Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kailan ba ako huling nagsulat?
Matagal na ata
Kinain na rin ba ako ng sistema?
O talagang walang salita
Para maihulma ang mga katagang
“Mahal Kita.”

Ilang beses bang Ikaw ang naging paksa?
O sadyang ako na lang hanggang sa huli
Ang gagawa ng panibago?

Pahiram —
Pahiram ako ng salita
Pahiram ako ng MGA salita
Pahiram —
Ayoko na lang manghiram

Pagkat ang pag-ibig
Ay di pwedeng pahiram.
0118

Hindi Ka lumipas —
Naalala ko noong nakaraang taon
Ilang araw buhat sa ngayong pagbibilang ko
Bago pa sumulyap ang mga pampakulay sa kalangitan
Para magtagisan sa pagbungad sa paunang ngayon.

Hindi Ka lumipas —
Halos itim na lamang ang kulay sa kalangitan
Na para bang ang pag-asa ay kinitil na ng sanlibutan
Na para bang ito’y nobelang pawang paghihintay na lamang
At nang subukang gapangin ng putik ang pangarap ngunit hindi —
Hindi Ka pa rin lumipas
At muli **** binigkas na Ikaw ang dahilan ng lahat
Na ang lahat ay walang kabuluhan
Kung ang Ikaw ay ibabaon sa limot at tatalikuran.

Hindi Ka lumipas —
Gaya ng mga butil ng luha sa aking mga mata
Na ang pagsusumamo ay tila araw-araw na pag-aakyat ng ligaw Sayo
Na maging ang umaga ay tila Simbang Gabi.

Hindi Ka lumipas —
Nang dungisan ng mundo ang mensaheng laan Mo
Ngunit sabi Mo’y tapos na ang lahat
Malambot pa sa bulak ang sumalo sa bawat pagkabagsak
Walang katulad ang Iyong mga yakap,
At heto ako — mas natutong sumandal sa nag-iisang Ikaw.

———

Hindi Ka lumipas —
Ilang beses **** hinayaang masaksihan ko ang pagsagwan nila sa agos
Ang paglipad sa ere na tanging Ikaw lamang  ang sumalo
Na para bang ito na ang huling mga katagang bibitiwan ko —
Ayoko na
Pero hindi —
Pagkat nagkakamali ang dilim sa paghasik ng kanyang sarili
Pagkat ang Liwanag ay panghabambuhay
At hindi tayo kakapusin sa oras
At hindi ito isang “sandali lang.”

Hindi Ka lumipas —
At ayokong palipasin ang kahit isang pintig ng sinasabi nilang “sandali lang naman”
Pagkat sa oras na ito’y hindi Ka lilipas —
At tanging ang pangalan Mo ang mangingibabaw
Sa susunod pang hihiranging mga araw
Kahit pa sabihin nilang nagbago na ang lahat.

Hindi Ka lilipas —
Kahit pa tabunan ng pangungutya ang Iyong kasulatan,
Tanging Ikaw ang magiging bukambibig.
Kahit pa hindi makakita ang mga bulag
Ay ipagdidiinan pa ring Ikaw ang magbubukas ng bawat paningin
At walang dilim na kayang sakupin ang Bayan Mo, Ama.

Hindi Ka lilipas —
At sa bawat pagtaas ng Bandila
Ay Ikaw ang mananatiling may tiyak na katuturan
Na ang mensahe Mo’y ipangangalandakan
Saanmang dako at sulok ng mga Islang hinati ngunit Iyong ipinag-isa.

Hindi Ka lilipas —
Tulad ng mga ulap tuwing ang ulan ay titila
Tulad ng tubig tuwing huhupa ang baha
Tulad ng ilaw at init ng kandilang inapula.

Hindi Ka lumilipas —
Gaya noon, hanggang sa huling hampas ng segundo sa huling pagyukod ng araw.
Maghari Ka —
Hanggang sa huling pagkurap na kasama Ka.
041217

Hindi ko alam kung ilang beses ba nating
Pipiliting basahin ang mga palad ng bawat isa.
Na minsang inakala nating hinulma para sa isa't isa
Na minsang binigkas natin ang "mahal kita."

Marahil kaya tayo'y naudlot ng Tadhana noon
Di lang dahil hindi tayo handa
Pero dahil hindi natin makakayang tumayo sa kanya-kanyang pananampalataya.

Ilang beses kong ipinagdasal na

Bawiin ka na lang Niya ulit
Di kasi tayo nakalulugod sa Kanya
Parang wala na rin akong maharap sa Kanya.

At yung mga bagay-bagay na noon binitiwan ko na --
Ngayon, mas lalo lang lumala
Mas lalong di ako makawala
Kasi nagpapagamit tayo sa sariling kagustuhan.

Kung ganito ang pag-ibig,
Gusto ko na lamang huminto
Hindi kita sasarhan ng pinto
Talagang sa mga oras na ito'y hindi lang akma ang "tayo."

Magbibilang na naman tayo ng iilan pang mga araw
At buwan o panibagong taon na naman
Pero sana sa pagkakataong ito,

Hayaan na nating itama Niya na ang lahat.
0617

Nanlilisik ang Iyong mga mata
Sa poot buhat sa paglisan ko sa Iyong tirahan
Na noo'y inangkin ko sa pagkupkop Mo sa akin.

Binihasan Mo ako ng demokrasya at kasarinlan
Bagkus ako'y natupok ng malagim na nakaraan.
Talamak ang pananakit, panghuhusga at pagkamkam
At doo'y tila binawi Mo rin ang minsang mga pamana.

Naging mapusok ang aking pagkatao
Na sa halip na bumalik Sayo'y
Patuloy na nagpakain sa maling istilo.
Nagkunwari ako bagkus ako'y natalo
Ito ang pagpataw ng madilim na peligro.

Nagniningas ang Iyong mga mata
Na tila hubad sa init na pantunaw sa mga nakikita
Napapikit ako buhat sa pangamba
Hindi na ininda ang taas ng mga nakuha.

Sa pagmulat ko na parang pagbukas ng mga bintana
Namungad na pala ang Iyong pagpapala
At ang kislap ng Iyong pagtingi'y
Syang kalangitan at katuturan para sakin.

Ikaw ang misteryo sa aking kalbaryo
Ang tagapaghusgang walang ibang hangad
Kundi para sa aking benepisyo.
Maghari Ka, Ikaw ang Bituin.
061217

Hayaan **** makisabay ang iyong kagaanan sa himpapawid
Nang ang bawat hibla'y makatikim ng tagumpay.
Pagkat ang iyong baluti'y sagisag ng pagkakaisa
At ika'y titingalain sa iyong pagliyad
Patungo sa pinakataas-taasang bughaw naming kalangitan.

Balutin mo ng dunong ang moog na salinlahi
At ika'y gumayak
Kasabay ng pagkurap ng haring araw.
Wag **** itikom ang panaghoy sa katotohanan
Habang ang bulong mo noo'y
Maging hayag na sa pitong libong pinagmanahan
At maraang mapagyaman ang Perlas ng Silanganan.

Ipag-isa mo ang tatlong bituing ipinaglihis ng kadiliman
Hindi bilang isang taksil sa lipunang mapanghasik ng lagim.
Igapos mo ang kabuuan na tila isang dalisay na karagatan
At iyong tabunan ang mga patak ng dugo
Sa tigang at umaalingasaw na sistema ng bayan.

Sa iyong lubid, kami'y kakapit
Habang ang himagsika'y sing-bagsik ng leong
May matalim na pangil sa pakikipaglaban.
Ang kamandag mo'y tagos sa puso't kaluluwa,
Dugtong sa bituka ng kasaysayang may bantog na pag-alala.

At sa bawat pintig at pag-indayog ng iyong himig,
Ang lahat ay magpakumbaba.
Gisingin mo ang diwang nahimbing sa kababalaghan
Siyang dulot ng sakim na mekanismo't maitim na pamamaraan.

Lapag sa puso at sa sahig ay papagpag ng paninindigan
Taas-noo ang aming pagpapatirapa para sa nag-iisang sandigan.
Ikaw ang bakas ng aming pinagmulan,
Ang ugat ng lakas, dunong at prinsipyo
Ng mga supling mo, o Inang Bayan.
032417

"Mahal Kita, tandaan mo sana"
Ilang beses **** pinaulit-ulit sakin
Pero minsan, napupuno pa rin ako ng kaba
"Magtiwala ka kasi.. wag ka nang umuo,
Gawin mo na lang."
Natuto akong itiklop ang bawat sanang nais sambitin
Pagkat sabi mo'y maging buo ang tiwala ko.

Walang himpil kung paano mo ipinaaalala ang lahat
Ang lahat ng kabutihang ipinatamasa mo sa akin
Gamit ang iyong pagmamahal
Na minsan ko nang pinagdudahan.

"Ganyan talaga pag nagmamahal,
Pero wag kang matakot
Kasi di kita iiwan."
Di ko mapigilang hindi umiyak
Sa bawat pagsambit mo ng "mahal kita"
Nagiging kampante yung puso kong
Ikaw lang naman ang nais maging parte.

"Wag muna tayo masyadong mag-usap,"
Wika mo para rin sa ikabubuti ko.
Pero hihintayin ko ang pagbabalik mo
At patuloy akong kakapit sa bawat pangakong
Binitawan mo hindi para ipatangay lang sa hangin
Pero para buohin yung kulang na ako.

"Mahal kita," at diyan ako lubos na kumakapit
Sa pagbalik mo'y hawak mo ang aking mga kamay
At sabay tayong lilisan sa lugar na'to
Sasabay ako sa pagbangon mo.

"Oo, payag na ako,"
**Tara na.
These things I have spoken to you while I am still with you. But the Helper, the Holy Spirit, whom the Father will send in my name, he will teach you all things and bring to your remembrance all that I have said to you. Peace I leave with you; my peace I give to you. Not as the world gives do I give to you. Let not your hearts be troubled, neither let them be afraid. - John 14:25-27 (ESV)

I will no longer talk much with you, for the ruler of this world is coming. He has no claim on me,but I do as the Father has commanded me, so that the world may know that I love the Father. Rise, let us go from here. - V. 30-31
032317

Sinubukan kong intindihin
ang bawat salitang sinasabi mo
Hinabi gamit ang iba't ibang lenggwaheng
Bago lang sa paningin at pandinig ko.

Natakot ako pagkat hindi ko maintindihan
At dumating na nga sa puntong
hindi na  rin kita maintindihan.
Kaya sumubok akong humanap ng ibang kahulugan
Nagbaka sakaling sa "doon"
ay may mapupuntahan.

Pero mali pala yung takot
na namuo saking pagkatao.
Lahat ng sabi kong iintindihin ko'y
bigla na ring naglaho.
Lumapit ako sayo
pagkat kinakain ako ng emosyon ko,
Ng takot, duda at kakulangan sa tiwala sayo.

Sinambit mo sa aking tumigil na ako --
Sa pag-aalala sa mga bagay
na ikaw mismo ang aareglo.
Dagdag mo pa'y ikaw ang aakay
sa mga walang katapusang kahinaan ko
At doon ako natutong:
wag ka nang ipilit ang kakayahan ko.

Nilinis mo ako at ginawa mo pa ring bago
At sabi mo pa nga'y aabahin mo ako
Hanggang sa makarating tayo sa simulang dulo.
Ama, sa aking pagpapasakop,
Pwede bang yung buong ako
Yung yakapin **** may pagkalinga?

Napagod na kasi akong mag-isa
Gusto ko nang sumilong --
Sumilong sa tangi **** presensya.
Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Ang ginagawa ko'y hindi mo nalalaman ngayon; datapuwa't mauunawa mo pagkatapos.  - Juan 13:7
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
031717

"Paulit-ulit
Walang sawa
Parang tayo --
Walang sawa kung umibig."
030417

Kabiyak --
Yan sana ang pinag-iipunan ko
Dyan ko sana ihahanay ang "Ikaw"
Sa larawang hinayaan kong mabuo.

Buo --
Hindi ako buo
Alam kong Siya ang bubuo sa ating dalawa
Bubuo sa magkalayong Ikaw at Ako
Sa pinaglayong Tayo.

Kapareha --
Par ba ang labanan sa baraha nating dalawa?
Parehas nga ba ang lihim na pagsinta?
O sadyang --
Pares lamang tayo
Para punan ang pagkukulang ng bawat isa.

Kalahati --
Kalahati ng buhay ko'y siyang pinagbuksan ko para sayo
Ni hindi ako umibig ng iba
Wala kang kahati sa puso ko
Siya ang nasa tuktok
Pero ikaw ang panalangin ko.

Mabubuo ba ang Tayo
Kung tanging Ako na lang?
Kung ang sanang kahati'y nakalimot na parte pala sya --
Parte pala sya ng kabuuan
Oo, parte ka ng buhay ko.

Kapiranggot na pagtingin,
Kalahati ang Ikaw
Kalahati ang Ako
Siya ang Kabuuan ng parteng Ikaw at Ako --
Paano? Paano ang Tayo?
Kung ngayo'y **nagkanya-kanya na ang sanang Tayo.
012917

Ginising mo ako ng iyong mga salita -- mga salitang sabi mo'y di mo pa kayang ikatha.

Ako'y hinihele ng bawat malalambing na mga talata -- mga talatang bumuo sa kauna-unahan **** piyesa.

Sana'y hindi ka mapagod sa paghabi ng mga salita. Sana'y di ka mapagod sa paghihintay. Sana'y di ka mapagod hanggang sa masilayan kitang muli at oo, alam kong ang babalikan ko'y pag-ibig ang siyang pagbati.

Gigisingin kita gamit ang puso ko -- pusong itinaya ko para lamang sayo -- pusong makapaghihintay sayo. At hindi ko alam kung paano tatapusin to -- pagkat **pag tungkol sayo'y di alam ang pagsuyo.
Tugon sa piyesang "Alas Kwatro na Pala"
011717

(Para sa lahat ng mga tumatakbo, mga napilayan at napaltusan. Para sa mga gusto nang huminto pero may humihila sayo pabalik na hindi mabuo-buo ang loob **** lumisan kasi pagod ka na rin sa katatakbo. Oo, ayos lang maging totoo't amining pagod ka na. Natakot kang humarap sa mundo pagkat napuno ka ng sari't saring mga isyu sa buhay mo, kaya akala mo walang saysay ang bawat salaysay. Akala mo, wala nang nais makinig sa bawat kwento **** tila paulit-ulit na lang. Akala mo, tuldok na at wala nang kasunod pa. Wala kang matakbuhan at lagi ka na lang tumatakas. Oo, nasanay ka na at akala mo ayos lang at tama yun. Nagtatago ka sa dilim at ayaw **** lumantad, natakot kang makita yung totoong ikaw kasi ayaw **** mahusgahan o makaani ng masasakit na salita. Natakot kang magtiwala ulit pero pag lumantad ka, doon ka lang pala makalalaya. Saksi ang lahat ng nilikha sayong pag-amin na hindi mo kayang mag-isa, na ayaw mo nang mamuhay nang may paglihim. Na gusto mo nang magbago at patuloy na lumaban -- lumaban nang patas at ayaw mo nang talikuran ang nakaraan. Na gusto mo nang harapin ang mga hindi matapus-tapos na mga isyu sa buhay mo -- mga isyung tila mga sundalong kalansay buhat sa nakaraang kailangan mo nang sugpuin. Oo, kaya mo. Oo, kaya Niya sa buhay mo. Buhay ka pa, humihinga ka pa. Kaya mo yan!)

Ayokong palipasin ang sandali nang pagpikit -- habang nakasandal ka sa kalangitan. Habang iniisip **** hindi mo Ako kayang abutin. Iniisip mo sigurong kinaligtaan Kita, na hindi na Kita tinitingnan pagkat mas pinili **** magtago sa dilim. Akala mo siguro'y hindi ko alam kung nasaan ka -- kung saan at paano mo isinantabi ang sarili mo kaya't hindi Ko maibuhos ang pagpapala Ko sayo. Oo, kasi umiiwas ka, umiilag ka at nilalayuan mo Ako.

Hindi Ako nakikipaglaro ng Tagu-taguan sayo kung saan ay ihahatak mo ang iyong sarili palayo sa Akin at itatatak sa puso't isipang hindi ka na pupuwedeng lumantad hangga't wala pa ang liwanag. Naghihintay lang Ako, naghihintay Ako kung saan mo Ako pinasandal at sa bawat melodiya't pag-indak ng mga ulap na wari mo'y nagtatago rin Ako, noon pa ma'y inilantad Ko na ang Aking sarili sayo. Hinihintay Kitang magpasakop sa Ilaw Ko, nang magkusa kang magpataya sa Akin gamit ang Aking mga yakap.

Pagkat hindi mo na kailangan pang magtago -- hindi mo na kailangang maghintay nang napakatagal para lamang masabi **** nahilom ka na. Ang paglantad mo ay siyang pagsuko mo at bagamat ito'y pagsuko, makinig ka: naging matapang ka na. Hindi mo na kailangang yumukong tangan-tangan ang hiya pagkat sa iyong pagpapakumbaba'y itataas Kita gamit ang aking Ngalan at titingala ka na. Matititigan Mo na rin Ako, makikilala mo na rin Ako.

Iba't iba man ang anyo Ko'y Ako pa rin ito. May ipinapaabot lamang Ako sayo nang mas maging malapit tayo sa isa't isa. Igagawad Ko sayo ang aking lakas kasabay nang pagbitaw Ko ng mga Salita. At kahit gabi na'y mag-iilaw at mag-aapoy ka pa rin pagkat ikaw na ang magiging taya. Ikaw na ang maghahanap sa mga nawawala't magbubukas ng pintuan para sa mga nagtatago't nagpabaon na sa dilim.

Wag **** tulugan ang dilim pagkat parating na ang Umaga kung kailan at kung saa'y mas magiging lantad na ang lahat. Babangon Ako hindi bilang Buwan na may pakislap na liwanag ngunit bilang Haring Araw at susugpuin ang dilim. Wala nang makapagtatago pa pagkat magiging hayag na ang lahat.

Kaya Anak, wag kang matakot at ngayon pa lang ay ihayag mo ang iyong sarili sa Aking liwanag -- sa Aking liwanag na papandong sayo at uutos sa dilim nang tuluyan mo nang masilayan ang iyong sarili -- ang iyong sariling may pagpupunyagi. Maghanda ka, malapit na ang pagdating Ko. Maghanda ka, magkakasama na rin Tayo.
 Dec 2016
Ysa Pa
Habang nag-iisa
At walang kamalay-malay
Ako'y nadampot ng mga
Naghahanap ng karamay

Nayaya ng promotor
At hindi na makatatakas
Hinamon ng mga tomador
At nagkasukatan na ng angas

Marami nang bote ang walang laman
Nakabasag na rin ng mga baso
Paubos na ang mga pulutan
Amoy na rin ang halimuyak ng chiko

May di matapos-tapos na asaran
May mga pikon ngunit puno parin ng tawa
May mga tulog na at may nagkukulitan
Mayroon din namang nagkukwento ng paluha

Walang humpay rin ang kantahan
Punong-puno ang lamesa ng kwnetuhan
Rinig hanggang langit ang halakhakan
Tuloy-tuloy lang ang kasiyahan

Masayang salo-salo
Matibay na pagsasamahan
At ang highlight dito
Ay ang hangover kinabukasan

Sana'y king bilis mawala
Gaya ng hangover kinabukasan
Ang aking mga alaala
At ang sakit ng iyong paglisan
Oops! There goes my heart, splattered all over the place again.
Next page