×
narinig ko sa isang sikat na himig at tono,
'aking sinta, ikaw na ang tahanan at mundo.'
aking aaminin, ikaw ang siyang pumasok sa aking isip;
sa mga salitang kanilang sinasambi't inaawit,
na tila musika mula sa isang panaginip.
naisip ko, paano ka naging siyang tahanan ko;
bukod pa don, ikaw rin ba ang siyang aking mundo?
kung saan malaking parte ng buhay kong ito;
naroon ka; hindi ka nawala ni hindi ka lumayo.
pero ngayong walang tayo na siyang kinakapitan ko;
nawalan ba ako ng tahanan? nawalan ba ako ng mundo?
naligaw ba ang musika sa dapat niyang tono?
pero sa kabila ng lahat, naisip ko;
kailan man hindi ka naging tahanan ko,
pagkat mas higit ka sa isang lugar
na inuuwian at tinutulugan
hindi ikaw ang tahanan; ikaw ang sa loob nito
na siyang dahilan kung bakit
ako umuuwi't natutulog sa tabi mo.
dahil hindi ka rin mundo na siyang iniikutan ko,
ikaw ang siyang kasakasama ko,
kasabay sa pag-ikot nito.
kaya aking sinta,
sa tahanan at mundong ito
iisa lang ang ninanais, iisa lang ang totoo
sa lahat ng ito,
ikaw ang siyang gusto.