Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Feb 2019
Hayag ang liwanag ko sa gabi
Kung walang ulap sa aking tabi
Ako'y malaking ilaw na nakasindi
Na tila hindi napupundi

Ako'y gising sa gabi'ng malalim
At nagsisilbing ilaw sa daang madilim
Ngunit ang lahat ay matatago sa lilim
Kung ang langit ay makulimlim

Ako'y tiyak na masisiyahan
Kung sandaling pagmamasdan
Lumabas mula sa iyong tahanan
At mamangha sa ilalim ng buwan

Buwan ang aking pangalan
Masdan ang aking kagandahan
Bituin ang aking mga kaibigan
At ang tahanan namin ay ang kalawakan

JGA
JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Siya'y prinsesa na sa akin ay nag-iisa
Ano'ng saya ko na'ng kami nga'y naging isa
Ang puso'y umapaw sa ligalig at saya
Sa araw na ang bilang ay labinisa

Ngunit ikaw pala'y nakapako pa sa nakaraan
At ang isipa'y tila yata siya pa rin ang laman
Ipinipilit ko ang sarili kahit na ako'y nasasaktan
Hiling na 'Mahal Kita' mula sa'yo ay marinig man lang

Dumating ang araw na hindi ko nga maikakaila
Ang saya at ligalig ay naparam na tila ba isang bula
Sa iyo'ng mga sinabi ako'y nabigla at napatulala
Sa sakit ay di ko na naramdaman ang pag-patak ng aking luha

Nagwakas ang lahat sa loob ng araw na ang bilang ay tatlo
Mas malubha pa sa sikat na awitin na umabot sa pito
At ako nga'y naiwan sa tanong na 'bakit at ano?'
"Bakit nagkaganito? Ano na ang gagawin ko?"

Ikay ay nag-iisa'ng bagyo na tuluyang winasak ang puso ko
Ngunit masasabi ko'ng ikaw ay aral din naman sa buhay ko
Ngayon nga'y hinihiling ko'ng masaya ka sa bago mo
At sana siya'y katulad ko na tapat at totoo.
- JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Mga balang nagliliparan
Sa lahat ng panig nagpapalitan
Sa mga sandaling hindi mapigilan
Buhay ang binabayaran

Sigaw ng isa ay kalayaan
At ang kabila ay kayamanan
Sana'y mayroong hangganan
Hiling ng mga nasusugatan

Isusugal ang lahat upang makamit
Ang bagay na iginigiit
Nang puso na lahat ay ipagpapalit
Upang masumpungan ang mas lalo pang higit

Sa kalayaan ay walang pag-big
Dugo ang kanilang tubig
Armas ang kanilang bibig
Dahas ang nakasulat sa mga bisig

Ang pag kitil nga ba ang sagot
Sa lahat ng ating mga sigalot?
Tila ba lubusan nang nakalimot
At sa sanlibutan ay nagmistulang mga salot
-JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Sa kalangitan ay puno ng tala
Buhay nga ba sila o tila?
Tanong ko habang nakatingala
Sa langit habang nakatulala

Sa unang sulyap wari'y kakaunti
Ngunit kung pagmamasdan ay di mawari
Sa dami na tila kulisap na nangingiliti
Sa mga mata'ng nangangarap at nagmimithi

Hayun! may isang dumaan
Oras na'ng humiling sa kalangitan
Nawa'y tuparin ang kahilingan
Talang nahulog sa kalangitan

Leeg ko'y sumakit na sa kahaharap
Sa langit pagmasdan sila ay kaysarap
Ngunit ang abutin tila ba ay kayhirap
Na maihahalintulad mo sa isang pangarap

Parang ikaw na kayhirap abutin
Nagniningning na parang isang bituin
Pangarap ko'y kaya mo'ng tuparin
Ang bumaba ka riyan at ako ay mahalin

-JGA
By:JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Bakit wala kang kaibigan
Wala ka bang maibigan?
Huwag kasi ugali ang titignan
Hayaang tangayin ka sa dalampasigan

Malawak ang karagatan
Marami kang kaibigang matatagpuan
Tayo'y maglalayag hanggang katapusan
Halika na't ating simulan

Paa'y hayaang mabasa sa tubig
Matutong ibuka ang bibig
Hiya ay kayang madaig
Kung ito ang iyong ibig

(Sandali! mapanganib ang karagatan
Walang tiyak na papupuntahan
Papatayin ka ng tinatawag mo'ng kaibigan
Kapag binaba mo ang iyong pananggalang

Kaibigan ay di ko kailangan
Nariyan lang sila pag mayroong kailangan
At kung nasa bingit ka ng kabiguan
Tiyak ka nilang kalilimutan

Ang sumugal ay di ko na kailangan
Walang lumalapit ng walang kailangan
Ang lahat ay may hangganan
At ang akin ay nasa sukdulan!)

Tanggapin mo ang katotohanan
Tulad ng isda di lahat ay mapakikinabangan
Ang maliliit ay kailangan **** pakawalan
Upang lumaki pa at magkalaman

Mali na isisi sa iba ang kamalian
Nang mga hindi tapat mo'ng kaibigan
Ang bawat unos ay tumitila din naman
At ang araw ay sisikat din naman
JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Sa bawat sandaling  pumapatak
Isa lamang ang tiyak
Mundo ay aking hawak
Bulong ng isipang may pakpak

Heto nanaman, heto nanaman
Baliktad na yata ang aking orasan
Puso't isip ay nagugulumihan
Sa ilalim ng matirik na buwan

Mga pangungusap ay di maawat
Parang pangarap na pilit inaakyat
Tumigil kana at ako'y napupuyat
Isip ko na sa gabi laging nakamulat

Ang nais niya ako ay diktahan
Lasunin ang isip ng kasinungalingan
Iwanang hubad at sugatan
Patayin ng unti-unti at marahan

Siya'y pilit na nakikipag-talo
Ngunit hinding-hindi ako magpapatalo
Sumikat na ang umaga't walang nanalo
Ngunit tila mata ko yata ang talo

JGA
JGA

— The End —