Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Jose Remillan Sep 2013
Hindi ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib ngayong gabi. Tangay ng
Daluyong na pumapaindayog sa bawat
Paghagod, pagkumpas sa ritmo at ritwal

Ng pagsamba sa dambana ng laman,
Katas at dahas ng magdamag, sabay
Tayong lumalaya sa hangganan ng
Pag-ibig ng mortal nating katawan.

Hindi ang pag-ungol o ang malalim
Na pagbaon ng mga kuko sa talim
Ng bawat lihim ng silid na ito ang
Hahadlang sa atin patungo sa wagas na

Pag-ibig. Pakatandaan mo, lilipas ang
Alindog at handog na kagandahan ng
Katawang lupang kusang bumabalik,
Humahalik sa paanan ni Kamatayan,

Ngunit hindi kailanman ang wagas
Na katotohanang sa gabing ito, hindi
Ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib, kundi tayo,

Bilang mga kaluluwa.
Bacoor City, Philippines
August 2013
Celaine Dec 2016
Sa bawat paggalaw ng mga kamay sa orasan
Naitatala nito ang takdang oras.
Ito ang mga kamay na sumusukat sa bawat
Segundo, minuto at oras sa bawat araw
na lumilipas.

Ngayong araw na ito,
tila sadyang nagmamadali ang
yaring mga kamay
na parang bang may hinahabol.
Hindi naman sila mga paa
Ngunit sila’y parang kumakaripas ng takbo

Sa aking pagtingin sa mga mabibilis na kamay,
nabagabag ako sa pagkaripas nilang ito.
Na kung sila’y magkakabuhay lamang
Ay aking itatanong,
“’Hindi pa ba kayo napapagod?”

Akala ko ba’y
Bilog man o parisukat ang hugis ng orasan
Ay ito’y patuloy na tatakbo?
Tatakbo at tatakbo.
Tatakbo lamang sa lugar na iniikutan nito
at hindi lalayo.
Iikot ng iikot.
Tulad ng ating mundo na hindi naiisip na tumigil.
Liban na lamang kung mayroong sadyang pipigil,
kung sadyang naubusan ng batirya,
kung nawalan ng dahilan para hindi pumalya.

Ngunit
sa isang saglit na pagpikit ng aking mga mata,
'Di ko nabatid kung isang panaginip
o isang realidad na nga ba ang aking narating.
Ang mga kamay na laging kumakaripas ng pagtakbo
ay bigla na lamang huminto.
Ang pagkumpas ng oras ay nabigo.
Ang panahon natin ay naglaho.
Habang aking isinusulat ang tula na ito, aking biglang sabi sa sarili,  "Dami **** time, girl. May research paper ka pa." HAHAHA how ironic
Stephanie Sep 2018
Walang Pamagat
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Malumanay ang pagkumpas ng mga kamay ng orasan
Sumasabay pa tong nakakabinging katahimikan
At ako? Nandito sa loob ng apat na sulok ng munti kong silid
Kabisado ko na ang bawat detalye ng kwartong ito ngunit ito parin, nagmamasid
Na para bang nasa ibang lugar ako, nangingilala, nagtataka
Tulad ng kung paanong maraming tanong ang gumagambala sa katahimikan ng sandali
Mga tanong na habang pilit kong hinahanapan ng sagot ay mas lalo lamang nagpapaalala sayo
Sayo at kung anong meron tayo… noon
Para ka rin palang kwarto ko.
Kilala kita, kabisado ko na ang takbo ng isip mo
Alam ko kung kailan ka nagsisinungaling kapag sinabi **** “okay lang ako”
Alam ko kung ano yung mga tugtuging hinahanap-hanap ng pandinig mo
Alam ko kung paano magniningning ang mga mata mo kapag nakakakita ka ng cute na aso
Alam ko dahil inalam ko, alam ko dahil ipinaalam mo, alam ko dahil ginusto kong malaman
Kilala kita, kabisado ko ang bawat tibok ng puso mo
Pero muli, para ka rin palang kwarto ko
Na kahit gaano kita kakilala at kakabisado, naguguluhan pa rin ako
Nangingilala;
Nagtataka;
Dahil kahit naging malapit ka sa akin ay tila parang napakalayo mo pa rin
At kahit gaano kita kakabisado ay hindi ko pa rin alam ang kasagutan mo sa mga  tanong na iniwan mo sa akin kasabay ng pag-alis mo sa buhay ko:

bakit.

Bakit ka pumasok sa nananahimik kong buhay para pasiglahin ito at sa huli ay iwan ako?
Bakit mo ipinadama sa akin na importante ako para lang isang araw ay ipadama na wala na kong halaga sayo?
Bakit mo ako nilapitan nang may ningning sa mapupungay **** mata at matamis na ngiti sa iyong mga labi?
Bakit mo ipinaulit-ulit ng bigkas ang pangalan ko na hanggang ngayon ay musika sa akin?
Bakit ka nagpakilala para lang sa huli ay limutin?
Bakit ka lumapit sa akin na parang isang apoy na nagbigay liwanag ngunit siya rin palang tutupok sa akin?
Bakit ka dumating sa buhay ko para lamang sa huli ay lumisan?

Ang daming bakit pero iisang bakit lang ang gusto kong sagutin mo.

Bakit mo ako iniwan ng biglaan?

At hindi naman ako tanga.
Alam ko na iba tayong dalawa.
Sabihin mo nga sa akin kung paano ko hindi bibigyan ng pansin ang sigaw ng mga kilos **** sinasabing espesyal ako?
Paano kung sabihin ko sayong pinakinggan ko ang bulong ng puso mo noong unang beses na inaya mo akong kumain sa labas?
Paano kung sabihin ko sayo na narinig ko ang pangalan ko sa pagitan ng pagpintig ng pulso mo noong inabot mo ang mga kamay ko?
Paano kung naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga biro **** nagpapahiwatig na ako ang gusto mo?
At paano kung sabihin ko sayo na nakita ko ang nakaukit na ‘mahal kita’ sa ningning ng mga mata mo sa tuwing magkasama tayo?

Hindi naman ako tanga.

Alam mo ba? Tayo ang tulang ito.

– walang pamagat

Kumbaga sa linya ng isang kanta ay “oo nga pala, hindi nga pala tayo”
Na katulad ng isang pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending
At katulad ng isang nobela, masaya man o malungkot, lahat ay nagtatapos

Sa lahat ng nobela, itong sa atin yung kuwento na hindi naisulat ngunit nagtapos
Natapos ngunit walang paalam

Kahit wala tayong pamagat, gusto kong pahalagahan ito
Dahil ito yung meron tayo.
Medyo magulo pero ito, tignan mo, naisingit ko na yung salitang “tayo”

Sayang.

Sana kumapit ka pa.

Naiisip ko pa rin gabi-gabi kung bakit ka lumayo
Patawad, naaalala pa rin kita kahit hindi ko naisin
Patawad, umaasa pa rin ako na babalik pa sa dati ang lahat
Dahil naniniwala pa rin ako na nobela tayo
At hindi pa nagtapos ang kuwento noong huling beses na humakbang ako palayo at hindi ka nagsayang ng segundo para lumingon sa direksyong tinahak ko

Naghihintay ako.

Mali pala ang pagkakagamit ko ng mga salita.

Wala pa tayong pamagat

Ngunit malay mo balang araw ay magkaroon din at habang hindi pa dumadating ang araw na iyon, ipipikit ko ang mga mata at ibubulong sa hangin na…

sana malaman mo na mahal din kita.
Kung pano tayo nahantong dito ay hindi ko alam.
Sa kung paano natuwid ang paa at sa kung pano unti unting nalagot ang yong hininga.
Hindi ko alam kung pano ko nakayang halikan ang iyong kamay habang ikaw ay nakaratay at walang malay.
Hindi ko alam kung pano ko kinayang patigilin ang luhang umaagos sa mga mata habang pinapanood kang hirap na hirap huminga.

Hindi ko alam kung ano ako ngayon habang pinagmamasdan ang pikit **** mga mata.
Hindi ko alam pano ko tatanggaping ang aking nagsilbing ama ay wala na.

Unti unting tumigil ang paggalaw ng paligid ko, sa loob ng apat na sulok ng silid mo,
Unti unti akong nabingi sa mga hagulgol ng pamilyang nagmamahal sayo,
Habang pinagmamasdan ko ang huling pagkumpas ng mga kamay mo, ang paputol putol **** paghinga, at ang unti unting paglabo ng yong mga mata.

Hinahanap hanap nang tainga ko, ang patawag mo sa pangalan ko. Ang mga pagtatampo mo kapag hindi ako dumadaan sa bahay mo. Ang pagtawag mo ng madaling araw kapag kaarawan ko. Ang mga tugtog mo. Ang pagtawa mo sa mga jokes ko. Mamimiss ko ang mga yakap mo.


Ikaw ang umakay sa musmos kong puso at nagpaliwanag kung ano ba ang buhay.
Ikaw ang kakampi sa lahat ng bagay.
Ikaw ang nagturo kung pano magbilang, at sumagot sa assignment kong 1 plus 1.

Hindi ko alam kung paano ko tatanggapin,
Na sa mga susunod na araw ika'y hindi ko na kapiling.
Kaya kung saan ka man naroroon, ito sana ay baunin,
Itay, mahal kita mula noon at sa habang panahon.
Salanat sa mga alaala, bagamat may poot mas lamang naman ang galak,
Bagamat ang iba ay lumuluha, mas madami pa rin ang tumatawa.
Salamat itay, itay paalam na.
MM Jan 2021
maingay ang mga mata,

anumang hindi kayang banggitin ng labi o ng pagkumpas ng mga kamay,

kayang iparating ng mga mata

ng mga luhang nagingilid, nagbabadya ng pagpatak

ng pagkasingkit at pagkapugto nila na tila magdamag ang hinagpis

ng pamumula na paalala ng sakit na pinipilit mang ikubli ng labi o pagkumpas ng mga kamay

ay hindi maitago ng maingay na mga mata
Triste Jun 2019
Ang pag-ibig ko
Ay katulad ng dagat
Tahimik ngunit malalim
Pero huwag kang matakot
Dahil may kalayaan ang mga alon
At may kapayapaan ang pag-agos ng panahon
Sumapit man ang dilim
Hayaang dumampi sa mga labi
Ang halik ng mga tala
At hayaang yakapin ka ng mahigpit
Sa ilalim ng liwanag ng buwan
Humimlay ka sa mga pangako ng buhangin
Masdan mo ang nagkukulay na kalangitan
Sabay sa pagkumpas ng mga kamay ng oras
Ang himig ng tibok ng mga puso
Nagniningning na mga mata
Tandaan mo na sa pagsapit ng umaga
Sa palagiang pagsikat ng araw
Nandoon at mananatili ka, ikaw,
Aking tula.
112522

Sabihin Sa'kin ang tangan **** pangamba,
Mga alinlangan o maging pagdurusa.
At sa bawat patak ng luhang walang salita’y
Ako mismo ang marahang hahagkan Sayo —

Lalapit nang kusa’t aagapay
Kahit ako mismo ang naghihingalo.
Ihipan man ng Sandali
Ang apoy **** patay-sindi
Ay hindi magmamaliw ang pagtingin ko’t pagkabighani.

At walang ibang nanaisin
Kundi masilip ang Iyong mga ngiti —
Mga ngiti **** simula’t sapul ay nakakakiliti.
Lulan ng iyong mapupungay na mga mata
Ay ligaya sa puso Kong
Tanging ikaw ang pagsinta.

Kaya maging sa pagbilad mo sa araw ay kumikinang ka—
Nag-uumapaw ang kagandahang hindi masakit sa mata.
Sa bawat pitik ay umiindak Ka
Musika ng kahapon ay nasasapawan na
Ngunit ang sining Sayong mukha’y
Namumutawi pa rin sa pagningning.

Ikaw ata ay Bituin
At maging sa umaga’y kumikislap pa rin.
Ligaya ang makapiling Ka
Lalo pa’t ako ang napiling maging Katipan.
Ngunit sa pagkumpas nang paulit-ulit
Ng kamay ng orasan,
Paminsan ay ayaw ko nang lisanin
Ang larawan ng nakaraan.

Unti-unti akong namumulat
Buhat sa pananaginip ng gising.
Pira-pirasong alaala’y
Kusa na namang nababahiran ng dilim —
Dilim sa paningin,
Dilim na walang katapusan ang mithiin.

— The End —