Sa t’wing sasapit ang sariwang umaga
Ang himig mo ang aming ninanais marinig
Hinihintay ang hagkan sa umaalpas na luha
Nagsusumamong mahaplos pagod na tinig
Inang Bayan, paumanhin sa aming sinapit
Bagamat nakatakas noon sa pagkakatali
Panibagong gapos ang mahigpit na pumilipit
Ngayon nga’y ang lahat ay muling nahahati
Kaya sa iyong kaarawan, maaari bang ika’y humiling?
Kaayusan ng bayan, nawa’y makamtan namin
Daop-palad, kami’y paglapitin at pagbatiin
Gulo sa bawat puso’t isipan, sana’y pawiin
Katulad ng kahapon, ang dilim ay matatapos
Bukang-liwayway ay muling masisilayan
Ganoon din sana, ang tunay na kalayaan—
Muling masisilayan.