Narito, isang pirasong papel,
Nakalamukos sa loob ng isang basurahan,
Basurahan na siyang pinagtapuan,
Basurahang taguan ng mga dumi ,
Dumi na mula sa tao,
Taong bingyan ng layang pamunuan ang mundo.
At ang papel, nakaririmarim, nakasusulasok, isang walang silbi.
Ang pahina ay napuno ng tinta.
Maraming-maraming tinta.
Nangingitim, kumakalat, naninikit.
Nakahihilakbot ang kulay ng sumaboy na tinta.
Mababasa ang titik na nalikha ng tinta.
Pati ang buong pahina nito'y waring nangungusap.
Ang kanyang buong piraso, kumpul-kumpol na may mga naglipanang uod.
Naggagapangang uod na bumubulok sa buong pahina.
Tinutunaw hindi ng mga bulate kundi ng ibang nilalang.
Hinangin ang pahina ng papel.
Nagpulasan ang mga uod sa tapunan.
Mula sa dulo, gitna, sa magkabilang gilid.
Naninipsip sa napupunit na piraso.
May naghagis ng isang kalat.
Inihagis sa ibabaw ng papel.
Gumalaw ang papel.
Nagitla ang naghagis.
Isang tipak na lupa, kinuha ng naghagis.
Ipinukol sa papel.
May ilan pang nakakita.
Ang papel, basambasa ang piraso at unti-unting napupunit
May mga naguguluhan sa mga nakasaksi.
Ang papel ay walang magawa.
Lumalambot ang bawat hibla.
Ang papel, sa kanyang pagkatunaw
Ay akin ding pagkatunaw.
Maya-maya, isinapluma ko ang lahat-lahat
Kalakip ang mga tulad kong papel...
Sa... aklat.
Sa... tula.