Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
梅香 Jul 2018
ako ay nakatulala
sa lugar kung saan walang madla;
at ang isipan ko'y binabaha
ng mga hindi ko nasabing salita.

ako ay nasa dagat pa rin,
at ang bawat ihip ng hangin
ay simbolo ng aking dalangin
na sana siya ay mapasa akin.

ang mga puno ng niyog
ay gaya ng pagmamahal kong matayog.
mataas at hindi makasarili,
spaagka't sakanya ay nawiwili.

ang bawat butil ng buhangin
ay parang pag-ibig kong hindi kapusin;
bilyon-bilyong damdamin,
pag-ibig para sakanya na hindi ko inamin.

ang bawat alon na humahampas,
ay parang mga sandaling aking ipinalagpas;
mga bagay na matagal ko na dapat sinabi,
ngayon ako'y ginagambala ng pagsisisi.
pag-ibig para sa'yo na hindi ko kinayang aminin.
Danice Feb 2019
ako'y pupungas-pungas
ngunit pinili ang mata'y isarado
pinilit matulog, nagbabakasakaling
ang payapang panagip ay bumalik;

ako'y nasa lugar na nais
sa lugar na lahat ay tunay,
sa lugar kung saan walang madla,
sa lugar na malaya at walang nakakakita ng tunay na nadarama
sa likod ng ngiting pinapakita.

nakaupo sa pino
ngunit puting buhangin,
pinagmamasdan ang tulog na ulap
sa likod ng mga kumikinang na bituin,
at pinapakinggan ang tila walang sigla
na hampas ng alon sa dalampasigan

isip ko'y binabaha
ng mga salitang hindi mailabas,
sa tahimik na lugar na nais
nagtanong sa sarili,
"mayroon pa bang saysay
itong buhay na walang halaga?"
Triste Aug 2019
Ikaw, sa bawat pintig ng puso,
Na gumuguhit sa mga labi
At nabubuhay sa banaag ng mga ginintuang araw natin
Ako, sa bawat ragasa ng damdamin
Nangingilid na mga luha, binabaha ang isip sa gabing hindi mapayapa
Tayo, sa bawat pagkakataon
Sa gitna ng meron ay walang katiyakan
Sa buhol-buhol na mga tanong,  mga sagot ay hindi makalaya
Hanggang sa tuluyang sumuko at itanikala
Oras, sa bawat kumpas ng iyong mga kamay
Sadyang hindi nakaayon
Sa takbo ng ating panahon
Himig, sa bawat indak ay mananatili tayo,
Magpapatuloy ang awit at tula
Na humabi sa alaala ng kahapong mapangarapin
Makata, sa bawat salita ay mabubuhay ka
Nakaukit sa ningning ng mga tala
Ang pag-asang muli ay masilayan ka.
Saksi ang mga mata sa pagmamahalan
sa itaas, hinahalikan ng kadiliman
ang kalangitan, kung saan naipasa
na rin ito sa aking kaulapan.
Niyayakap ng saplot ang kalupaan,
at naaakit ang mga mata sa kaputikan.
Dahil dito pinipilit ang katauhan mamalagi
sa kapaligirang punong-puno ng kagandahan.
Tinuturukan ang utak ng mga kulay
na galing sa kaitiman, habang nagsusuot
ng saya. Saya na hindi makatotohanan,
saya na pampalipas oras lamang.
Nauumay, isinusuko na ng katawan,
isinusuka na rin ng katanyagan. Ang
ninamnam na pagbabalatkayo at
ang pagiging bulag sa kasalukuyan.
Parang inaararong lupa ang tinatapakan,
may maipagmamalaki ba ang pagtakbo?
Nagising na ang diwa, ang kamalayan,
Ano kaya ang kinakailangan kong gawin?
Ibinulalas ang tikas ng pangangatawan, at
ang pamamaraan na taglay ng kaisipan,
para sana ay makaraos sa nararanasan. Pero
parang kulang, paano ko ito malalagpasan?
Ah! Oo nga pala! Bakit puro ako?
Kung mayroon namang siya, sila, kami, at
tayo? Paano ako makakatahi kung nasa
iisang butas lang ako at hindi umuusad?
Kung gusto kong gumawa ng damit,
kinakailangan ko ang mga butas para
sa aking sinulid. Sama-sama hanggang sa
makabuo ng isa. Isa't-isang humuhulma ng pag-asa.
Hanggang sila'y nagsiilawan at lumutang
paitaas, tangay-tangay ako hanggang sa
paunti-unting bumubukas ang kalangitan,
binabaha ng liwanag hanggang sa ako'y natalsikan.
Lumiwanag, kasama ko na sila, iisa na kami.
Patungo sa umusbong na daan sa kaliwanagan.
Kung saan, wala ng ako, siya, sila, kami at tayo.
Wala na, wala na, magpakailanman.

— The End —