hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko
hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko
paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko
...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko
"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?
at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan
pero bakit?
kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?
"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"
mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na
akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap
nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula
kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan
alam ko...
alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang
at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"
masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.