Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Mar 2018
Isang-libo, siyam na raan, siyamnapu't-siyam
Nang una nilang marinig ang pagtangis

Dalawang libo't labing-walo
Napakarami kong gustong bigkasin
Pero nauutal ako't lumalabas pagiging utak alipin
Para sa'yo sana, gusto ko pa ring sabihin,
Na, patawad Felipe, kung kay hirap **** mahalin

Wala ako nang tumangis ka kay Macoy
Huli kong nalaman ang tungkol kay Luisita
Masyado pa ba 'kong musmos upang ibigin ka?

Lubha lamang daw akong bata
Nagpupuyos ang damdamin
Walang pang kaalaman magdesisyon ng tama
Mapusok at madaling matangay
Manatili na lamang daw ako sa klase,
at kinabukasan ko'y sa mataas na marka ibase

Kaya't pinilit kong hindi pakinggan ang pagdaing mo
Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?

Batid ko man ang kasaysayan mo sa mga prayle, kano't hapon, labis ko pa ngang inidolo si Luna't Bonifacio noon

Hindi ba't namatay rin sila sa kasibulan nang dahil sa'yo?
Natatakot ako, na balang araw iyon rin ang sapitin ko sa piling mo
Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Hindi ka pa pwedeng umiyak
Hangga't hindi pa tapos ang lahat
Ano bang alam mo upang magalit, maghimagsik?

Ngunit hindi ko kayang lumingon pabalik
Hindi ko kayang matulog muli nang wala ang 'yong halik
Hindi ko kayang mahimbing nang wala ang mga gunita

Dekada Sitenta.
Bungkos ng namumuong nana
Nilalapnos ng kumukulong tubig
Dumaranak ang dugo sa sarili **** balat
Tumatalilis at tinatanggalan ng bayag

Paiikutin ang roleta't ipuputok sa sintido
Ihihiga ang katawan sa bloke ng yelo
Papasuin ng upos ng sigarilyo
Ibabalanse ang katawan hangga't may lakas pa ang kabayo
Hindi ito mga metaporang naririnig ko lang sa mga kwento

Hindi na ako magtataka kung may diyos pa ba
A kung kahit isang beses nilingon ka man lang niya



Kung ang nakikita ng mata ay dumudurog ng puso
At ang mga salita ay pumapainlalang

Silang 'di nakaririnig ay dapat kalampagin
Hampasin ang higanteng pintuan at sipain
Ang pader na marmol na walang bintana
Galit na sumusunog ng patay na tala
Hindi kumakalma, pilit nagbabaga, nagtatangka

Ano bang alam ko upang magalit, maghimagsik?
Maaari ko bang palitan ng paglilingkod ang iyong biyaya?
Mas madali naman siguro magsalita
Kung 'di mo batid ang paghangos ng maralita


Mainit ang puso ko, pero malamig ang paa't kamay
Hindi ko kayang palayain ka
Tipid ang boses ko upang ipagsigawan ka
Nagtagpo tayo sa panahong akala ko malaya ka na

Nang masulyapan ka nang unang mabuksan ang aking paningin
Gusto ka lang naman palaging kita ng mata
Wala pa man natatakot na akong makitang umiiyak ka
Mas mapalad ba ang mga bulag o tulad kong piring ang mata?
Hinayaan mo akong maging alipin
Itinatatwa ko ang araw na namulat ako
Ang hirap naman kasing maka-usad mula sa'yo
Matapos mabura ang mga kasinungalingang sa'yo'y ibinabato
Kumbaga, ikaw 'yung maraming sakit na pinagdaanan, dadagdag pa ba 'ko?
Patawad
Oh, Felipe, kay hirap **** mahalin

Habang binabasa ko ang kasaysayan ****
Nagaganap pa rin hangang sa ngayon
Parang itinutulak ang aking sikmura
At ang balat ko'y nagsisiklabo
Hindi tumitigil ang mga luha

Ilang taon matapos maghalal ng bagong pangulo
Pinaulanan ng bala ang mga humihingi ng reporma


Dalawang-libo't apat
Matapos ang tatlong dekada
Mga batas na pabor lang sa mayama't may kaya

Gusto lang naman namin mabuhay
Nang hindi inaagaw ang aming kabuhayan
Nagtatanim ng bala't hindi binhi
Umaani ng bangkay hindi punla

Lupa mo'y hinulma ng dugo
Parang imbes na pataba ay pulbura ang inaabono
Para bang ang buhay ko sa'yo'y Walang katapusang pakikibaka
Para bang ang inaani ko'y dusa sa Buong buhay na pagsasaka


Dalawanlibo't-siyam
Matapos ang apat na taon

Kinikitil nila isa-isa ang mamamahayag
Nilibing ng traktora't patong-patong ang buto't balat
Pinagkanulo mo at hayagang pumayag
Mga berdugong hinayaan mo lang lumayag

Dalawang libo't labing-lima
Nangingisay sa walang habas na pangraratrat
Hanggang huling hininga'y maubos, mawala sa ulirat
Apatnapu't-apat **** mandirigma
Lumusong sa mapanganib na kagubatan na walang dalang sandata o pananggalang man lang
Malupit ka, hanggang saan ipagtatanggol ang laya mo?
Hindi pa ba sapat ang lahat ng luha?
Nagsasakripisyo para sa hindi siguradong pagkakakilanlan bilang Pilipino


Ikalawang Milenya.
Ngayon naririnig ko na ang pagpapatahimik laban sa karapatan **** magpahayag
Nagsasakripisyo ng dugo ng mga tupa
Para sa huwad na pag-unlad
Pinapatay ng bala ang uhay
Habang matapos tapakan ang upos ng sigarilyo,
Pagtatalunan ang dilaw at pula
Kung sino ba ang mas dakila
Aastang **** na tagapagligtas
Na siyang hawak ang lahat ng lunas
Napakarami nang diyos sa kasaysayan
Pawang dinikta, ibinigkis ang kalayaan

Ninais kong mahiga na lamang at hintayin ang bukang liwayway
Na pinangarap din noon ng mga ilustrado't rebolusyunaryong mararangal
Wala nang lunas ang sumpa ng edukasyon
Magpalaya ng isipang noo'y nakakahon

Wala sa akin noon ang lakas ng bagyo
Hanggang sa nabatid kong malulunod na rin ako
Wala akong nagawa kundi tumangis

Felipe, lumuluha ka rin ba? nasasaktan ka pa ba o manhid ka na?

Gayunpaman, tahan na, Felipe, tahan na.
112718

PoemsForE
solEmn oaSis Jan 2016
with a bit of "the significance of essence" (ang kabuluhan ng kakanyahan)

ako'y pinoy sa isip, sa puso't damdamin
at may paniwala sa sariling atin
gawaing pinoy maipagmamalaki
isigaw sa mundo at ipagsabi
na...
Dito sa Silangan ako ay isinilang
Kung saan nagmumula ang sikat ng araw
Ako ay may sariling kulay na kayumanggi
Ngunit hindi ko maipakita tunay na sarili
Kung ating hahanapin ay matatagpuan
Tayo'y may kakanyahan dapat na hangaan
Subalit nasaan ang sikat ng araw
Ba’t tayo ang humahanga doon sa Kanluran (Francis "kiko" Magalona)

(Gloc 9)
Bato bato sa langit
Ang tamaan’y wag magalit
Bawal ang nakasimangot
Baka lalo ka pumangit
Pero okay lang
Hindi naman kami mga suplado
Sumabay ka sa amin na parang naka eroplano
Sa tunog ng gitara
Kasama ng pinakamalupit na banda
Pati si "kiko"
Magaling-hindi parin kayang tapatan
Parang awit na lagi **** binabalik balikan
Stop-rewind i-play mo
Nakapakasaya na para bang birthday ko
Alam mo na siguro ang ibig kong sabihin
Hindi na kelangan pang paikutikutin
Baka lalong matagalan lang
Lumapit at makinig na para iyong maintindihan
Mga salitang sinulat na hindi ko papel
Pero pwede ilatag
Na parang banig na higaan
Kapag hinawakan ang mikropono parang nabubuwang
Eh kasi naman siguro
Ganyan lang kapag gumagawa kami ng bago
Medyo nabibilisan
Hindi mo naisip na pwedeng mangyari
Magkasamasama lahat ay kasali!

(solEmn oaSis)
minsan ko nang ipininta
aparisyon ng aking obra
doon,,, manipulasyon lamang ang kontra
pagkat ilusyon lang ang gamit kong tinta
o pareng makata
imulat ang mata
sa larawang likha ng madamdaming kataga
kung itutuon sa puso't isipan, titimo talaga
sa isang alagad ng sining
walang boses na matining
ang tulad nating mandirigma ay isinilang
upang ang kapayapaan ay isaalang-alang
bato-bato sa lawak ng langit
hinde tamaan wag magagalit
sa aking apat na sulok ng panitik
mensahe ko sa quadro ay hitik
ang lihim sa likod ng lalim
may gintong butil na di patitigil
lantaran man ang talinghaga
patagong kaway agwat ng kataga
sapagkat sa bawat pag-ani
ng parirala sa aking balarila
muli ngang sisibol itong binhi
at para sa kanya...ako ay nag-punla

(curse one)
bilang isang nilalang na sumumpang
mag hahatid ng mga musikang
kaylan man ay hindi maka-kalimutan
at inaalay kahit kanino man
patuloy lang susulat ng tulang
sumusugat-gumugulat ang kantang
nakaka-mulat ng mata. Anu mang
pag subok kayang kaya pag nag sama sama na
ang mga sundalo ng kalsada
“Habang iyang edukasyo’y nakaluklok sa dambana,
kabataa’y yumayabong nang mabilis at sagana,
nararating pati langit ng magiting niyang diwa;
sa siklab ng edukasyon kasamaa’y humihina,
alam niyang paamuin iyang bansang walang awa,
ang mabangis ay nagiging bayani ng kanyang lupa.” (Jose "pepe" Rizal)
Dapat matakot tayo sa batas.
Kung walang pangil ang batas,
Tahasan lang ang paglabag.
Kung mali ang halo ng batas, latak ang batayan.
At kung walang batas,
Tara magkanya-kanya na lang tayo.

Modernong bayani, tayo yan.
Tayo ang aani ng bayang
may punla ng dugong nag-aalab.

Kahit saan, may rebelde't aktibista;
May kamaong lalaban para sa bayan;
may magpapaapi't magagapi;
may kakapit sa patalim
At susulong nang walang pagkukunwari.
Hindi luma ang pagbabago;
Kahit pabagu-bago pa ang tibok ng masang Pilipino.

May bagong balita,
Patay na si Juan Tamad.
Bangon Pilipinas! Bangon na!

#042416
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
solEmn oaSis Nov 2015
bato-bato sa lawak ng langit
hinde tamaan wag magagalit
sa aking apat na sulok ng panitik
mensahe ko sa quadro ay hitik

ang lihim sa likod ng lalim
may gintong butil na di patitigil
lantaran man ang talinghaga
patagong kaway agwat ng kataga

sapagkat sa bawat pag-ani
ng parirala sa aking balarila
muli ngang sisibol itong binhi
at para sa kanya...ako ay nag-punla
according to Ellie Hughes:
Make a poem, and use that word as its title.
Be sure to make sense, and relate the topic to title!
since my slogan is...
"my mystery rhyme has still seeking for its own rhythm and blues !
, 'til my sweet serenity haul me unto a stronger melodies and clues!"
and fortunately i have always my precious book in my pocket,,
i ah easily grabbed it and look for the 6th line and 5th word on page 49
and had came up to the term "kanya" as in hers.
solEmn oaSis Jul 2021
sa unang hanay
dapat may Limang Punla
madaling gawin
pero bakit Kailangang sa ikalawang Linya
umusbong ang Pitohang Pantig ng Litanya
Gigising nang maaga para sa palayan magtalok
Kailangan na magtrabaho kahit pa inaantok
Suot ang sombrelong dayami at jacket na manipis
Sa matinding init ng araw kailangan magtiis
Hila ang araro ng masipag na kalabaw
Kahit ang nag aarya pati sa tubig ay uhaw
Ang lupang matigas na kailangang matunaw
Dapat ikaw ay malakas, dapat matindi ang galaw
Tanging lugaw na bigas sa umaga ang almusal
Para maging maputik hindi sapat lang ang dasal
Kinakailangan ng lakas at tubig na galing taas
Susuyurin ng wagas para mas maputik ang antas
Yuyuko pa ng marami tapos bukas sakit ay lalabas
Maghihintay ng ilang buwan para mabuo ang bigas
Ganon kahirap ang dinanas bago bigas ay makain
Pasalamat sa taas dahil tayo'y may pagkain

Talok dito, talok doon
Sila sa palayan ay maghapon naroon
"Bilad sa araw ay katawan" oo tama ka doon
Para may makain ang pamilya at pangbaon
Sa trabaho at eskwela papasok tiyan walang laman
Pagbalik sa hapon isip mo tiyak iyan may laman
Para may anihin at kainin pagsapit ng kinabukasan
Sa pagtatanim ng palay walang punla sinasayang
Bawat punla ng palay sa putik ay binabaon
Bawat paa at mga kamay sa putik ay nakabaon
Bawat pawis ng katawan sa damit ay naroon
Bawat yuko ng katawan masakit iyon sa maghapon
Bawat init ng araw sa likod ay nakakasunog
Bawat patak ng ulan sa likod ay sunod sunod
Pero wala silang pakialam kung balat ay masunog
Basta ang mahalaga may makain bago matulog

Hindi biro ang buhay ng magsasaka,
'Di alam kung mayroon pa bang pag-asa?
Sa mga tinanim na palay sa lupa ng iba
Mula sa inaning palay mas kumikita ay sila
Maswerte na kung may sariling lupang sinasaka
Pero minsan malas pag dumadating mga sakuna
'Di mapakinabangan mga halaman hinintay ng mahabang panahon
Bilang sukli sa kasipagan mga bunga sa putik ay nakabaon
At ang nagpapahirap sa buhay ng magsasaka
Sariling gobyerno na kulang sa suporta
Mas tinatangkilik ang iba kaysa sariling saka
Dahil ba magandang klase ang bigas nila?
Mga dahilan kung bakit ganon, naiintindihan namin iyon
Ngunit walang tulong mula sa agrikultura, 'wag naman ganon
Oo masarap kainin ang bigas kahit walang lasa
Pero maging magsasakang pagod na walang kita, nakakawalang gana

Sana madama niyo ang aming mga hinaing
Sana sa ibang bansa'y ipagmalaki niyo rin
Hindi lang sila magsasaka, sila'y bahagi ng ekonomiya
Kaya suportahan pagdating ng sakuna at problema
Hiram na ani yung iba para kumita ng pera
At sa mata ng gobyerno sila'y itsapwera
'Di sapat ang tula para ikwento ang buhay ng magsasaka
Sa mga taong walang suporta at 'di kayo kinikilala
Hindi ko naranasan ang maging magsasaka
Pero kaya kong gawing kanta mga ginagawa nila
Gamit ang lapis at papel, kayo ang tema at beat
Kaya makabuo ng kantang tagos sa puso at Bakit
hinahangaan at pinagmamalaki kayo sa buong mundo?
Dahil sa sipag at tiyaga, pasensya at ito pa masasabi ko
Sa lahat ng magsasaka kahit mahirap ay kinakaya
Saludo po ako sa inyo para sa akin sikat ka na

— The End —