Nangungusap ang mga mata
Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita
Walang kuwit, walang tuldok
Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo,
Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.
Nababalot tayo ng hiwaga
At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong
Sinulsi ng kirot ng kahapon.
Lumipas na --
Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga
Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.
Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba
Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon.
Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit?
Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure.
Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam
Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?
Umiiwas tayo sa hanging mapanakit
Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na.
Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula
Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.
Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y
Pipiliin nating tumayo pa rin
Bitbit ang ating mga bandila
At kahit pa sa ating pananahimik
Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin
At mas magliliwanag pa ang mga ito.
Ang mga makakapal na ulap
Ay makakaya na nating hawiin
At magsisilbi itong palatandaan
Na tayo'y hindi magpapalupig
Sa dikta ng tadhana at panahon.
Pipiliin pa rin nating maging tama
At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan
Ay magsisilbing pabaon natin
Sa kinabukasang henerasyon.
Kaya ko, kaya mo --
Kakayanin natin,
Kaya natin, kasama ang Panginoon!