Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay At ang iyong labi na sintingkad ng rosas Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas
Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di na nadidiligan
Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan Maaaring ikaw at ako, Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam
Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo
Palihim kitang sinusuyo Kaya’t palihim din akong nabibigo Patago akong lumalaban Kaya’t patago din akong nasasaktan
Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo