Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tumibok ang puso ko
Hindi dahil sa may hinihinga pa
Ngunit bunsod sa kaba.

Tumayo ako't humakbang
Narating ko ang entablado;
Hindi ko lubos maisip
Na ito na ang pangalawang beses
Na tutuntong ako't haharap sa madla.

Isang pribilehiyo
Salamat sa grasya ng Panginoon.

Panimula ko'y winaksi na sa isipan
Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya
Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.

Ang buhay ko'y minsang naging sakal
Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan
Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika
At tinawag na nasasakdal.

Isarado natin sa siyam na taon
Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman
Na tanging sariling latay ang nasasaksihan
Kilala ko Siya na may lalang sa akin
Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya:
Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya
Ngunit 'pag ayos ang lahat,
Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.

Sa siyam na taon
Ako'y binahiran ng itim na blusa
Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas;
Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao
At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.

Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama
At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon
Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan
At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y
Sunod lamang sa mas rurok
Ng saktong timpla ng pagmamahal.

Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita
Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel
At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.

Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya
Na kayang akayin ang buo kong pagkatao
At buburahin ang kamalian ng nakaraan
At maging ng ngayon at ng bukas.

Hindi ko alam kung saan paparoon
Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon
Ang puso'y mali rin ang naging direksyon
Maling galaw at mali ang naging layon.

Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona
Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga
Maraming organisasyon ang kinabilangan
Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas
At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.

Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao
At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma
Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas
Na ang minsang batong sinantabi't itinapon
Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.

Hindi pala ako magiging masaya
Kung ang sentro ko'y ang aking sarili
At nang ako'y palayain Niya,
Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao
Na nakilala ko ang sarili --
Kung sino ako't kung para kanino.

Wala na akong mahihiling pa
Mahirap man sa sansinukob na ito'y
Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.

Hindi ko kinalilimutan ang mundo
Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin
Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli
At hindi sapat na sumuko lamang
Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.

Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat
May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising
Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman
Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.

Muli, hindi ko kayang mag-isa --
Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay
Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa
Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon;
Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama
At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y
Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.

(6/28/14 @xirlleelang)
Crissel Famorcan Oct 2017
Lumaki ako sa paniniwalang ang buhay ay isang kompetisyon,
Na dapat angat ka sa lahat sa anumang sitwasyon  
At sa anumang pagkakataon
Pagkat yun ang sukatan ng tinatawag na tagumpay
Isang bagay na hindi naman sa iyo habangbuhay
Pinalaki ako sa paniniwalang masama ang magkamali
Sa paniniwalang Hindi lahat ng  bagay dapat minamadali
Kaya magpahanggang ngayon ang mundong ginagalawan ko
Malaki ang pagkakaiba sa mundong mayroon kayo
Pagkat nabubuhay ako sa takot
Takot sa pagkakamaling maari Kong magawa
Takot na baka isang araw, mahila ako pababa
Takot na isang araw,  lahat ng meron ako,  Bigla na lang mawala
Na baka isang araw, magising na lang akong nakatulala
Hindi ko na alam ang gagawin  
Lakbayin ko ba'y makakaya ko pang tapusin?
Sa labing anim na taon ng aking  pamumuhay
Ang pinakamahirap kong ginawa: sa mundo'y makibagay
Pagkat sa bawat pagbabagong aking  nasasaksihan  
Kaakibat ang panibagong bigat sa kalooban  
Dahil takot akong bitiwan ang nakasanayang paniniwala
At ang takot na'to ang nagsisilbi kong tanikala
Tanikalang pumipigil sa aking paglago
At sa pag-angat ko'y pilit na nagpapahinto.
Alam kong balang araw,darating ang oras Mahahanap ko ang natatanging lunas
Para sa nagtatagong takot sa loob ko
At darating ang araw na makakalag ko rin ang tanikalang 'to!
Nagtago ang mga parilya sa kalupaan
Habang sila'y kusang nagpahimlay sa pagsisilbing lakas t tuntungan
Siguro, naisip din nilang ayos lang mapasailalim
Kung ito nama'y marangal at bubuo sa bukas at ngayon.

Habang sila'y sama-samang ipinagbibigkis
Ay mas lalo silang nakatatamo ng sugat mula sa isa't isa
Hindi nila ininda ang dumi o kahit na ang agos
Na posibleng yumurak sa kanilang mga pagkatao.

Sa aking pagtingala mula sa pagkasisid sa kalaliman ng kanilang mga adhikain
Ay nasasaksihan ko ang pag-usad ng mas matitibay pang haligi
Na dito sa ating baya'y may iilan ding tunay na tatayo
At nanaising maging tuntungan ng iba para sa higit na pagsulyap sa araw
Sila'y kapit-bisig sa pag-aalay ng dugo't pawis
Para sa ikuunlad ng kabuuan.

At unti-unting mahuhulog na tila nagkakalansingang mga barya
Ang mga may buo ang loob.
At sa pagbibilang ko ng mga araw ay walang pakundangan silang magiging isa
At malilimot na rin ng iilan na minsan, sila'y may pagkakaiba --
Na minsan, sila'y pinulot at hinugasan
At ngayon sila'y nagbago mula sa pagiging kupas na larawan.
Caryl Maluping Sep 2023
Sa panibagong yugto
may giyera ng dugo

Mga sigaw sa kaparangan
ikinubli sa kalasag ng karahasan

Kung ang tanglaw ng sulo'y ninanais ang digmaan
sigalot sa diwa'y hinahabing marahan

Titiisin ng talampakan ang init ng apoy
babatakin ng putik, lulubog sa kumunoy

Hanggang kailan titiisin ang hilahil ng tadhana?
pagal na ang mga paa't tuyo na ang mga luha

Kung ang dahas ng dapit-hapo'y patuloy na nasasaksihan
liwayway ng bukas, kailan kaya masisilayan?
This was inspired by the poem of General Antonio Luna in the 2015 film Heneral Luna
Vincent Liberato Feb 2019
Nagtawag siya ng isang espiritista
at mananalangin
na magbuburda sa bawat hibla
ng kamalayan na patuloy na binuburda
ng sugat at sakit, habang patuloy na ginigising
ang matagal na pagkakahikbi at pagkakatulog sa mga hungkag
na mangangarap.

Dali't daling sumulat ng dagli,
sa bawat pagtagaktak ng mga luhang
umaagos sa sigaw ng mga birhen at santo
na siyang nananalangin sa ikalilinis
ng tahanan laban sa mga naghuhudas
na diyablo, na itinataya ang gabi
para mag-anyong tao sa kahit sino.

Bago sumapit ang gabi.
Sa takipsilim, limang minuto,
bago paparating ang isang duyog
na magwawakas sa hindi maaaring wakasan,
kagaya ng pagtalikod at pagpikit,
na hindi maaaring maisara ng mga mata.

Magpapakarahas sa pagsigaw
at mananabla ng labing-anim na milyong mananampalataya,
ang isang estadista na kung yumapak ay walang-puknat
na magliliyab ang sahig, kung saan nakalibing
ang hindi mabilang ng mga daliri, pagkaraan ng walang
nagdaan sa pagkalimot sa kanila.

Sa gilid-gilid ng eskinita,
matatagpuan ang mga kawalang-malay
na pugot na ulo na hiniling ng mga mananampalataya,
sa isang dyini at ipinagkaloob sa kanila ito, ipinagkaloob, ngayon ay tumatanggi kung kailan naparirito ang hiling.

Ngayon ay malilinis na ang pinakamaruming
hindi nasasaksihan ng mga mata sa tahanan, pagkatapos
ipanglagas ang kaluluwa.

Sa huli, walang bumabalagkas ng daan, na sumasalamin,
pagkatapos manalamin. Sa kabila ng napakaraming salamin.

— The End —