Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Donward Bughaw Apr 2019
Sino ka para limitahan ako
sa making kalayaan sa murang edad
na kung tutuusin ay
batbat pa ng pakikipagsapalaran?
Maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.

Sino ka?
Sino ka, at naisipang unti-unting kitlan ako ng buhay;
Akong sinasabing
'pag-asa ng' inyong 'bayan'
ngayon ba'y magiging
kalaban ng estado't pamahalaan,
nang batas ng taong
tutugis at pipiit sa akin
sa loob ng kulungang nakahandang pumatay
ng kinabukasan?
Ako dapat ay malaya,
malayang maglaro ng tumbang preso,
tagu-taguan, syatong at bahay kubo
sa bakuran ni Tagean-Tallano;
unawaing ang buhay ay hindi lamang basta dekorasyon
at mapagtanto ang kabuluhan
na sa pagkakadapa'y matutong bumangon,
ang mali at itama
at ituwid ang baliko;
Na kaakibat ng mabuhay ang panalo at pagkatalo.
Ang tulang ito ay base sa isyung pagbaba ng edad ng liyabilidad mula 15 hanggang 9 na taong gulang.
Tocz Laurenio Feb 2020
dilaw na dyaket ang suot mo noon
habang ako ay nananahimik
hindi makaimik
at pinagmamasdan ang bawat sinag ng dapithapon
na sinasala ng kinulayang bintana
kung saan ay sa aking mga mata na ngayon lamang nakakita ng ganda ay biglang napatunganga

dilaw na dyaket ang suot mo noon
at ang unang naitala
sa listahan ng mga napuna ng aking mga mata at biglang napatunganga na nga

nang dahil sa bawat tupi ng manggas
at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket **** naisipang ipakita sa silid ng mga kaluluwa

mga kaluluwang akala ko ay mabibigyan kong buong pansin ngunit heto, napatitig na rin

ako'y napatitig na rin

napatitig sa dilaw na dyaket mo
at hindi ko mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket **** nakabalabal sa iyong kay liit na katawan ay humihila pababa sa iyong mga balikat
nakakibit
hindi man lang kayang mapaakyat ang iyong pagpapakalálo
napapaliit
ang tikas ng iyong pagkatao

hindi ko rin mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket mo ay para bang napabalabal na rin sa akin
at mula noon, ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng aking puso ay handa nang aminin na ikaw ay naging isang

anghel

ang dilaw na dyaket mo ay naging iyong halo
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa nito ay naging mga pakpak mo at ikaw ay naging isang

anghel

ika'y naging
anghel sa aking isipan
marikit na imahe sa aking kaloob-looban
munting sigaw sa buong kalawakan
o, munting anghel ko, nais ko na sanang isigaw:
nakikita mo ba?
nakikita mo ba kung paano kita nakikita?
nakikita mo ba kung paano kita sinasamba?
nakikita mo ba kung paano kita sinisinta?

oo, sinisinta, dahil
munting anghel ko, o, mahal kita
mahal kita, o, munting anghel ko

mahal kita
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng iyong pagkatao
mahal kita
at ayaw kong manatili ka lamang sa isipan ko
mahal kita
at nais kong ako ang magpabalabal sa iyong puso
at nais kong ako ay maging iyo

at nais kong mahalin mo rin ako

ngunit, o, munting anghel ko, natakot ako
natakot ako na
kung ilalahad ko ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay huhusgahan mo ako
kung hayaan kong buksan mo ang aking mga pinto
ay matatakot ka nang makita mo ang nilalaman nito
kung ipakita ko sa iyo ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay magugulat ka at lilisanin mo ako

kaya heto, ang munting anghel ko ay nanatili sa isipan lamang
ang marikit na imahe ko ay nanirahan sa kaloob-looban lamang

ang munting sigaw ko ay naging bulong lamang
isang bulong na nagsasabing:
o, munting anghel ko, mahal kita,
o, munting anghel ko, pangarap kita,
ngunit, o, munting anghel ko, natatakot akong sa piling mo'y ako'y madulas
at tuluyang mawala ka.

maroon na dyaket ang suot mo kanina
noong ako ay naarawan ng sikat ng umaga
at ng tawa ng ilang mga kahalubilo't kasama
at naroon sa gitna ng aking sariling mga tawa ay nakita kita
ngunit may kasamang iba

at siya'y ika'y inakbayan
at ika'y siya'y nginitian
at ako'y napaisip nang biglaan
kayo ba?
kayo ba?
kayo ba?

napakwento ang kaibigan ko:
alam mo ba,
ganun na nga
sila na
magdadalawang-linggo na.

hindi naman sa nasaktan ako
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa napatigil bigla ang tibok ng puso ko
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa nadurog ako nang mapansin ko na ang sukat ng maroon na dyaket mo ay mas sakto sa iyo at hindi niya nahihila pababa ang iyong buong pagkatao at siguro ito ay dahil siya ang kasama mo at hindi ako kaya para bang siya na ang nakabalabal sa iyong puso at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng kaniyang puso ay napaibig na sa iyo—

pero parang ganoon na nga.

ganoon na nga
dahil kayo na nga

kayo na
kayo na
kayo na.

ganoon na nga
dahil siya ang kasama mo

hindi ako
hindi ako
hindi ako.

siguro kung hindi ako natakot

siguro kung hindi ako natakot na ilahad ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay hindi ka na mananatili lamang sa isipan ko

siguro kung hindi ako natakot na hayaang buksan mo ang aking mga pinto
ay mapapabalabal ko na ang iyong puso

siguro kung hindi ako natakot na ipakita ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay ako na'y magiging iyo

siguro kung hindi ako natakot na madulas sa piling mo
ay mamahalin mo na rin ako

ngunit ayan na nga, o, munting anghel ko, natakot ako
at ayan na nga, o, munting anghel ko,
lahat ng ito ay hindi ko na nasabi sa iyo
at ayan na nga, o, munting anghel ko,

baka tuluyan nang mawala ang dilaw na dyaket mo sa buhay ko

maroon na dyaket na ang suot mo
ngunit ang dilaw na dyaket mo pa rin ang nakatatak sa isipan ko
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket mo ay nakabalabal pa rin sa aking puso

aking puso na nadurog, at patuloy na nadudurog hanggang ngayon
nang dahil sa dilaw na dyaket na suot mo noon

dahil sa dilaw na dyaket na suot na ng iba ngayon
Filipino translation: "Yellow Jacket". A Filipino spoken word poem.
Taltoy Apr 2017
Nandito't nag-iisip,
Dinadama ang hanging umiihip,
Pinagngingilayan tong mga saloobin,
Mga saloobing di sinabi't inangkin.

Pagkat ayaw ko nang mabigo,
Makaramdam ng mga panibugho,
Kahit alam kong di pa 'to ang katapusan,
Ayaw ko na sa kalungkutan.

Ngunit di ko naman hawak ang lahat,
Walang kapangyarihan, di sapat,
Kaya makukuntento na lamang,
Pagkat ako'y mayroon ring pagkukulang.

Kaya heto't nagbabakasakali na lamang,
Sa mga pagkakataong minsan minsan lang,
Upang masabi ko ito sa iyo,
Ang tunay at tanging nais ko.

Nais ko na malaman mo,
Kasama ang tunay na katapatan ko,
Na ika'y mahal ko na,
Huwag ka sanang mabibigla.

Pagkat ito ang katotohanan,
Pagkat ito ang aking nararamdaman,
Ngunit alam ko naman ang tama,
Kaya naisipang naisin at hindi ipakita.
Because I'm a Filipino.
Jed Roen Roncal Jan 2021
Ako'y nagsusulat ng librong lahat ay patungkol sa kasakitan
Mga pinagdaanang puro kapaitan
Mga alaalang pilit mang kalimutan
Hindi magawa gawa dahil nakatatak na sa aking kaisipan

Kaya naisipang isulat nalang at gawing topiko
Mga karanasang balak gawing libro
Bawat kabanata sa buhay kong hindi ko alam kung wasto
Ngunit lahat ng ito'y isusulat ko

Sinusubukang ibahin ang bawat kabanata
Ngunit tila lahat ng ito'y kusang naitugma
Mga pangyayari sa'king buhay na gustong iwasto
Sana balang araw ito ay maitama ko

Ngunit isang araw kapalaran ko ay tila nagbago
May nakilalang tao na dahil sakanya ay gusto kong magbago
Kadiliman sa aking isipan na kanyang binigyang ilaw
Buhay ko'y kanyang binigyan ulit ng saysay at linaw

Bagong kabanatang sana'y kasama ka
Librong sinusulat dahil sayo ay nag-iba
Mga kabanatang nagdaang kay pait
Kasiyahan kasama ka ay gustong ipalit

Bagong kabanatang gusto kang makasama hanggang sa pagtanda
Makalimutan man ang librong naisulat na
Hinding hindi ang rason kung bakit nagbago ang paksa
Ngayon, ikaw lang ang gustong makasama sa lahat ng bagong kabanata na aking isusulat pa.
LARA Mar 2019
Walong letra
Ang epekto ay sobra
Kasama sa lungkot at saya
Tinuring na pangalwang pamilya

Laging nandyan
Sa panahon ng pangangailangan
Hindi kailanman nakalimot
Kahit may pinagdaanang masalimuot

Ngayon sila'y malayo
Saan na nga ba tutungo
Kanino lalapit pag naisipang sumuko
Kaibigan, bumalik kana wag kanang lumayo
Mga boses sa kaniyang isipan
Kailan kaya mauubusan?
ng lakas loob upang manira
hindi lamang ng sarili pati iba
pilit na pagpapakinis
upang tuluyang matanggap ng iba
kailanma'y di ka naging normal
produkto nang di kanais nais na mga ganap

kailan kaya naisipang sumuko?
at ngayo'y di na tumigil sa paghinto
at pagpatay ng bawat kasiyahang natitira sa iyong puso
ang wirdo mo

bakit di ka maging kagaya nila?
bakit di mo baguhin kung sino ka?
patayin ang sariling pagkatao para matanggap ng iba
walang pinagkaiba
nagiging kagaya ka na nila

ngayon, alam mo pa ba kung sino ka?
sa dinarami rami ng kasinungalingang iniluwa
mga pader na itinayo't ngayo'y pilit tinatago
natatakot na baka sakaling di na sila matuwa
na tumigil ang atensyong pinaghirapang makuha
matapos ay sasabihin nilang
"nag-iba ka na"
Filipino People pleaser lost nawawala people-pleasing bad habits

— The End —