Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Andrei Corre Aug 2017
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto

Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin

Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao

Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo

Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang

Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo

Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
solEmn oaSis Jan 2020
Kung ako ang siklab
Tiyak ikaw ang dagitab
Na buhay na buhay sa pinakamadilim na karimlan
Na siyang nag-aangat sa mga anino na kay pino at may likas na talino

Kung ako ang ningas
Nararapat lamang ikaw ang hangin at simoy
Hindi nabago at malaya na naging tanggulan...
Dinuduyan ang kasanggulan.
Para lamang malinang at kalingain
Upang sa gayon ang naturang ningas ay magliyab at maging isang apoy !

Kung ako ang pagpapalitan at pagkakaisa
At halos nga ay kapwa pawiin...
Ikaw dapat ang gabay at kamay
Na may tangan ng tiwala at paniniwala...
Naghihintay ng sandali at tiyempo
Upang maihanay ang iyong sarili sa ritmo at tono
Nang sa gayon magagawa nating...
Maipagpatuloy ang
Pagputok ng sulong sinindihan hanggang sa maging ilaw.
At muli magagawa nating...
Balikan ang sinimulang paglalakbay pasulong kalakip ang tatag at tibay

Mula sa gitna ng kadiliman
Tayo nawa ang maging malinaw
Gaya baga ng dulot ng kinabukasan.
Hawak-kamay tayo, iyan ang kailangang mangibabaw...
Sapagkat sa ating pagsusukob...
At tanging sa ating pagsusukob,

Tayo ay....

maliwanag na maliwanag .

Manigong bagong taon sa lahat!!!


*ryn's incandescent translated to tagalog by: solEmn oaSis
At Maligayang buwan ng mga puso
Ngayong 2020 punan ng pag-ibig ang sulo
Sho Victoria Apr 2018
Di ako umiiyak sa away o sigawan.
Umiiyak ako sa labis na katahimikan.
Sa mga panahong kailangan ko ng kasama
Sa mga panahong pati sarili'y ayaw ko na.

Mga kumukuliglig na huni at bulong.
Mga inipit na hikbi at paghingi ng tulong.
Lahat ‘yan ay naninirahan sa isipan.
Lahat ‘yan ay mahirap takbuhan, mahirap takasan.

Bumibilis na tibok ng puso,
Malalamig na pawis na sa leeg ay namumuo
Mga hiningang hinahabol ang takbo,
Magang mga matang nagmamakaawang ang luha'y huminto.

At unti-unti
Hihimasin ang isip
Mula labas palalim sa loob
Unti-unti
Pipigain ang puso
Makirot sa una ngunit nakakamanhid rin pala kapag nasanay na.

Hahalungkatin ang nakaraan,
Nang dumilim ang kasalukuyan.
Babasagin ang kasalukuyan,
Nang mabaling ang tingin sa iba maliban sa harapan.

"Huwag kang mag-isip."
Ang abiso nila.
Ngunit diba nila naisip
Na tila ka na ring sinabihan na:

"Huwag kang huminga kung ayaw mo na."

"Huwag kang tumingin kung nahihirapan ka."

"Huwag kang makaramdam kung nasasaktan ka."

Huwag ka nalang mabuhay kung di mo na kaya."

Oo, ayaw ko na.
Lahat kinatatamaran pati paghinga.
Bawat gabing inilaan sa iyak.
Tila ang isip, pinipilit na mabiyak.

Oo, nahihirapan na.
Di maiwasang tumingin sa mga mata
Ng iba't ibang taong may iba't ibang kwento.
Ng iba't ibang ngiti sa kabila ng malungkot na  mga anino.

Oo, nasasaktan na.
Mula sakit, gusto ko nang kumawala
Mula sa kadenang mas malambot pa sa bakal
Ngunit kung hawakan ka tila ka sinasakal.

Oo, di ko na kaya.
Sana nga tumigil na.
Na bawat umaga nagdarasal akong gabi na
At sa bawat gabi, nananalangin akong matapos na.

Ang sinimulang buhay na inilaan sa iyak.
Inilaan sa pag-iisip na sa bawat takbo tila ka winawasak.
Bukas sa lahat ng bagay mabuti man o masama.
Bukas rin sa posibilidad na ipagpatuloy pa o tapusin na.

Ito.

Ganito.

Ganito kahirap, ganito kasakit.

Ganito kasimple ang isang atake.

— The End —