. Mabaho at walang pagkain, araw-araw ay tinitiis namin ang kalam ng aming sikmura.
      Mahigpit na ipinag-uutos sa amin na pulutin ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa loob ng tambakan na ito. Sinusunod namin ito ng maayoa ngunit tila ang pangakong binitiwan ng taong dumampot sa amin sa kalsada, na kami ay pag-aaralin, ay naglaho nang parang bula.
      Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong naging karamay kundi ang malaking salamin na nakabitin sa dingding ng malawak na silid na ito. Na at patuloy na nagsasabi sa akin ng pag-asa. Pag-asa na siyang matagal ko nang gustong makamtan.

      Sa tuwing titingin ako sa silid na aking kinalalagyan, halos mamatay na ako sa kawalang kalayaan na ito. Minsan pinipilit kong kumawala sa silid na ito kasama ng ibang kabataang inalipin na ng takot. Ngunit suntok at hagupit ng tubo ang aming natatamo sa tuwing nanaisin naming tumakas sa silid na ito. Hindi ko talaga lubos na maisip ang mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Kung ito ba ay totoo o isang panaginip lamang.
      Tumingin ako sa salamin at isa lang ang sinasabi ng aking wangis, hanggang kailan ko pagmamasdan ang mukhag nahihirapan at punung-puno ng kalungkutan? Mabuti pa ang salamin na ito. Sa or as na siaikat ang araw, lagi niyang ipinadarama ang panibagong pag-asa.
110221

Bakit nga ba pilit nating sinusugatan ang ating mga kamay?
At hinahayaan nating ang ating dugo'y masayang
Sa pagluha nito, hanggang sa maubusan na rin tayo ng hininga.

Ikinukubli pa rin nating ang ating mga sarili
Sa garapon ng ating pagkataong
Kailanma'y walang ibang magbubukas ng sagradong pintuan
Kundi tayo't tayo pa rin naman.

At paulit-ulit tayong humihinga sa ilalim ng makakapal na ulap
At sabay na lalanghap ng umuusok na pangambang
Ibinalot sa apoy na lagim ang tanging ipinupunla
Sa ating mga pusong wala pa noong kamalay-malay.

Tinutukso tayo ng mga sitwasyon upang tayo'y magpaubaya
At magpa-anod na lamang sa mga kumunoy na hihila sa atin pababa.
Ang ating mga halakhakan noong kabataan
Ay mga pangarap na sabay na iginuhit sa buhanginan
Ay tuluyan nang binura ng dagat na tila walang pakiramdam.

Gustuhin man nating umahon nang sabay
Ay kailangan may isa sa ating unang bumitaw at unang umahon.
Hindi na nga natin kayang sumabay sa isa't isa
Ngunit sana'y ang nasa unahan,
Siya rin ang unang mag-abot ng kanyang kamay
Para sa isang nalulunod pa.

Napapagod ako ngunit matapang kong hinaharap
Ang mga pagkakataon bagamat wala akong kasiguraduhan.
At sana sa panahong panatag na ang mga pusong
Naligaw sa sariling mga pasya't pangarap
Ay masilayan nating muli ang pagtahan ng mga matang
Buong buhay na lumuluha't nanlilimos ng pagpapatawad.
Jun Lit Apr 2019
Tagbulaklak uli ngayon
Sa manggahang nililingon
Na sa nagdaang panahon
Saksi sa ating maghapon.

Mula Lunes laro’t aral
Hanggang B’yernes, walang tumal
Puti’t asul di nagtubal
Buhok hippie sadyang bawal.

Kabataan no’ng nangarap
Maabot ang alapaap
Ngayong layo’y lubos-ganap
‘Igan pa ring nakaharap.

Kaibiga’y nasusukat
Di sa yaman ni sa agwat
Tunay yaong di napuknat
Mula musmos ay matapat.

Si Mabini nagwika rin
Katapatan ang habilin
Kapatid ang sadyang turing
Noon, ngayon at bukas din.
louise Apr 2022
Isa,dalawa,tatlo.Binibilang ni Renren ang bawat segundong lumilipas habang siya ay tumatakbo.Kung papaanong binibilang niya ang oras noong kabataan nila habang naglalaro ng taya-tayaan.Ngunit iba na ngayon.Hindi na mga maiingay na paslit ang humahabol sa kaniya.Bagkus,hinahabol siya ng mga nagsisigawang naka-itim.Nakaitim sila ngayon ngunit alam niyang sila ay talagang dapat naka-asul.Ngayong gabi,sila ay nakaitim at walang mga plakang ginto o pilak ang nagniningning sa kanilang mga dibdib.
     Isa,dalawa,tatlo.Sunod-sunod silang nagsusulputan mula sa likod ni Renren.Nariyan na sila.Pagod na siya.Kapos na siya sa hininga at manhid na ang kaniyang mga paa.Ngunit hindi siya maaring tumigil dahil paparating na ang mga anino ng baluktot na hustisya.Alam ni Renren na wala siyang ibang magagawa kung hindi tumakbo.
     Isa,dalawa,tatlo.Ilang iskinita na ba ang sinuot ni Renren upang magtago?Pilit niyang sinisiksik ang sarili sa bawat sulok upang matakasan ang kapahamakang dulot ng mga aninong dapat naka-asul,mga aninong dapat sa kaniya ay naniniwala’t nagtatanggol at hindi humahabol nang hindi nagtatanong o nakikinig.Nagtatago siya dahil alam niyang wala siyang iba pang mapaparoonan o mahihingian ng saklolo.Tulog ang batas ngayong gabi,wala siyang mapupuntahan.Kaya’t heto si Renren,hindi mapakali sa sulok at basa ng malamig na pawis.Nanginginig ang kaniyang laman sa takot at awa sa sarili.Sana bata na lamang siya uli at ito ay isang normal na laro lamang ng tagu-taguan ngunit hindi.Nagulantang siya nang may isang malakas na sipa ang sumira sa pinto ng kaniyang pinatataguan.Nanigas siya sa kaniyang puwesto.Ayaw pa niyang mataya.
    Isa,dalawa,tatlo.Ilang mura ang binitawan ng isa sa mga anino.Ngayon ay papalapit na sila kay Renren.Agad nilang hinila ang mga braso nito sabay sabunot sa ulo ng lalaki upang patingalain at ipamalas ang panggagalaiti’t pakiramdam ng kapangyarihang mababakas sa kanilang mga mukha dahil ngayon sila ang mga hari,sila ang batas.Bagama’t napapalibutan,nagpupumiglas pa rin si Renren.Sana larong bata na lamang ito.Sana pwede siyang magsabing,“Saglit!Taympers.Pagod na ako.“Ngunit hindi maari dahil iba na ang laro na ito.Ang larong ito ay walang ibang pinapanigan o pinapakinggan kung hindi ang mga nakauniporme’t ang matandang lalaki sa upuan.Umiiyak na si Renren.Ayaw pa niyang mataya."Wag po!Wag po!Hindi po ako.Sir,maawa po kayo.Inosente po ako—”
     Isa,dalawa,tatlo.Tatlong magkakasunod na putok ng baril ang umalingawngaw sa parte ng lungsod na iyon.Taya na si Renren.At sa mga huling segundo ng kaniyang buhay inisip niya na sana tulad nung bata siya,kapag pagod o nasasaktan sa siya sa paglalaro ay iuuwi siya sa kanilang bahay,siya ay tutulungan.Subalit sa larong ito,palaging ang mga tulad ni Renren ang talo.
      Sa pagsapit ng umaga,uuwi ang mga anino at magsusuot muli ng asul,hahalik sa kanilang mga naglalarong batang anak o kapatid,nangangakong ipagtatanggol nila ang mga inosenteng inaalipusta’t inuusig—isang pangakong hindi natutupad. At walang Renren na uuwi sa tahanan nila,bagkus ay may bagong malamig na bangkay ang ipapakita sa telebisyon,tatanungin ang matanda sa upuan kung bakit ganoon ang sinapit ni Renren.Ngunit wala siyang ibibigay na tama at maayos na sagot dahil sa larong ito,siya ang Diyos,ang mga aninong dapat naka-asul ang instrumento,ang bansa ang palaruan at mga buhay nila Renren ang isinusugal.
I wrote this back in January 2017, when bodies of innocent people were piling up on the streets and fear haunted the slums Manila. It was during the midst of the ****** drug war the current officials were waging against God knows who. The purpose itself ( which was mitigating the damages of drug addiction and drug-related crimes in our country and extinguishing drugs in general ) was actually good but with it being executed without any concrete planning and any consideration of the people’s constitutional rights, it was doing more bad than good. I hope that these extrajudicial killings and rising number of police brutality cases will soon be put to a stop. I trust that our leaders will be enlightened in one way or another.
Jun Lit Nov 2017
Bumabalik sa isipan
ang iskul na kinalakhan
Laro, leksyon, kaibigan
Mula sa ‘ting kabataan.

Sari-saring karanasan
Asim, tamis, alat, anghang
May gusto mang kalimutan
Meron ding binabalikan

Lahat ng ‘yo’y nagpayaman
Sa ‘ting puso at isipan
Nagpatibay ng samahang
Saksi natin ang manggahan
(Para sa aking mga kaklase noong hayskul sa The Mabini Academy, Lipa City)
Enero Diez y Otso, Dos mil Kinse
Kayrami paring mga sumalubong sa kalye
Unang tinungo Unibersidad ng Santo Tomas
Tuloy parin ang pangaral at pagbasbas
Nakipagkita mga pinuno ng ibang relihiyon
Humingi ng pag-unawa at kapayapaan sa mga nasyon
Nakinig sa hinaing ng mga kabataan
Inalo isang batang babaeng luhaan
Huling tinungo ang Grandstand sa Quirino
Kung saan may pinakamaraming dumalo
Tinig ng koro nakapangingilabot
Mensahe ng Dios abot na abot
Oh anong saya nang tawagin ng Santo Papa
Na dakila ang aming munting bansa
Ngayong kapistahan ni Santo Niño
Kanyang ipinaalaala halaga ng mga bata sa mundo.

-01/19/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 319
MarieDee Dec 2019
Sa bawat agiw na nakikita
ay aking naaalala
ang mabuti nating pagsasama
noong tayo'y bata pa

Madalas **** sabihin sa akin
na ako'y iyong pakamamahalin
kahit anong bagyo ang dumating
pag-iibiga'y iyong sasagipin

Ngunit sa pagdaan ng panahon
tila ikaw'y nagbago
Ang pagtingin mo sa aki'y naglaho
na parang nillimot ang kahapon

Puso ko'y nagtaka
anong nangyari't pag-ibig ay nawala?
Ang dati nating pagmamahalan
mauuwi lang ba sa pagkakaibigan?

Tinanong sa sarili kung anong dahilan
at nawala ang ating pagmamahalan
Ako ba'y may pagkakamali?
iniwan mo ako't siya ang pinili

Hanggang ngayo'y umaasa
ang pusong iyong sinugatan
na kahit minsan ay maalala
kahit bilang isa na lang kaibigan

Heto nga at bumalik ka nga sa aking piling
ngunit pag-ibig mo'y naging malamig
At ngayo'y hinihiling
buksan muli ang aking pag-ibig

Ngunit sa pagdaan ng panahon
di ko pa rin malimot ang kahapon
Ang ating mga suyuan
sa panahon nang ating kabataan

Kahit na ako'y mayroong iba
puso ko'y hinahanap ka
Naririnig ko ang iyonh tinig at himig
parang inaalala ang ating nakaraang pag-ibig

Kailanma'y di ka malimot, aking giliw
hanggang ngayo'y sa'yo pa rin nababaliw
ang pusong kahit iyong sinugatan
narito pa rin at umaasang di mo iiwan
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.
Jun Lit Dec 2019
Hayaan n’yong lumuha ang aking puso.
Malungkot na tanawin ang ganitong tagpo:
          Hinihiwa mo ang balat ng iyong kinabukasan
          at duguan na ang angking kasalukuyan
          gayong hindi pa nga naghihilom man lang
          ang mga sugat ng mapait nating nakaraan.

Subalit masahol ka pa sa putang bayaran
na katawan ang puhunan, kapalit ng panghapunan
at pagkain sa kinabukasan.
Ikaw - dalawa, tatlo, limang daan,
kapalit di lang ng iyong karangalan.
Idinamay mo pa ang kapakanan ng bayan.

Hindi na maaasahan ang dati’y sagradong balota.
Karaniwang papel na lamang ito na may mga nakalista
At tila tiyan **** nag-alboroto ang diniktahang makina,
na kung ano’ng isinubo, siya ring isusuka.
Pagkatapos kukulapulan ang daliri ng panandang tinta.
Nang humiga ka sa tae, nagmamalaki ka pa:
          Sapagkat ang makinang tila kumpisalan,
          may kapirasong tari ng makabagong sabungan
          na kahit na alin pang mga tandang ang maglaban,
          tukoy na ng kristo ang panalo sa pustahan.

Tapos na ang kwento’t hindi na totoo
ang sinabi ng bayaning ang Pilipino
ay karapat-dapat sa buhay na nasasakripisyo.
Hindi na. Hindi sa salinlahing ito.
Sa darating pang mga kabataan, siguro,
sa kanila, magbabaka-sakali ako.
One hundred forty years ago Dr. Jose Rizal wrote that "youth is the hope of the Filipino nation." This year (2019), the Philippines celebrates the 123rd anniversary of his martyrdom. Whereas I agree with him on vesting his hope on the youth, I have doubts on the truth of such hope in the present generation of Filipinos. Here's a rough translation:
Not In This Generation

Let my heart weep
This is such a sad scene:
You're slashing the skin of your tomorrow
and the present that you claim is bloodied
and yet the wounds of painful yesterday
has not even started to heal

But you're worse than a *******
who lets her body for rent, to pay for dinner
and food for the next day.
You - two, three, five hundred bucks
in exchange for your honor and dignity
and the welfare of your nation as well, unfortunately.

The once-sacred ballot is not one savior we can rely upon
It has turned into an ordinary paper with roster of names listed on
And just like your troubled tummy goes the vote-counting machine
what you made it swallow, it will gag it whole just the same
After the indelible ink stains your finger and nail
You're lying down on ****, and yet you can brag of your shame
For that machine that's like a confessional
has a little piece of scythe of fighting ***** these modern times
whichever roosters fight on the line
the referee in the arena already knows the winners to proclaim.

The story's done and it has ceased to be true
as one hero said that the Filipino
is worth dying for
Not anymore. Not in this generation. No.
Among the young ones, maybe, my bets I'll throw,
on them, I'll try again, I'll have a go.

— The End —