Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Zet
Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway
Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay
At ang iyong labi na sintingkad ng rosas
Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas

Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay
Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay
Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan
Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di  na nadidiligan

Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig
Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig
Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan
Maaaring ikaw at ako,
Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam

Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay
Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay
Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako
Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo

Palihim kitang sinusuyo
Kaya’t palihim din akong nabibigo
Patago akong lumalaban
Kaya’t patago din akong nasasaktan


Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw
Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw
Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo
Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Ito ang ating kwento,ang kwentong ako lang ang nakaka-alam.
Caryl Maluping Sep 2023
Sa panibagong yugto
may giyera ng dugo

Mga sigaw sa kaparangan
ikinubli sa kalasag ng karahasan

Kung ang tanglaw ng sulo'y ninanais ang digmaan
sigalot sa diwa'y hinahabing marahan

Titiisin ng talampakan ang init ng apoy
babatakin ng putik, lulubog sa kumunoy

Hanggang kailan titiisin ang hilahil ng tadhana?
pagal na ang mga paa't tuyo na ang mga luha

Kung ang dahas ng dapit-hapo'y patuloy na nasasaksihan
liwayway ng bukas, kailan kaya masisilayan?
This was inspired by the poem of General Antonio Luna in the 2015 film Heneral Luna
kingjay Dec 2019
Humahagibis ang hangin sa dalampasigan
Kaya ang mga dahon nagsisipagaspasan
At kung tumila ang simoy ng Amihan
Alaala'y bumabalik nang walang pakundangan

Mahamog na ang kapaligiran
Malamig na rin ang kaparangan
Sa pagtaas ng alon sa aplaya
Ay sumasabay ang pagbubuntong - hininga

May saliw ang karoling
Himig ng pasko'y umaadya sa damdamin
Ngunit pansamantala ang dulot na aliw
Sa maghapong pangunguyumpis

Hindi na bumubuka ang bulaklak
Ng itinanim kong Rosas
Hindi na gaano maliwanag ang kislap ng tala
Dahil ba sa hukluban na't yumuyukod
O nasisiphayo ng pag-ibig

Ang pangakong hindi maghihiwalay
ay kanyang tinalikdan
Ngayon nag-iisa na humihimlay
Kasama ang yakap ng lumbay

Hindi ko kailangan na manimdim
Sapagkat tunay at wagas siyang inibig
Bakit taliwas ang bawat wakas
At maunsiyami sa mga hiraya

Saan-saan na lang ibinaling ang paningin
At iniba ang hilig
Ngunit sa paghinto ng paghalakhak
Hindi ko maiwasan ang umiyak

Nalugami sa pagmamahal
At kung mabuksan muli ang puso
Malaman niya sana na siya ang dahilan
Ng paghibik sa pasko
Jose Remillan Aug 2014
J.
Sa mga panahong naaalala
Kita, muling nagpupunla ng
Sarikulay ang panganorin
Sa kaparangan ng lambong

Ng gabi.

Sanggol mo akong dinuduyan
Sa piling ng gunita't pagsintang
Mababakas sa balintataw

Ng panahon.

Bumabakas din sa buhanging
Makailang ulit mang igupo
Ng alon, ng pagkakataon
Eternal ngang nakaguhit

Ang iyong pag-iral sa hiwaga
Ng puso, isang bagong pagsuyo;
Sa mga panahong naalala kita...
kingjay Jan 2019
Pagkat isang malaking duwag, hindi umaamin at nagpapaliwanag
May pagkulog at pagkidlat sa isang oras
Di nasabi ang katotohanan
Paano pa kaya ipaglaban

Ang kasalanang pampag-ibig
ay habambuhay dadalhin
Tulad ng lumalagos na liwanag sa salamin
Uyayi para sa puso na maghihimbing
sa kawalan
Dalawang paru-parong itim ay naintindihan - ang namayapang ama at pagsinta

Nang kinabukasan nasilayan pa ang bituin
na nagpuyat sa kadiliman
Ang susunod na silahis ay iba na ang ipapahiwatig

Nagtungo sa bundok ng Maida-as
Nagtawid ng ilog at kaparangan
Nasunog ang talahib  na dinaanan
Sa yungib gaganapin ang totoong anyo ng kasalanan
Maging karahasan ay pumipigil sa mga hakbang

Doon nagtapos ang talambuhay - talampag-ibig
Sa kapasyahan na ang dilim ay siyang maghari
Ang pagkukulam ay balak isagawa
Sa kalauna'y di itinuloy
kingjay Sep 2019
Hayaan na na giliwin kita
Sapagkat hihintin sa hangin ang lahat
At pumailanlang hanggang sa panganorin
ang pangarap
Walang saysay ang ibon kung nasa pugad

Tumunghay sa pakpak na gulay-gulay
Sa pagwasiwas ay di kaya umangat
Munting maya sa aratiles
ay kahabag habag nang di makalipad

Ganyan ang aking pagsinta
O Desiree Dawn Dela Peña
musmusin at nasisikil
Huwag sana husgahan
Sinsisipon sa hamog
Madaling manimdim

Iibig ako sa sariling paraan
Ngunit di gaya ng kaparangan
na nakatiwangwang at hayag
Kung ikumpara ay katulad ng liblib na halamanan
Mabubuhay nang saglit at mamatay nang dahil walang nakakalusot ni banaag

At kung masidhi na ang damdamin
Magpaparinig ng aking hinanakit
Gaya ng kulog
na nauulinigan sa ibayo
Umaalingawngaw doon sa ibang baryo

— The End —