Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Mar 2020
Hinahanap ang aking kinabibilangan
Sa mundong puno ng pag-aalinlangan
Pasya ko'ng itago ang aking pangalan
Sana'y inyong maunawaan

Kumusta ang pag-bati
Nawa'y dinggin ang aking mithi
Na tanggapin ang aking ngiti
At ang liham sana'y kumiliti

Sana nga'y ikaw'y napangiti
Nang liham ko kahit maiksi
Nais ko lang naman ibahagi
Ang laman ng isipang nakabibingi
Paunang Simula
Pusang Tahimik Mar 2020
Halika't dadalhin kita sa palasyo
Ipagbibihis kita't ipagluluto
Ang lahat ay tatalima sayo
Sapagkat ikaw ang reyna sa palasyo

Walang suliranin na darating sa atin
At ang lahat ay magiging atin
Ang lahat ay magagawa natin
Maging ang oras ay susunod sa akin

Lilikha ako ng maraming bituin
Ang lahat ng iyon ay kaya Kong bilangin
Madali kahit maging ang buhangin
Dahil hawak ko ang oras natin

Hindi ka luluha at masasaktan
Dahil tatangalin ko ang kamatayan
Hinding hindi kita pababayaan
Kahit magising pa sa katotohanan

Halika na at tayo na ay uuwi
Sa kaharian kong ako ang hari
Pangakong hindi ako hihikbi
Sa pagka gising ko sandali.

-JGA
Pusang Tahimik Mar 2020
Heto at dumating na nga
At ako ma'y din nabibigla
Ako ay napagod na
Sa kaytagal na pag-iisa

Malapit nang gumuho
Ang pader na itinayo
Napagod na sa katatago
Ang malambot na puso

Teka muna saglit
Kailan nga ba lumuha ulit
Nang ngiting nagpupumilit
Kahit sobra nang sakit?

Oo nagsisinungaling ako
Nang sabihing okay lang ako
Hindi kasi pweding sabihin sayo
Dahil nasanay nang itago ito

Napapagod na ako
Sa kalungkutang ito
Napapagod na ako
Sa pag iisa Kong ito.

- JGA
Pusang Tahimik May 2019
Ano ang dahilan at tila
Sumusulat ka ng tula
Upang aliwin ba ang madla
O sambahin ang  mga dakila?

Sapat nga ba ang aanihin
Sa ihahasik na pagkain
Ito nga ba ay diringgin
Ng pusong malayo ang tingin?

Kung tapos na ang simula
Ano pa ang mapapala
At kung wala nang manunula
At patay na ang tula?

Sino ang makikinig
Kung higit na nananaig
Sa kumpas ng aking bibig
Ang maingay na sahig?

Walang may nais umunawa
Sila'y pagod na't nagsawa
Nais ay mabilis na ginhawa
Sa isip na nakakaawa

JGA
Patay na nga ba ang tula?
Pusang Tahimik Mar 2019
Pagpanaw ng dilim ako'y namimintana
Pinapatay ang panaginip ng hindi alintana
Mula sa silangan ng iyong bintana
Ang yungib at sulok ay aking pinapana

Pagmasdan ako'y walang nakagagawa
Payak na mata'y sa sinag ko'y luluwa
Huwag nang subukan pakiusap ko nawa
Sa payo ko ay makinig at matuwa

Ako'y nakamasid sa lahat ng mga gawa
Sa paghihirap mo ako ang nananawa
Sanggol na nagugutom na nagngangawa
Hala gawa, nasa Diyos ang awa!

Pakanluran ang aking binabagtas
Ang lahat ay umaalma sa pinsala kong lakas
Paumanhin sa kapangyarihan kong batas
Ito ang iniatang sa akin ng pinakamataas

Lulubog kung marating ang hangganan
Magbabadya na ang kadiliman
Nang pagdating ko kayo ay nag-alisan
Sa pag-alis ko'y diyan kayo magdadatingan
by: JGA
Pusang Tahimik Mar 2019
Sa huling sandali na nag-aagaw hininga
Ang kaibigan kong hirap sa paghinga
Pilit na nagsalita sa aking tainga
"Paalam kaibigan ako na'y magpapahinga"

Butas ay pilit kong tinatakpan
Ngunit malubha ang kanyang tagiliran
At sa bawat sandaling hindi mapigilan
Kaibigan ko'y unti-unting binabawian

Nagpalinga-linga walang mahingian
Sigaw ay tulong pakiusap ko naman!
Nagbadyang tumayo ngunit kanyang pinigilan
Ako'y hihingi ng tulong. "Sandali, manatili ka na lang"

Pag dilat ng mata ay aking nasaksihan
Kaibigan ko'y nakahimlay na duguan
Lalaki'y kumaripas sa kawalan
At kami'y naiwan sa gitna ng daan

Sa kanto kami ay napadaan
Siyay bahagyang nasa aking unahan
Isang lalaking tumatakbo mula sa likuran
Sa isang iglap nalaho ang aking kamalayan
By: JGA
(Tip: Read from bottom to top)
Pusang Tahimik Feb 2019
Kumusta mga kabataan
Na pag-asa bayan,
Ano ang dahilan
Aral ay napabayaan?

Isip ay nalason
Ng banyagang layon
Alisin ang tuon
Sa aral ng nayon

Nasaan ang tinig
Ng tunay na pag-ibig
Sa bayang natitigib
Ng mapanirang bibig?

Tila ba nakalimot
Puso ay ibinalot
Sa bagong aral na pulot
Nagmistulang mga salot

Walang pagmamahal
Bayan na ng mga hangal
Nasan na ang dangal
Na turo ni Rizal?

Halika na't magising
Simulang tanawin
Ang nagdaang ningning
Ng Araw at Tatlong Bituin!

JGA
Inspired by Jose P. Rizal "Sa Aking Mga Kabata"
Next page