Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Feb 2019
Kumusta mga kabataan
Na pag-asa bayan,
Ano ang dahilan
Aral ay napabayaan?

Isip ay nalason
Ng banyagang layon
Alisin ang tuon
Sa aral ng nayon

Nasaan ang tinig
Ng tunay na pag-ibig
Sa bayang natitigib
Ng mapanirang bibig?

Tila ba nakalimot
Puso ay ibinalot
Sa bagong aral na pulot
Nagmistulang mga salot

Walang pagmamahal
Bayan na ng mga hangal
Nasan na ang dangal
Na turo ni Rizal?

Halika na't magising
Simulang tanawin
Ang nagdaang ningning
Ng Araw at Tatlong Bituin!

JGA
Inspired by Jose P. Rizal "Sa Aking Mga Kabata"
Pusang Tahimik Feb 2019
Ang araw ay pumapatak na parang orasan
Mga sandali'y hahantong sa ganap katapusan
Halina't sulitin bakit hindi mo pa simulan?
Dahil ako'y darating na kakatok sa iyong pintuan

Teka sandali hanggang dito ka na lang
Pasya ko sa lalaking tiyak na kulang-kulang
Akala niya ay wala nang hahadlang
Sa mga sandali ng kanyang pagsasayang

Ako'y bisitang kumakatok ng hindi inaasahan
Sana'y handa ka at walang pinagsisisihan
Sapagkat ako' y bingi sa mga kahilingan
At ang aking pasya ay siyang makapangyarihan

Sa karit ko nagdaraan ang mabuti at hangal
Ako'y di nabibili nang iyong mga pagpapagal
Ngunit ang kalaban ko ay syang mararangal
Sapagkat di ko maaari ang kanilang mga dangal

JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Nagising mula sa maingay na telepono
Tinig na bumabati ng isang maginoo
Maligayang kaarawan saad ni Piccolo
Bumangon ka na riyan at pumarito

Katawan ay nakapako pa sa higaan
O, bakit ba kay lambot nitong aking unan?
Ang bumangon ay tila palaisipan
At ang panaginip ay nais pang balikan

Ngunit tatayo na upang mundo ay harapin
Sa labas ng pinto katotohana'y malagim
Sa likod nito ay papanhik pa rin
Sapagkat ang tumanggap ay natutunan ko na rin

Sa lugar kung saan ang lahat ay gaganapin
Lahat ng handog at pagbati ay tatanggpin
Ngunit tila nasa gubat at nag-iingat pa rin
Sapagkat maging sa mga banal ay may ahas pa rin

Sa wakas ang araw ay natapos na rin
Bulong sa sarili na tila ba aantukin
Ang araw na ito'y tiyak na lilimutin
Nang taong sa tiwala'y may suliranin
JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Nang isilang ka'y kasama mo na ako
Kita ko ang tuwa sa mga magulang mo
Lahat ng kilos mo tinutularan ko
At kahit nasaan ka ay naroroon ako

Panahon ang nagturo sayo na mamulat
At sa unang pagkikita tiyak ang iyong gulat
Sa ilalim ng buwan sa gabing pagkagat
Naghahabulan tayo sa gitna ng gubat

May isang gabi lahat ng ilaw ay nakapatay
Ikaw'y nakipaglaro sakin ng walang humpay
Mga anyo ng hayop na likha ng iyong kamay
Sa harap ng kandila na sindi ng iyong inay

Sa gitna ng dilim ay di ka nag-iisa
Bagamat madilim hindi mo makikita
Halika sa liwanag at aking ipapakita
Ang aking anyo na dati mo nang nakita

Kahit saan ka magpunta ako ang buntot mo
Hindi mo lang pansin ako'y karugtong mo
Sumayaw ka at tutularan ko
Ngunit huwag sa dilim upang makita mo

Magbalik tanaw sa iyong ala-ala
Tuklasin ang aking talinhaga
Paalam tapos na akong magpakilala
Narito lamang ako lagi, aking paalala

JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Buhay ang tula
Dulo ay may tugma
Mga salita'y umaakma
Sa damdamin ng may akda

Huwag ka'ng mabibigla
At manatili na mamangha
Sa mga liham na katha
Na isip ang lumikha

Ang pagsuyo ay makata
Na walang pag-aakala
Ang tiyakin ay abala
Tiyak **** makikita

Ang paksa ng tula
Ay tiyak sa simula
Suriin ang salita
Sa puso ay nagmula

Ikaw ay mapapaibig
At titikom ang bibig
Manlalambot ang bisig
Sa tula na may tinig
By: JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Nakahigang pilit na nagmamasid
Sa madilim na apat na sulok ng silid
Ang sakit ay hindi pa rin lingid
Kahit na tiyak ang luhang nangingilid

Binabalot ng malamig na kalungkutan
Ang puso'ng di alam kung nahihirapan
Humahanap ng kumot sa isipan
Mainit na yakap sana'y masumpungan

Heto na nga at nalulunod na ako
At hininga'y kinakapos sa isipan ko
Pakiusap sana'y panaginip na lang ito
Sapagkat sa paglangoy pagod na ako

Isipan ay lubos akong pinahihirapan
Tila laging mayroong digmaan
Sa silid ng nakabibinging katahimikan
Ang isip ay matinding naglalaban

Sumapit na ang umaga
Ako'y wagi sa pakikibaka
Sa kalabang sariling likha
Ng isipang puno ng katha
JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Ang saya ay di ko maitago
At tumatalon ang aking puso
Ikaw na nga siguro
Ang sa akin ay ipinangako

Lungkot mo'y nais ko'ng saluhin
Hirap mo'y aking papasanin
Luha mo'y aking papawiin
Sapagkat mahal ka sa akin

Ako'y hindi nagbibiro
Sapagkat ako'y takot din na mabigo
Pakinggang ang aking puso
Na tapat at ganap ka'ng sinusuyo

Tumingin sa aking mga mata
At ipagtapat ang nadarama
Alisin ang ating mga kaba
At hayaang ang puso ang magdikta

Alam ko'ng hindi sapat ang mga salita
Sapagkat ang iba'y nauuwi sa dalita
Ngunit ako'y tapat na magsasalita
At ang aking puso ang siyang magwiwika

- JGA
Next page