Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Michael Joseph Nov 2018
Sa tag-init tayo nagkatagpo dala ang uhaw
nais mapawi ang pagkatuyot sa tag-araw
mga lalamunang di nadadaluyan
hanap ay tubig, mga umiibig sa lamig
sa daloy ng awit ng mga Ipil
at sa mga aalalang nabuo
sa bawat paglagok, sa bawat isa
mga alaalang nabuo sa tag-araw.

alaala pa ang pagpalakpak ng mga dahon
minsan lang masiyahan sa pagpapalit-panaog
ng tag-araw at tag-ulan
panga-pangakong binuo sa ilalim ng araw
pinagdarasal ng mga kahapon
di pa rin nalilimot,
mga tuyong ugat ng mga pusong sawi
sa pag-ibig na tubig sa tag-init
minsan lang magkaniig

dahil ikaw at ako ay minsan ng nanirahan dito
bumuo ng mga alaaalang impit na itinago
sa ilalim ng mga punong saksi sa mga uhaw na puso,
sa marahang pag-indayog ng mga dahong maririkit
sa bawat pag-ihip ng hanging mainit
sa katawang binalot ng mga sala
at sa bawat pagbabalik sa alaala
ikaw pa rin ang tanging nakikita
sa bawat paglampas ng liwanag
sa maririkit na butas ng kahapong
sa ilalim ng ipil nakatago

Heto na naman ang tag-init
hudyat ay muling pag-udyok
sa uhaw na pusong may pangangailangan
tuyot ang daloy sa bawat paghinga
sa bawat pag-ihip  kulang ang haplos
bawat hagod ay paos.


Alaala ka sa mga sinag ng araw
umaalpas sa mga dahon ng ipil
mga hapong napawi ang init ng tag-araw
nakakulong pa rin sa mga alaala
sa ilalim ng punong puno ng pagmamahal
sa kahapon at ako na di pa rin nagsasawa

sa ilalim ng mga Ipil
maghihintay sayo

Sa Ilalim ng mga Ipil
Michael Joseph Aguilar Tapit

04/11/2016
dalampasigan08 Jun 2015
Ikalawang Kurap

Tinatahak ko ng marahan ang isang makinang na landas sa gitna ng mga taong alam kong nananalig din.
Hinihila ko ng pilit ang dalawang talampakang hindi dumarampi sa sahig na katulad ko’y nakatingala din sa langit.
Ang aking mga palad ay magkaniig at ang mga daliri’y kayakap ang isa’t isa.
Naiibsan ang sakit ng aking mga sugat ng nalalanghap kong halimuyak mula sa mga puting bulaklak sa paligid.
Tila piraso ng langit ang dambanang ito na kung saan sinasabing tutuparin ang lahat ng mga kahilingan mo
at papawiin ang lahat ng sakit at paghihirap na dinaranas ng kahit na sino.
Sa lugar na ito nakalilimutan ko ang lahat ng hapdi at pagod na nararanasan ko araw-araw
para bang unti-unti niyang hinuhugasan ang buo kong katawan
at binibigyan ako ng bagong lakas at pag-asang harapin ang isang bagong bukang liwayway.
Habang nananalangin ay napansin ko ang mga matang natuon sa’kin
nagmamasid - tila kunot noong nagtatanong kung bakit ang basahang tulad ko na tinalikuran ng lipunan at inaring kanlungan ang lansangan ay naririto’t naninikluhod sa harap ng dalanginan.
Alam kong ako’y kanilang napupuna ngunit sila’y bulag.
Niyayanig ng aking mga dasal ang buong simbahan ngunit sila’y bingi.

May kung sinong hindi ko naaninag ang umakay sa’kin patungo’t papalapit sa dambanang ginigiliw.
sa bawat hakbang ay bigla kong naalala ang lahat ng pagdurusa
at nasambit ang "salamat sa lahat ng pag-asa."
Nilingon ko ang larawan ng madlang dukha’t kaawa
ngumiti at binitiwan ang aking huling hininga.
Eloisa Oct 2019
Hawak-kamay, sabay na tinahak ang makinang na dalampasigan
Patuloy sa paghakbang at paghila sa animo'y hindi dumarampi sa buhanging mga talampakan
Mga palad na magkayakap, mga daliring magkaniig
Dalawang pares ng matang nakangiti na ayaw bumitiw sa pagtitig
Kasabay ng umaawit at mabining pagaspas ng alon
Sumakay sa bangka patungo sa paraiso'y masayang sumagwan
Subalit sa masayang paglalakbay ay may humulagpos na unos
Paligid ay nilamon ng dilim, dumaan sa langit ang kislap ng talim
Bangkang sabay na sinasagwan, tumaob at tinangay ng agos
Sa gitna ng laot, sabay ding nilamon ng dagat at sa ilalim bumulusok
Patuloy ang delubyong pilit na pinaghihiwalay ang magkahugpong na kamay
Pilit pa ring lumangoy at magkasamang sumampa sa bangkang gutay-gutay
Niyakap nang mahigpit ang kilalang bisig kahit nakapikit
Hindi man mapigil ang higanteng alon at malakas na buhos ng ulan
Nangangatal, nangangalay man ay hindi huminto sa pagsagwan
Muntik mang malunod sa sigalot na mainam na nakaungos
Kumalma ang dagat, natawid ng gabi ang umaga sa gitna ng digma at unos
Mula sa dalampasigan, sa laot at sa dulo ng mga puso
Mamamayani ang pag-ibig sa malawak at mapanghamong mundo
~ I hope to translate this piece to English.

— The End —