Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?
Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.
Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.
Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.
Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].