Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
012917

Ginising mo ako ng iyong mga salita -- mga salitang sabi mo'y di mo pa kayang ikatha.

Ako'y hinihele ng bawat malalambing na mga talata -- mga talatang bumuo sa kauna-unahan **** piyesa.

Sana'y hindi ka mapagod sa paghabi ng mga salita. Sana'y di ka mapagod sa paghihintay. Sana'y di ka mapagod hanggang sa masilayan kitang muli at oo, alam kong ang babalikan ko'y pag-ibig ang siyang pagbati.

Gigisingin kita gamit ang puso ko -- pusong itinaya ko para lamang sayo -- pusong makapaghihintay sayo. At hindi ko alam kung paano tatapusin to -- pagkat **pag tungkol sayo'y di alam ang pagsuyo.
Tugon sa piyesang "Alas Kwatro na Pala"
012917

Mag-aalas kwatro ng umaga nang aking maramdaman
Hindi lang lumalim ang gabi ngunit umaga'y malapit nang madatnan
Pinipilit akong balutin ng lungkot -- nais na ako'y matalo
Kaya naisip ko gumawa ng talata na babasahin ko para sayo.

Hindi man malalim ang mga salitang ginagamit ko
Huwag mo sanang isiping pagmamahal ko'y hindi abot hanggang langit
Alam kong baguhan pa lang ako pagdating sa larangan ng pagsusulat.

Hindi man kita mapangiti, hindi ko man mabigyan ito ng pamagat
Gusto ko lang na kahit papaano -- kahit papaano'y maipaabot ang lubusan kong pangungulila
Sa babaeng ilang buwan ko pang hihintayin, manggagaling pa sa Maynila.

Alas kwatro pasado na, antok sakin ay nagbabadya
Kaya sa aking paggising, sagutin mo rin ako gamit ang iyong talata.
(C) JS

Unang piyesa. Not bad hindi ba?
012717

Uso raw ang pilahan sa dilaw na hintayan. Aalis ako -- aalis nang panandalian. Hindi ako mamamahinga at oo, babalik at babalik ako sayo.

Ayokong maniwalang ito na ang huling sandali sa pinakasandaling pagkakataon ng una't huling pagpili. Kalilimutan ko muna ang kahapon at kasalukuyan at magsasabit ng bandila patungong kinabukasan -- paaalabin ang puso na may panalanging walang paghinto hanggang sa dulo ng pinakadulo'y pananampalataya'y di mabibigo.

Ikaw ang piyesang paulit-ulit na babasahin, ang tulang kakabisaduhin at kahit pa lumiko patungong Timog ang hanging mula Norte, sana'y sa pagbalik di'y ako'y iyong salubungin -- salubungin pagkat kakaiba ka -- iba ka sa kanila; oo, ibang-iba talaga.

Pansamantala -- ika'y di masisilayan ngunit mananatili sa bawat piyesa -- sa bawat piyesa kung saan tayo'y iisa. Tinig mo'y sapat na; tila nalalangoy na maging himpapawid; tila nalilipad na ang karagatan -- oo, parang hindi angkop, pero ganoon ang pag-ibig, minsa'y di mo wari kanyang pagsakop.

At oo, hindi kita bibitawan pagkat ang tayo'y nakatali -- nakatali sa sinulid ng ating pagmamahalan. Itago natin ang kanya-kanyang gunting pagkat ang ating antaya'y bukas na -- bukas at sa susunod na paggising.

(Agwat lang, antay lang -- hindi pa panahon)
Para sayo, magbabalik ako.
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
012817

Iguhit sa buhangin ang iyong nasirang pangarap
Natangay man ng hanging habagat
Ito'y iyong ulitin
Pagkat sa kamay mo nakasalalay
Ang imahe na magsisilbing litrato
Ng iyong mapaglarong isip.

Kumpas ng kamay
Na tila nagpapagalaw ng mga butil
Ng buhangin kasabay ng nanghihileng tugtugin
At ang bumbilyang nagsisilbing ilaw
Sa madilim na kwarto
Na sya ring nagbibigay kulay
At naiisakatuparan ang mga munting nilikha
Sa ibat iba nitong linya.

Ngayon, ikaw ay dumating
Wag **** sasabihing huli na ang lahat
Dahil ang isang pangarap na minsang binuo mo,
Ay siya ring muling magdidikta ng iyong ginintuang pag-iisip.

Kamay ay gamitin sa malikhaing gawa
Dahil Diyos ang nagbigay ng talento
Na iyong gagamitin sa pagbuo ng natibag na pangarap.
Magdiwang dahil kagaya ko,
Siya ang magbubuo ng iyong pangarap.

Alamin ang adhikain sa mundong ibabaw
Dahil dito mo ipakikita na ika'y matatag
At makapagpapasya na magbago nang naaayon sa Kanya.

Ang iyong AMA ang Siyang gagabay at magpapakita
Ng iyong maliwanag na pangarap at buhay.
(C) MKD

Medyo in-edit ko lang.
011717

(Para sa lahat ng mga tumatakbo, mga napilayan at napaltusan. Para sa mga gusto nang huminto pero may humihila sayo pabalik na hindi mabuo-buo ang loob **** lumisan kasi pagod ka na rin sa katatakbo. Oo, ayos lang maging totoo't amining pagod ka na. Natakot kang humarap sa mundo pagkat napuno ka ng sari't saring mga isyu sa buhay mo, kaya akala mo walang saysay ang bawat salaysay. Akala mo, wala nang nais makinig sa bawat kwento **** tila paulit-ulit na lang. Akala mo, tuldok na at wala nang kasunod pa. Wala kang matakbuhan at lagi ka na lang tumatakas. Oo, nasanay ka na at akala mo ayos lang at tama yun. Nagtatago ka sa dilim at ayaw **** lumantad, natakot kang makita yung totoong ikaw kasi ayaw **** mahusgahan o makaani ng masasakit na salita. Natakot kang magtiwala ulit pero pag lumantad ka, doon ka lang pala makalalaya. Saksi ang lahat ng nilikha sayong pag-amin na hindi mo kayang mag-isa, na ayaw mo nang mamuhay nang may paglihim. Na gusto mo nang magbago at patuloy na lumaban -- lumaban nang patas at ayaw mo nang talikuran ang nakaraan. Na gusto mo nang harapin ang mga hindi matapus-tapos na mga isyu sa buhay mo -- mga isyung tila mga sundalong kalansay buhat sa nakaraang kailangan mo nang sugpuin. Oo, kaya mo. Oo, kaya Niya sa buhay mo. Buhay ka pa, humihinga ka pa. Kaya mo yan!)

Ayokong palipasin ang sandali nang pagpikit -- habang nakasandal ka sa kalangitan. Habang iniisip **** hindi mo Ako kayang abutin. Iniisip mo sigurong kinaligtaan Kita, na hindi na Kita tinitingnan pagkat mas pinili **** magtago sa dilim. Akala mo siguro'y hindi ko alam kung nasaan ka -- kung saan at paano mo isinantabi ang sarili mo kaya't hindi Ko maibuhos ang pagpapala Ko sayo. Oo, kasi umiiwas ka, umiilag ka at nilalayuan mo Ako.

Hindi Ako nakikipaglaro ng Tagu-taguan sayo kung saan ay ihahatak mo ang iyong sarili palayo sa Akin at itatatak sa puso't isipang hindi ka na pupuwedeng lumantad hangga't wala pa ang liwanag. Naghihintay lang Ako, naghihintay Ako kung saan mo Ako pinasandal at sa bawat melodiya't pag-indak ng mga ulap na wari mo'y nagtatago rin Ako, noon pa ma'y inilantad Ko na ang Aking sarili sayo. Hinihintay Kitang magpasakop sa Ilaw Ko, nang magkusa kang magpataya sa Akin gamit ang Aking mga yakap.

Pagkat hindi mo na kailangan pang magtago -- hindi mo na kailangang maghintay nang napakatagal para lamang masabi **** nahilom ka na. Ang paglantad mo ay siyang pagsuko mo at bagamat ito'y pagsuko, makinig ka: naging matapang ka na. Hindi mo na kailangang yumukong tangan-tangan ang hiya pagkat sa iyong pagpapakumbaba'y itataas Kita gamit ang aking Ngalan at titingala ka na. Matititigan Mo na rin Ako, makikilala mo na rin Ako.

Iba't iba man ang anyo Ko'y Ako pa rin ito. May ipinapaabot lamang Ako sayo nang mas maging malapit tayo sa isa't isa. Igagawad Ko sayo ang aking lakas kasabay nang pagbitaw Ko ng mga Salita. At kahit gabi na'y mag-iilaw at mag-aapoy ka pa rin pagkat ikaw na ang magiging taya. Ikaw na ang maghahanap sa mga nawawala't magbubukas ng pintuan para sa mga nagtatago't nagpabaon na sa dilim.

Wag **** tulugan ang dilim pagkat parating na ang Umaga kung kailan at kung saa'y mas magiging lantad na ang lahat. Babangon Ako hindi bilang Buwan na may pakislap na liwanag ngunit bilang Haring Araw at susugpuin ang dilim. Wala nang makapagtatago pa pagkat magiging hayag na ang lahat.

Kaya Anak, wag kang matakot at ngayon pa lang ay ihayag mo ang iyong sarili sa Aking liwanag -- sa Aking liwanag na papandong sayo at uutos sa dilim nang tuluyan mo nang masilayan ang iyong sarili -- ang iyong sariling may pagpupunyagi. Maghanda ka, malapit na ang pagdating Ko. Maghanda ka, magkakasama na rin Tayo.
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Next page