Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tocz Laurenio Feb 2020
dilaw na dyaket ang suot mo noon
habang ako ay nananahimik
hindi makaimik
at pinagmamasdan ang bawat sinag ng dapithapon
na sinasala ng kinulayang bintana
kung saan ay sa aking mga mata na ngayon lamang nakakita ng ganda ay biglang napatunganga

dilaw na dyaket ang suot mo noon
at ang unang naitala
sa listahan ng mga napuna ng aking mga mata at biglang napatunganga na nga

nang dahil sa bawat tupi ng manggas
at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket **** naisipang ipakita sa silid ng mga kaluluwa

mga kaluluwang akala ko ay mabibigyan kong buong pansin ngunit heto, napatitig na rin

ako'y napatitig na rin

napatitig sa dilaw na dyaket mo
at hindi ko mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket **** nakabalabal sa iyong kay liit na katawan ay humihila pababa sa iyong mga balikat
nakakibit
hindi man lang kayang mapaakyat ang iyong pagpapakalálo
napapaliit
ang tikas ng iyong pagkatao

hindi ko rin mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket mo ay para bang napabalabal na rin sa akin
at mula noon, ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng aking puso ay handa nang aminin na ikaw ay naging isang

anghel

ang dilaw na dyaket mo ay naging iyong halo
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa nito ay naging mga pakpak mo at ikaw ay naging isang

anghel

ika'y naging
anghel sa aking isipan
marikit na imahe sa aking kaloob-looban
munting sigaw sa buong kalawakan
o, munting anghel ko, nais ko na sanang isigaw:
nakikita mo ba?
nakikita mo ba kung paano kita nakikita?
nakikita mo ba kung paano kita sinasamba?
nakikita mo ba kung paano kita sinisinta?

oo, sinisinta, dahil
munting anghel ko, o, mahal kita
mahal kita, o, munting anghel ko

mahal kita
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng iyong pagkatao
mahal kita
at ayaw kong manatili ka lamang sa isipan ko
mahal kita
at nais kong ako ang magpabalabal sa iyong puso
at nais kong ako ay maging iyo

at nais kong mahalin mo rin ako

ngunit, o, munting anghel ko, natakot ako
natakot ako na
kung ilalahad ko ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay huhusgahan mo ako
kung hayaan kong buksan mo ang aking mga pinto
ay matatakot ka nang makita mo ang nilalaman nito
kung ipakita ko sa iyo ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay magugulat ka at lilisanin mo ako

kaya heto, ang munting anghel ko ay nanatili sa isipan lamang
ang marikit na imahe ko ay nanirahan sa kaloob-looban lamang

ang munting sigaw ko ay naging bulong lamang
isang bulong na nagsasabing:
o, munting anghel ko, mahal kita,
o, munting anghel ko, pangarap kita,
ngunit, o, munting anghel ko, natatakot akong sa piling mo'y ako'y madulas
at tuluyang mawala ka.

maroon na dyaket ang suot mo kanina
noong ako ay naarawan ng sikat ng umaga
at ng tawa ng ilang mga kahalubilo't kasama
at naroon sa gitna ng aking sariling mga tawa ay nakita kita
ngunit may kasamang iba

at siya'y ika'y inakbayan
at ika'y siya'y nginitian
at ako'y napaisip nang biglaan
kayo ba?
kayo ba?
kayo ba?

napakwento ang kaibigan ko:
alam mo ba,
ganun na nga
sila na
magdadalawang-linggo na.

hindi naman sa nasaktan ako
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa napatigil bigla ang tibok ng puso ko
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa nadurog ako nang mapansin ko na ang sukat ng maroon na dyaket mo ay mas sakto sa iyo at hindi niya nahihila pababa ang iyong buong pagkatao at siguro ito ay dahil siya ang kasama mo at hindi ako kaya para bang siya na ang nakabalabal sa iyong puso at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng kaniyang puso ay napaibig na sa iyo—

pero parang ganoon na nga.

ganoon na nga
dahil kayo na nga

kayo na
kayo na
kayo na.

ganoon na nga
dahil siya ang kasama mo

hindi ako
hindi ako
hindi ako.

siguro kung hindi ako natakot

siguro kung hindi ako natakot na ilahad ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay hindi ka na mananatili lamang sa isipan ko

siguro kung hindi ako natakot na hayaang buksan mo ang aking mga pinto
ay mapapabalabal ko na ang iyong puso

siguro kung hindi ako natakot na ipakita ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay ako na'y magiging iyo

siguro kung hindi ako natakot na madulas sa piling mo
ay mamahalin mo na rin ako

ngunit ayan na nga, o, munting anghel ko, natakot ako
at ayan na nga, o, munting anghel ko,
lahat ng ito ay hindi ko na nasabi sa iyo
at ayan na nga, o, munting anghel ko,

baka tuluyan nang mawala ang dilaw na dyaket mo sa buhay ko

maroon na dyaket na ang suot mo
ngunit ang dilaw na dyaket mo pa rin ang nakatatak sa isipan ko
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket mo ay nakabalabal pa rin sa aking puso

aking puso na nadurog, at patuloy na nadudurog hanggang ngayon
nang dahil sa dilaw na dyaket na suot mo noon

dahil sa dilaw na dyaket na suot na ng iba ngayon
Filipino translation: "Yellow Jacket". A Filipino spoken word poem.
Steph Dionisio Jul 2014
Padre de pamilya kung ika'y tawagin,
sa amin ika'y laging nagbibigay pansin.
Pangaral dito, payo doon;
minsan pa nga'y nagbibigay leksyon.

Ang buhay mo'y lubos na pinagpala,
'di lamang sa dahilang buhay mo ay mahaba,
ngunit dahil ika'y nakakilala sa Maykapal;
buhay mo ngayo'y puno ng dasal.

Ilang beses mang mapagkamalan na ika'y aking lolo,
hindi mahihiyang sabihin, "Hindi ah, Daddy ko 'to!"
Dahil kung uulitin ang aking buhay,
ako'y 'di magdadalawang-isip, ikaw pa rin ang pipiliin kong tatay.

Aking dalangin sa Maykapal,
buhay mo pa'y dugtungan at hindi mapagal.
Sa iyong pagtanda,
'di magsasawang sayo'y mag-aruga.

Ngayong araw ng mga tatay,
nais kong sabihin, "Pagmamahal namin sayo'y walang humpay;
halaga mo sa ami'y 'di mababawasan,
ni hindi matutumbasan ng kahit anuman."
Ceryn Sep 2019
Pag-ibig ang naging sanhi
Ng mga luhang dala ng sakit
At pagkawasak ng pusong
Matagal na iningatan,
Sa isang iglap ay muling nasaktan.

Pag-ibig ang naging dahilan
Ng labis na pangamba ng pusong luhaan
Kung kaya't inakalang 'di na magmamahal
Ngunit muli ay aking napatunayan
Pag-ibig muli ang nagbigay-daan.

Pag-ibig, hinanap ko kahit saan
Tiwala, ibinigay ngunit hindi man lang nasuklian
Hindi mawari kung bakit lagi na lang
Ang sabi nila'y pag-ibig ang sagot sa pusong nalulumbay
Pero bakit di masumpungan, ano ba ang aking taglay?

Pag-ibig na hindi ko naisip na darating pa
Isang araw ng ika'y aking makilala
Pinilit kong ipinid ang pusong takot na
Nagmatigas man ang puso, pero sa hindi inaakala
Isip na ang nagpasya na pagbigyan pa
Pag-ibig, hindi ko alam na nariyan ka na pala.

Alam kong mahirap hulihin ang puso
Lalo pa't ito'y nababalot na ng galit at takot
Ngunit hindi mo pinansin ang lahat ng ito
Ipinagpatuloy pa rin dahil mukhang alam na alam mo
Na ikaw ay para sa'kin, at ako'y para sa'yo.

Natakot akong mahalin ka dahil ilang beses nang lumuha
At nangako sa sarili na hindi na ito mauulit pa
Ang muli pang masaktan ay 'di na makakaya
Ngunit ang sabi mo nga ay ibang iba ka
Kung kaya't pinagbigyan ang iyong pusong umaasa.

Tinanggap ko ang pag-ibig na iyong inialay
Hinayaan kong ang ating mga damdami'y magkapalagay
Binuksang muli ang puso kahit alam kong may takot pa
Pinili kong papasukin ka dahil aking nakita
Sa iyong mga mata ay may pagtingin na kakaiba.

Pag-ibig, hindi ko alam kung kailan ako naging handa
Pero para sa iyo, nagpasya akong muling maging malaya
Mula sa mapait na nakaraan na siyang bumalakid
Ngayo'y natagpuan ka, at muli kong nabatid
Kung paanong maging masaya sa piling ng isang tunay na umiibig.

Salamat, dahil nariyan ka na.
Salamat, dahil sinagip mo ang pusong wasak na wasak na.
Salamat, dahil muli kong nadama ang tunay na pagmamahal.
Salamat, dahil naramdaman kong ako'y mahalaga pa.
Salamat, dahil natuklasan kong maaari pa akong lumigaya.

Pag-ibig, kaya na kitang ibigay muli
Sa isang espesyal na tao na sa aki'y muling nagpangiti
Pag-ibig na buo, tapat, wagas at dalisay
Isusukli sa pusong nagmamahal sa akin ng tunay
Hindi magdadalawang-isip na ibigay ang buong puso
Sa taong minahal at tinanggap kung sino ako.

Pag-ibig, kaysarap **** madama
Lalo pa't ramdam kong ayaw ko nang umibig pa sa iba
Natagpuan na ang taong nais kong makasama
Hanggang sa pinakahuli kong hininga
Na hiram sa Diyos na sa atin ay  lumikha.

Tayo ang laman ng kwento ng Maykapal
Pinagtagpo upang maging patunay na may totoong pagmamahal
Pinaranas man sa atin noon ang sakit na dulot ng pag-ibig
Ang nakaraan ay hindi na muling manunumbalik
Dahil sa isa't isa, pag-ibig lang ang mamumutawi.

Pag-ibig, ikaw, ako at ang Diyos
Sa atin iikot ang kwento hanggang matapos
Sa piling ng Maykapal, kamay ko'y hawakan lang
Hindi ako bibitaw hanggang sa dulo ng walang hanggan
Sa'yo lang ang pag-ibig ko, sa'yo lang, aking mahal.
ISAGANI Mar 2019
Kung ang gabi'y magiging tao mananatili siya sa sulok at aantayin ang iyong paglapit

Siya yung tipo ng taong sa tuwing kakausapin mo'y tititigan ka lamang at hindi iimik

Hahayaan ka niyang magsalita hanggang mamaluktot ang iyong dila ngunit katahimikan lamang ang mabibigay niyang kapalit

Hahawakan niya ang iyong palad at ang buhok mo'y kanyang hahaplusin

Pero hindi mo siya kailanman pwedeng mahalin

Hindi siya magsasawang makinig sa bawat hinaing at sinisigaw ng iyong damdamin

Dahil alam niyang iyon ang nais **** kanyang gawin

Paminsan minsa'y makikitan mo siyang ngumiti

Paminsan minsa'y may kasamang butil ng luha ang pagkurba ng kanyang labi

Hindi siya magsasalita

Hahayan niyang ikaw ang magsabi ng dapat niyang maramdaman

Hahayaan niyang siya'y iyong husgahan

Hindi siya kikibo at hindi siya magrereklamo

Hahayaan niyang ikaw ang magsabi kung alin ang totoo

Siya yung tipo ng tao na lahat ay kaya niyang gawin

Basta't para sayo hindi siya magdadalawang isip ihain

Wala man siyang makuha pabalik

Ang nais lang niya'y ngumiti ka at hindi na muling maligaw

Sa tuwing pupunta ka kay araw
corporal Dec 2019
Nakakatawa isipin na sinubukan natin mangahas sa maiksing oras,
tumaya sa natatanaw na dulo,
at maniwala sa pangitain ng bukas.
Pero, Mahal, hahayaan ko na ang mundo
at pagbibigyan itong manalo.

Bulsa ang sagot sa mga tanong na walang katiyakan kung saan aabot.
Kabilang ang mga gusot na sa panaginip na lang maitutuwid.
Sa panaginip, sa tabi mo gigising.
Sa paggising, ibubulong na lang ang hiling.

Dahil kahit ulit-ulit natin ang lahat,
baliktarin man ang aking unan,
sagutin man ang mga natitirang palaisipan,
at kahit manatili man saglit,
hindi magdadalawang-isip na dayain tayo ng langit.

Ngunit, kung sakaling malinlang ko ang taas
magsisimula muli ta'yo sa bagong espasyo na
ta'yong dalawa lamang ang huhulma ng bukas.
Kung saan walang pwersang hihila.
Kung saan, Mahal, katabi ka paggising tuwing umaga.
Ibabaon na lang ang mga natitirang labis

— The End —