Makulimlim ang kalangitan
habang pilit kong inaaninag
kung ikaw ay nasaan
Mga palad natin kapatid
kung hindi man nagkadaupan
Tukoy kong iisa
ang ating pinagmulan
Mapula, kulay-dugo,
ang agaw-buhay na liwanag
sa likod ng mga ulap
Alam kong lumubog na
ang araw sa kanluran
Hinihintay ng katuwang sa buhay
ngunit ang sagot mo sa mga panaghoy
ay hindi marinig ng naulilang pandinig.
Hinahanap ng mga magulang
ang anak na inaasahang
sa takdang panahon
sa kanila’y maghahatid sa himlayan.
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Liku-likong landas tungo sa mithiin
ng Sambayanang hindi palaring
pamunuan ng mga bayaning magigiting
sa halip na mga kawatan at mga salarin
Mabato, matarik, ang piniling lakbayin
Ngunit hindi ka natakot na ito’y tahakin
Hindi ka umurong at di mo pinansin
ang mga pasakit, ang mga pasanin.
Dakila ka, kapatid
At ang ‘yong paglisan, may hatid mang lungkot
na ang punglong malupit, takbo mo’y tinapos,
hininga mo’y nalagot
At sa huling bugso,
tatabunan ng lupang kalayaan ang dulot
mula doo’y sisibol, sanlibong punlang aabot
hanggang sa dulo, hanggang sa tugatog
Aalalahanin ka sa araw ng tagumpay at pagtutuos
Para sa Sambayanan, bawat puso’y sasabog!