Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
I. Katunggali

Pauulanan ko ng tingga at pagkayari ay
magbubungkal ng lupa sa kaloob-looban
    ng katawan – iyong libingang yungib

at doon ay hahayaan kang mabulok

kaya ingatan mo ako at huwag
hayaang biglaang pumutok

II. Tanawin

dahan-dahan kong aalisin ang sumasaplot
na lamig ngayong Hunyo

sa iyong katawan at pupunuin
ka ng alaala ng Abril

itong pagmamalupit bilang talababa
matapos tuldukan ang nagdaang panahon

kaya ingatan mo ako at huwag
hayaang bumigwas sa kung anong
grabidad ang pumipigil sa iyong pagkawasak

III. Rosaryo

sa sukal ng dilim bago magpasalamat
at magbigay-pugay sa diyos-diyosan,

maingat kong kakapain ang kuwintas
ng iyong

    mga kamay. Dadagundong sa iyong paglapit
ang hungkag **** katawan

    paluluhurin ka sa altar ng pagtangis
at sabay lulunurin ka sa kasalanan

kaya ingatan mo hindi ako, kundi ang iyong sarili
at humingi ka ng paumanhin pagkatapos. Hindi na bago sakin
ang misteryo ng iyong katawang ibinubulong sa pigurang kahoy:

mahuhulog ka sa aking bibig bilang
    alinsunurang awit.

IV. Iyong katawan*

Hindi ipaaari sa sinuman.
Huwag **** idiin sa akin ang karumihan ng mundo.

walang ipalalasap kundi isang ordinaryong karanasan
lamang – malayo ito sa inaasahang tagpo

kundi pagnanais.

           Higit pa sa ingay ay ang salaulang katahimikan
  ng dalawang katawan na pumipiglas at nais lumaya

sa balintataw ng isa’t isa bilang piitan.

Kaya ingatan mo akong mabuti
at bigyan ng panuto kung paano ka hahagkan upang hindi
     mabasag kung malaglag man sa isang mataas na lugar

dahil   mayroon   pa tayong   bukas  na ilalaan para  sa pantasya.
****.
042816

Naghalungkat ako
Ng mga larawang walang mukha,
Kupas na alaala,
Walang kulay na sandali,
Basura ng pagkukunwari.

Nagkolekta pala ako
Ng mga kumikinang na diyamante
Mapang-akit at akala ko'y tunay.
Pero sila'y pekeng alahas.

Pinunit ko
Ang mga sulat na hindi nabasa
May mga letrang dayuhan sa papel,
Nabubura, natitintaan, natatapalan
At nakakalimutan.

Nagbilang ako
Ng mga barya, kahit paulit-ulit
Hanggang sa maging kulang.
Inipon ko, pero hindi sapat,
Kaya't gagastusin na lamang
Para sa walang saysay na luho.

Nagtupi ako
Ng mga damit na gula-gulanit
Noo'y bago pa't sabay sa uso.
Ayos ang pustura,
Pero ngayo'y basahan na,
Mabuti pang gupit-gupitin na lang.

Magtatapon ako
Ng inaanay na kaha,
Walang silbi; walang pag-asa.
Kesa sa mabulok itong muli,
Hindi niya na kayang iinda ang paglilihim.

Papalayain ko na siya
**Kahit pa siya'y mahal.
Monique Pereda Aug 2022
Kahoy na inaanay
Barko na butas
Lumulubog ng marahan
Kinakain ng dagat

Sugat na nagnanaknak
Balat na inaagnas
Nauubos na dugo
Sinisipsip ng linta

Prutas na nabubulok
Nabubulok ang lamang loob
Malansang amoy na umaalingasaw
Uod na lumalamon sa laman
Tahimik na pumapatay
Ngumunguya ng palihim
Sinisira ang malusog na anyo
Ang anyo ng huwad na katotohanan

Nakasusuklam, nakasusuya
Nakasusuka, mapait na lasa sa labi
Ngunit walang luhang itatangis
Hindi maghihinagpis
Hahayaang mabulok
Hahayaang mamatay

— The End —