Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
ESP May 2015
Hindi ako marunong tumula

Hindi ako marunong tumula
Kahit tinuruan ako ng **** ko sa wika
Ng tamang pagsulat
Ng may tamang sukat
Ng may tamang sukat ng salita
Ng may tamang salita

Hindi ako marunong tumula
Dahil iniwasan kong gumawa ng isa
Dahil ayoko ng konbensyunal
Dahil ayoko ng sukat-sukat
Dahil ayoko ng bilang-bilang
Dahil ayokong nahihirapan
Kung paano ko ipapahayag ang sarili ko

Hindi ako marunong tumula
Dahil alam kong ang mga makata lamang
Ang may kakayanang makapagsulat
Silang mga nakapag-aral ng wika
Silang mga matagal nang nagsusulat
Silang walang sawang nagsusulat ng mga salitang
Kasing bango ng mga bulaklak
Kasing tingkad ng langit
Kasing linaw ng mga tubig sa dagat
Kasing sarap ng paglanghap ng sariwang hangin

Hindi ako marunong tumula
Kahit naririnig ko sa radyo
Ang mga kantang binibigkas
Ng mabibilis na mga bibig
Ng mga magagaling na mang-aawit ng tula

Hindi ko inibig ang tumula
Dahil alam ko sa aking sarili
Na marunong lang akong magsulat ng kung anu-anong kwento sa buhay
Mga kwentong binibigyan ko ng buhay
Na akala ko sa isip ko lang maninirahan

Ngunit dumating ang araw
Natulala sa isang bagong kwaderno
Blangkong kwaderno
Ni hindi ko alam
Kung ano ang isusulat
Walang maisip ni isa
Maliban sa isa
Ikaw
Ikaw lang ang laman ng isip ko

Nakapaglakbay patungo sa unang pahina
Ang salitang aking hinahanap
Hanggang sa nagtawag siya ng mga kasama
Ng ka-tropa
Ng ka-barangay
Sunod-sunod silang nagsisidatingan

Ikaw lang ang laman ng isip ko
Ikaw na lagi kong kasa-kasama
Ikaw na lagi kong gustong kasama
Ikaw lang
Pero sunod-sunod ang salitang naisulat ko
At nagulat ang nanlalabong mata ko
Tula na pala ang naisulat ko

At nagsulat ako
Nang nagsulat tungkol sa mga ngiti mo
Tungkol sa kung paano kita nagustuhan
Tungkol sa kung kelan lahat nagsimula lahat ng nararamdaman ko
Tungkol sa kung paano ko nilalabanan 'to
Tungkol sa pagkagusto na akala ko hindi dapat
Dahil magkaiba tayo ng gusto
Nagsulat ako nang nagsulat
Hanggang naisulat ko na pala
Na mahal kita

Hindi ako marunong tumula
Ayaw kong gumawa noon ng tula
Pero dahil sa'yo
Marunong na akong gumawa ng tula

Gumawa ako ng maraming tula
May maikli
May mahaba
May hindi tapos
May walang kwenta lang
Halos lahat ay patungkol sa iyo
Minsan sa buhay ko
Pero sa'yo lang umiikot ang buhay ko
Totoo

Ang sarap palang gumawa ng tula
Akala ko mahirap
Akala ko laging may batayan
Akala ko laging may sukat
Tulad ng itinuro sa akin ng **** ko sa wika
Pero hindi pala
May iba palang paraan
Basta't may emosyon kang nararamdaman
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Malungkot kasi hindi kita nakasama
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Masaya kahit na tinititigan lang kita nakikita ko na mangiyak-ngiyak ka na sa tawa
Mahalaga na may emosyon tulad ng
Pagkasawi kasi alam kong walang patutunguhan 'tong lahat

Katulad mo ako
Isinusulat mo kung anong nararamdaman mo
Ang nararamdaman **** hindi katulad ng nararamdaman ko
Ikaw na siyang nagmamahal ng taong
Hindi ka gusto
Katulad mo ako na
Nagsusulat ng laman ng puso mo

Kung pwedeng ako na lang na ang tinutukoy mo

Marunong akong gumawa ng tula
Ikaw ang may dahilan ng lahat
Nasabi ko na sa'yo lahat
Hindi pa pala lahat

Marunong akong gumawa ng tula
Pero hirap na hirap ako ngayon
Dahil wala na akong maramdaman
Wala na ang pinanghuhugutan
Wala na yatang dapat paglaanan
Wala na

Habang isinisulat ko ito
Wala akong emosyon
Walang emosyong nararamdaman
Sa'yo
Tapos na ata ako sa'yo
Wala na rin akong masulat para sa'yo
Pero marunong akong magsulat ng tula
Kaya
Maghahanap na lang ulit ako
Ng taong paglalaan ng mga salitang
Hindi makatotohanan sa pangdinig kapag isinambit
Hindi makatototohan habang binabasa ng mga mata
At hindi makatotohanang isinulat ng isang hamak na katulad ko
Maghahanap ako
Ng isang tulad mo

Mahaba-haba na ang aking naisulat
Napatunayan ko na atang marunong akong magsulat


Pero hindi ako marunong tumula.
kingjay Dec 2018
Ang monasteryo ay pugad ng dasal ng maya
Nasa tono ang plawta, umiirog na nota
Ang natatanaw na inakalang bukang-liwayway  ay magandang kasintahan

Harana ng kalawakan, nakakabinging bulong
alulong ng multo na nanahan
Sundin ang pagkabigo
Sapagkat ang harmonya'y bihasa sa pagbibilanggo

Ang kinikimkim na rosas ay lumulubo
Ngunit nakagapos ang mga ugat
Nakapanlulumo man ito'y totoo
Nabubuhay ang bulaklak sa hardin na nakatago

Itigil ang kahibangan ng bahaghari
Pagkatapos ng pag-iyak ng kalangitan puso'y nagdadalamhati
Kahit gaanong tingkad ng kulay sa himpapawid
Malaking imahinasyon lamang ang makisabay sa pana ng anghel

Iwaksi ang pagtitibok
Ang mga konstelasyon ang patunay
Guhit ng relasyon sa hangin ialay
Papalayo, hindi mamamatay
paulit-ulit na mabibigo

Ang samyo ng damuhan ay may kaluwalhatiang hatid
Sa paraiso nakasandal ang mga balikat at pighati
Malayang pag-iisip, paglalakbay ng diwa
Lunas sa damdaming mahapdi
kiko Aug 2016
Hindi ako ang babae na hinahanap mo
abang-abang ko ang mga mata sa paligid
nag-aantay, nanghuhuli,
nagsusumamo
ako na ba?
ako na ba ang tinitignan nila?
pansin na ba nila ang buhok kong umiindayog kasama ng hangin
pansin ba nila ang marahang paghihiwalay ng aking mga labi?

hanggang sa mahuli ko ang iyong mga mata
nakikita ko na
nakikita ko na kung paano kita mamahalin
kung paano ko kakalimutan at ibibigay ang sarili ko sayo
tahimik na nagmamakaawa ang puso ko
lumapit ka
bigyan mo ko ng pagasa
hindi man ako kaanya-anyaya sa iyong mata
pero pupunan ko ng pagmamahal at ng pagaaruga ang lahat ng hindi mo nakikita
hindi man ako kasing tingkad ng mga bulaklak
at hindi man ako kasing taas ng mga puno  na nasa paligid mo
pero nagmamakaawa ako
bigyan mo ng pag-asa ang puso ko
kahit hindi na pagmamahal ang ibigay mo
kahit hindi mo na sabihin na pwede kang mawala sa mga mata ko
iparamdam mo lang na karapat-dapat ako
para sa gayon matutunan ko naman
na mahalin ang sarili ko.
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kahit saang anggulo mo tingnan
Hindi ako magiging sya kailanman
Gaano man kalayo ang inyong pagitan
Siya pa rin ang iyong inaabangan
Kanan, kaliwa, taas, baba
Kanan
Nilingon mo sa kanan ang kanyang mga ngiti
Balot ng iyong paningin ang kanyang mapupulang pisngi
Kabisado mo na ang galaw ng kanyang labi
Habang umaasang ako nalang ang iyong minimithi
Kaliwa
Hawak ng iyong mga kamay
Ang kanyang balikat na lagi **** akbay
Di mapigilang ngiti ang sa sistema mo’y nananalaytay
Habang ako’y nakatanaw sa mga tawa **** walang humpay
Taas
Tumingala sa taas ang iyong noo
Pinapanalangan na sana’y maging kayo
Hinihingi sa Panginoon na sya’y maging sa’yo
Habang ako’y nakatingin sa aking mundo
Baba
Yumuko ang iyong mukha
At tumulo ang mga luha
Sa harap ng Panginoon, hiningi mo sya
Habang ako’y nananalangin na ako nalang sana
Ang mga salitang alay ko sa’yo
Ay sya ring mga salitang sa kanya’y sinabi mo
Ang mga tingin mo sa kanya
Ay kagaya ng mga tingin ko sa’yo
Ang kurba ng iyong labi
Ang pagpula ng iyong pisngi
Ang tingkad ng iyong ngiti
Nakikita ko ang sarili ko sayo
Sa kung paano mo tinitingnan ang babaeng
hindi kailanman magiging ako
Kahit hingin ko pa siguro sa mga tala
Kahit kay kupido pa ipa-pana
Hindi pa rin tayo tugma
Ang pagtitig mo sa kanya
Ay isang paalala na 'wag na akong umasa

Sana kaya kong takpan ang iyong mga alaala
Ibaon sa limot at tuluyan nang mawala
Sana kaya kong buksan
Ang puso kong ikaw lang ang laman
At tuluyan ka nang palayain
Kahit di ka naging akin
Pero kahit anong gawin
Ikaw pa rin ang sinisigaw ng damdamin
Ilang beses ka mang limutin
Araw araw ka pa ring alalahanin
Kahit masakit, pipiliting maging masaya
Kahit hindi ako
Pipilitin kong maging buo
Para sa'yo
At sa taong mahal mo
Kaya bahala na
Mahal pa rin kita
Kahit sya lang ang nakikita ng iyong mga mata

— The End —