Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Andrei Corre Aug 2017
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto

Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin

Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao

Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo

Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang

Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo

Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
Eugene Dec 2015
Hating-gabi na mahal, ikaw ay nasaan?
Naghihintay ako sa ating tarangkahan.
Taimtim na nanalangin sa iyong kaligtasan,
Gustong kitang masilayan kahit kabilugan ng buwan.


Madaling araw na mahal, wala ka pa rin.
Rinig na rinig ko na ang ungol sa labasan.
Nagbabakasakaling aking masaksihan,
Ang iyong pagdating mula sa gitna ng kagubatan.

Hating-gabi na mahal, ako'y takot na takot na.
Mababangis na hayop ay nagsimula ng naglipana.
Ang ingay ng uwak ay kaliwa't kanang namumutiktik,
Dinaig pa ang ingay sa piging ng isang bayan.


Hating-gabi na mahal, nagmamakaawa akong umuwi ka na.
Ako'y nag-iisa, walang kasama, at takot na takot pa.
Nararamdaman kong may mga matang nakatingin, uhaw na uhaw sila.
Sa bawat paghinga ko'y alam kong buhay ko ang kukunin nila.


Hating-gabi na mahal, nabuwal na ang pintuan.
Isang nilalang na may mahahabang kuko't matutulis na ngipin,
Ang nakapasok na't naglalaway, gusto na akong lapain,
Ngunit ako'y naging tulisan at hinarap ang kalaban.


Hating-gabi na mahal, tulungan mo akong puksain.
Ang halimaw sa bahay na handa akong patayin.
Naging matapang ako kahit walang alam sa pakikipaglaban.
Nakipagbuno, nakipagtagisan, at nakipagsaksakan.

Hating-gabi na mahal, ako'y kanyang nahuli.
Kinagat sa braso at kinalmot sa mukha ng walang pasabi.
Sa malalaking kuko niya'y lakas ko'y napawi.
Tumilamsik ang dugo, katawa'y nanghina, at ako'y nagapi.


Hating-gabi na mahal, ako'y parang kinakatay na.
Sa matutulis niyang ngipin, katawan ko'y pira-piraso na.
Hanggang sa tumitibok kong puso'y binunot niya,
At tuluyan na akong napapikit at nawalan ng hininga.

Hating-gabi na mahal, nakauwi ka na ba?
AtMidCode Nov 2017
Tinanong ako ni Annah
Kung maayos na tayo
Ang sabi ko
Ayon, normal naman.

Normal
Kelan pa tayo nauwi sa normal nalang?
Ah. Naaalala ko na.

Nagsimula tayong maging normal
Nang isang araw hindi mo ko matingnan sa mata
Ni hindi mo ko makausap kung hindi ka titingin sa baba
At kapag naman kailangang ikaw
Ang unang magsisimula ng usapan
Dinaig pa ng kapal ng usok sa kalakhang Maynila
Ang nakaiilang na atmospera
Sa pagitan nating dalawa.

Nagsimula tayong maging normal
Nang hindi na tayo nagsasabay umuwi sa hapon
Nang simulan **** isipin na ayos lang na umuwi nang walang paalam
May kasabay ka kasing iba.

Nagsimula tayong maging normal
Nang nahihirapan na kong
Magsimula ng usapan sa pagitan nating dalawa
Sa kung paanong sinasalamin ng Messenger sa pamamagitan ng ellipses
Ang mga katagang nais ko sayang itanong sa iyo
Ay sandali, online naman si Annah, siya nalang ang tatanungin ko
(Pwede kaya kong sumabay sa kanya?)
Wag na nga. Alam ko naman ang patungo doon.

Nagsimula tayong maging normal
Nang tanungin mo ang kagrupo natin sa kung ano ang gagawin
Gayong ako na kagrupo mo rin ang nasa iyong harapan
Pumunta ka pa talaga sa kanya
Ganyan ka kailang?

Normal naman sa atin ang hindi mag-usap nang madalas, hindi ba?
Normal lang naman kung makakalimutan **** may katulad ko
Na bukas palad na tinanggap ka
Noong mga panahong durog na durog ka na, hindi ba?
At bahagi din ng pagiging normal natin
Kung mas pipiliin **** burahin nalang ang mga nakaraan natin, hindi ba?

Nilalamon ka ng kalungkutan. Nasasaktan.
At isa akong napawalang kwentang kaibigan
Kasi hindi kita napatahan
Sa mga panahong tahimik **** isinisigaw
Ang mga bagay na sa tingin mo ay walang makauunawa
Wala akong karapatang masaktan
Kasi hindi ako naglakas-loob na tanungin
Kung anu-ano ang mga bumabagabag sayo
Hindi ko dapat indahin ang sakit ng pang-iiwan mo sa akin
Gayong para na rin kitang iniwan
Nang hayaan kitang unti-unting kumalas sa pagkakaibigan natin
Wala akong karapatang manumbat
Kasi hindi ko man lang sinubukang tanungin
Kung ano nang nangyayari sa iyo
Kaya mo pa ba?
At hinding hindi ko rin aangkinin
Ang karapatang sa una'y wala na sa akin
Na maging sandalan mo
Sapagkat hindi ko man lang nasabi
Na ayos lang na ikaw ay humugot ng lakas sa akin
Ayaw mo, oo
Kasi sa tingin mo pabigat
Ayaw mo, oo
Kasi sanay ka na sa demonyong kalungkutan
Na paulit-ulit lumalamon sayo
Minsan nawawala, ngunit laging bumabalik

Pagbalik-baliktarin ko man ang sitwasyon
Hindi lang ikaw ang nang-iwan
Iniwan din kita
Iniwan kita
Patawad
Patawad
Pakiusap, patawarin mo ko.

Madaling makalimutan ang mga magagandang bagay
Ngunit mahirap iwaksi mula sa makulit na isipan
Ang idinadaing ng pusong nasugatan at patuloy na nahihirapan

Kaya bilang pakunswelo sa tulad kong nagmahal sayo
Iniisip ko na lamang na isa ako sa mga magagandang bagay sa buhay mo
Kaya madali mo 'kong nakalimutan.

Huli kong bulong sa sarili
'Ayos lang 'yan. Makakausad ka rin. Magtiwala ka.'

Uusad at uusad ka rin.

Kaibigan, patawad ulit.
AtMidCode Nov 2017
Sinabi ko naman sayo
Na may abandonment issues ako
Na dinaig pa ng pinandidirihan at kinatatakutan kong mga mahahabang bulate
Ang takot kong maiwan nalang basta basta

Para akong isang turistang naghahandang tumalon sa isang napakataas na bundok
Isa isang kinabit ang mga harness sa aking katawan
Maingat at ekspertong mga kamay ang siyang naninigurong ligtas ako sa gagawing pagsubok
Habang ako'y nanginginig at kinakabahan
Pinagpapawisan
Ang kamay, noo, paa, batok, likod, ilong at maging ang mga kili-kili
Malawak ang paligid at dapat ay maalwan ang paghinga
Ngunit ito'y tila kinakapos
Sige lang. Kaya ko to. Matatapos din to. Kasama naman kita, hindi ba?

Nagpaalala ang guide
Ngunit ako'y nag-aabang lang sa sinasabing signal
Tanda na magsisimula na ang pagbagsak

Ang lakas ng hangin
Hindi ba to makaaapekto mamaya sa amin?

Pinapwesto kami ng guide

'Pano kapag hindi ko kinaya?'

Nagbibilang na siya

'Matatapos ko ba?'

Ibaba na nila.

'Hindi na mahalaga. Kasama ko naman siya.'

Isa


Dalawa


Tat--

Teka. Teka. Asa'n ka na?

— The End —