Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
Tayo lang naman ang magkasamang umukit ng hugis puso sa mga bituin,
magkahawak ang mga kamay habang nagkukuwentuhan ng mga pangarap at hangarin

Sana... hindi muna magtapos ang gabing ito
Kung magagawa kong banatin at pahabain pa ang oras para lamang mapatagal sa'yong piling

Ngunit kinaumagahan na nang ako'y magising...

Akap akap ang sarili, mabigat ang damdamin
Nagbuntong-hininga't bumulong nalang sa hangin

Hindi ko na alam kung ligaya pa ba ang tunay na hangad
Bakit ba lagi nalang ganito...
Sa panaginip, patuloy mo akong dinadalaw
Naniniwala ako sa salitang 'tayo' ngunit heto't nag-iisa na naman ako
Nagsimula sa "Tayo"
Nagtapos sa "Ako"

© Cyrille Octaviano, 2016

Walang pinagkaiba
Carl Oct 2018
Hahawakan ang kamay mo
Papatunayan na kaya ko
Titimplahan pa rin ng paboritong kape
Sa maulan at malamig na gabi.

Hahawakan ang kamay
Magsisilbing gabay
Karerang malapit nang matapos,
Naalis na rin ang taling nakagapos.

Hanggang sa huli
Hindi mo na nga tinapos, mga pangakong kapos.
Bumulong ka sa dilim, umaasang ikaw ay mananatili.
Ngunit kumiliti ang mga salitang,
Hanggang sa muli.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Yesterday is gone. Tomorrow has not yet come. We have only today. Let us begin.”
― Mother Teresa

May mga panahon sa buhay ko na nasayang, may mga darating pa siguro pero baka hindi ko na maabutan, tanging ang ngayon ang tangan ko sa aking palad. Sisiguraduhin ko na hindi ito masasayang. Gagamitin ko at pagyayamanin ang ngayon ko sapagkat ito lang ang oras na hawak ko. Magsusulat ako ng mga salitang matulain kahit hindi nila ito tanggapin. Kahit ako lang ang tunay na aangkin sa aking simulain. Kahit malalim ang dagat na aking lulusungin kapos man ang bait ito’y aking gagamitin at titimbulanin.

Walang yumayaman sa pagsusulat ng tula at ang buhay ng isang makata sa panukat ng lipunan ay laging salat. Pero wala na akong magagawa napasubo na ako, matagal ko na itong nilimot at tinalikuran subalit para itong isang sumpang anino na laging nakasunod ayaw akong tantanan. Mabuti pa ang nag-uulat sa radyo at telebisyon dahil may nakikinig pero sa sumusulat ng tula bihira lang ang lumilingap. Putang-Ina bakit ba kasi ito pa ang nakahiligan ko?

Siguro dahil dito ako sumasaya, kasi nagagawa kong bigyang tinig ang tahimik kong isipan. Bakit kasi hindi na lang ako naging payak sa lahat ng bagay lalo na sa gawaing pag-iisip? Bakit kasi masyado akong mapagmasid, mausisa at malikhain sa pagsasalarawan ng mga bagay-bagay? Bakit ayaw magpahinga ng aking diwa?

Hindi naman ako magaling sa tugmaan at sa pagkatha ng mga kinakailangang sukat kaya kinalimutan ko na ito. Pero may ulol na bumulong sa akin “ok lang yan may free verse naman e kung hindi mo kaya ipahayag sa tugmaan gamitin mo ang malayang taludturan”. Kaya ito nanaginip na naman ako ng gising at tinatawag ang sarili ko na isang “makabagong makata”. Putang Ina makatang walang pera at laging nangungutang. Buti man lang sana kung makukuha ko kahit ang kalahati ng tagumpay nina Walt Whitman, Amado V. Hernandez, Jose Corazon De Jesus at Francisco Balagtas o kahit na si Emilio Mar Antonio na lang – e tiyak na hindi naman.    

Kanina pa tumatakatak ang tiklado ng aking computer, ayaw ko nang magsulat pero may demonyo na tumutulak sa akin para gawin ito. Ayaw akong patahimikan ng putang-ina. Kaya’t heto ako at nagpupursige parin. Ang makabagong makata ay hindi na muling tatalikod sa tawag ng tulaan. Kahit walang pera magpapatuloy ako kasi dito ako masaya, masaya pero malungkot din. Ewan, madalas hindi ko maintindihan. Hindi ko na muling sasayangin ang natitirang oras ko.
Elle Manabat Jan 2016
Iyak.
Iyak ng isang kobrang nakadikit sa dingding na kaya kong patahanin unti-unti sa bawat pihit.
Sa bawat patak ng luha nitong humahalik sa aking noo na dahan-dahang dumadausdos papunta sa aking mga pisngi.
Sa aking mga pisnging halos magkapasa na sa madalas **** pagpapaligo rito ng mga kurot.
Ang iyong mga kurot na siya namang nagpapahiwatig na hinding hindi ka magsasawa sa pagmumukhang ito.

Noon.
Hindi na ngayon.

Patuloy ang paggapang ng mga patak na maligamgam papunta sa aking mga labi na hindi pinalagpas ang pagkakataong ipaalala sa akin na
ang mga labi ito ay minsan nang nabigyan ng pagkakataong iwika ang kung ano mang hindi kayang maipahiwatig nang sapat ng aking mga haplos.
Ang mga labi kong minsan nang natikman ang tamis ng iyong gayuma.
Ni hindi pinatawad ang lasa ng tsisburger o ng kung ano man ang iyong kinain sa araw na iyon.

Ang mga patak na ngayo’y lumalakad na nang tahimik sa kahabaan ng aking leeg na siyang nagdurugtong ng aking ulo na kumukulong sa aking utak sa aking dibdib na naglalaman ng aking puso.
Ang puso kong bumulong nang paulit-ulit na para bang sirang plaka at nagsabing may pag-asa pa. Ang kumulit sa akin na maniwala sa tibay ng ating pagmamahalan.
Ang aking utak na nagsabing wala itong patutunguhan na tila’y totoo sapagkat ang ating mga kamay ay hindi makapagkokomunika nang mahabang panahon at may posibilidad pang hindi na muling magkatampo kahit pa ang mga ito’y kulu-kulubot na.
Ang karibal ng aking puso na aking pinakinggan.

Sayang.

Para bang ako ang paboritong manika ng kapalaran. Ang kanyang manikang paulitulit na pinaiikot sa isang tugtog na di ko kayang sabayan. Siya na tuwang-tuwa na makita akong naghihikahos sa pagbugbog ng bawat pagsubok.

Awat na.

Pihit.
Ayoko nang maalala pa ang pait na ipinapaalala ng bawat patak.

Pihit pa.
Tila'y isang patak na lamang ang ibubuga. Ang bawat halik ng tubig sa baldosadong sahig na lumilikha ng malungkot na tunog na “tik… tik… tik…”

Isang pihit nalang.
Isang pihit nalang at titigil na ang tila duet na paghugulgol ng ahas na nakadikit sa dingding na baldosa rin at ng ngayon ko lang napansin na umaapaw kong mga mata na kanina pa pala sumasabay sa agos ng tubig na dumadaloy sa aking mukha.

Tama na.
Tahan na.

/e.m/
astroaquanaut Oct 2015
dahan-dahan **** itaas
ang kamiseta kong iyong
nilamog, nilasog, nilukot-lukot
kurutin mo ang kaluluwa kong
tunay na alay sa iyo

unahin mo ang aking labi
bumulong sa pagitan ng mga halik
dila'y umiindak sa sariling ritmo
mahal kita, akin ka, mahal, halika
paibabang mga halik, hihinto sa leeg

isa-isang taluntunin ang mga bituin
sinag sa aking balat, iyong intindihin
idampi ang mga daliri sa aking dibdib
himurin ito, kilitiin, at ipadama
ang sansinukob na sa atin lamang

lapnos ng iyong mga halik ay hahanap-hanapin
animo bakas ng iyong papalayong yapak
kabog ng puso'y umuugong sa silid
hihigpitan ang kapit sa iyong buhok at
susunggaban ang iyong labing sabik na sabik

naghahalo tayo na parang makulay na pintura
kaanyuang magkasalungat ay ating pinag-iisa
inihahain ang sarili, punong-puno ng tiwala
sirain mo ako sa pinakamagandang paraan
isalin mo ang iyo, huwag mabahala
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
Dilaw na trayanggulang babala
Ilang hugis lobo na sayad sa lupa
Parisukat na alaga'y basong nag-iisa
Naghihintay sa ekstrangherong sasaling muli
Nang ang dati'y maitapon
Ang bago'y maidampi na sa uhaw na lalamunan.

Naglaho sila't nagsipangwala
Ang lupa'y hati sa sukat na pantay
Nilamon ang mainit na hangin,
Umihip ang taglamig na hindi nyebe
Bumulong sa akin, ngunit walang pahiwatig.

Tila namamasyal ang telang marumi
Pupuswit ang tubig mula sa bibig
Ipon nya'y kayrami,
Bukas sana'y maubos na ang mga ito
Nang ang dungis ay pahiran din ng malinis na likido.

Parehas ang kulay ng tumawid sa linyang puti
Higit sa isa ang bawas na sinyales
Akala ko'y kilala ko, ngunit naglaho sa usok
Ang apat na bilog na itim,
Gumulong at rumolyo sa aspaltong pulbura.

Itong may pula ang sutla
Itim ang tangan na may kasama pa
Bumungad at inihaing may lista
Ngayon pala'y may salamin sa harap
Malayo ang hugis at ang porma
Hindi ko na binalingan ng pansin
Ngayo'y laos na ang bawat eksena.

(6/3/2014 @xirlleelang)
Kung ika’y nawawala
'di malaman kung nasaan ka
bumulong lamang sa hangin
sa bituin ika’y tumingin
...ako ay darating

Inuulan ka man ng luha
dumungaw man ang kaba
darating din ang umaga
kaya’t wag kang mangangamba
….nasayo ang aking puso.

Huwag, huwag kang mangamba
may kasama ka sa pag-iisa
mundo man may lumbay
huwag kalimutang may kulay.

Huwag kang mangamba
dahil buhay ay may pag asa
kasama sa pag-lalakbay
bigyang saysay ang buhay.

Mabagal man ang hating-gabi
narito lamang sa iyong tabi
pakinggan ang sigaw ng iyong puso,
naroon lamang ako
salubungin natin ang bukas
huwag kang mangangamba
pagkat 'di ako mawawala.
Michael Joseph Oct 2022
"Nak, kumusta ka na?" habang inihahain yung Cinnamon bread mula sa oven.

"Naku, Ma'am. Ito single pa rin, dami ko pa kasi need patunayan sa sarili ko."

"Gaganda na nga ng mga na-achieve mo eh kulang pa ba? Hanapin mo rin yung magpapasaya sayo, ako nga simpleng life lang pero masaya ako sa partner ko at sa work ko."

Bumulong sa katrabaho, "Siya yung sinasabi kong prof namin na life coach rin. Pinakilala niya sa akin yung the Ballad of the Lonely Masturbator ni Anne Sexton. Sobrang ganda niya pumili ng mga piyesa para sa class namin."

Ay, Ma'am, si Ara nga po pala. Katrabaho ko."

"Ay, hi po, Ma'am."

"Ikaw ba, pinopormahan ka ba nitong si Michael?" Pabirong udyok ni Ma'am Pola.

"Ingatan mo si Michael, mga sunod na faculty to ng CAL."

"Ay, Naku, Ma'am. Di po ako qualified, baka maligaw ng landas mga taga ABE. Hehe."

"Lahat naman tayo, may mga bagay na akala natin di pa tayo qualified, pero binibigay sa atin kasi may mga taong alam kung ano talaga kaya natin. Ngayon lang yung memo nagrerequire ng Masters kaya di na kayo makapasok. Tignan niyo nga kayo, ang gagaling kaya ng batch niyo."

"Oh, eto nak, mainit-init pa yung order mo, apat na boxes ng Cinnamon bread. Pasensya ka na ginabi ka na ang dami ko ring binebake, baka may pasok ka pa bukas."

"Ay, salamat po, Ma'am. Buti po at bumuti-buti na pakiramdam niyo. Solid po yung mga binabake niyo sana mabuksan niyo uli yung store niyo sa may great wall."

"Ay naku, hoping and praying anak. Sana maging masaya family mo sa binake ko."

"Naku, Ma'am, bentang benta to kasi minarket ko na sa kanila. Sana kahit papaano nakatulong po ako."

"Thank you, Mike ah. Balitaan mo ako at kumustahan tayo sa kape pag may time pa."

"Bye, Ma'am. Ingat po kayo lagi."
Alaala ka palagi, Ma'am Paula Arevalo-Destacamento .

Salamat sa literatura, sa maayos na pagtuturo, sa pagkain, sa inspirasyon, at sa iyong buhay.

— The End —