Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
042416

Pumipiglas sa kadena,
Nagwawalang may pagbubusina.
Walang-wala siya sa datus
Ng iskandalong panglaman-tiyan.

Kilay ay naagnas
Bunsod ng galit na mapagmataas.
Mag-iiskandalo ang ugat sa magaspang na balat,
Siyang bulkan pala ng naghihimutok na alamat.

Lambat ng kahapon, isasaboy sa dagat
Huli'y kaawa-awa sa dinamitang kagat-kagat.
Sisisid kahit di akma ang tono ng tubig,
Lulusong muli't paghihiganti'y bukambibig.

Gamit ang sinulid ng tinapyas na bungangkahoy,
Matutukso ng talim, siya nga palang abuloy.
Istoryang tigang, nginuyang may malasakit,
Paru-paro't bulaklak sa kutsilyo ang kapit.

Kalawang ang uubos sa kadena,
Sa ilang pagpihit ng litratong may ordinansa.
Patay-sindi kaya't pondido ang ilaw,
Pipihitin ang kable't ahas ang tutuklaw.

Ang trono'y walang manggas at naantala,
Pinilihan ng mga oportunistang kanya ring katiwala.
Sapilitang makikipagniig sa kaharian,
Batas ay iluluklok, pantawid sa katuwiran.

Siya'y naghihimagsik sa haliging walang sabit,
Langis ay tagas ng sikmurang kumakalabit.
Gaya ng kahapong titulado ng dilim,
Babagsik ang leong minsang karima-rimarim.
Dapat matakot tayo sa batas.
Kung walang pangil ang batas,
Tahasan lang ang paglabag.
Kung mali ang halo ng batas, latak ang batayan.
At kung walang batas,
Tara magkanya-kanya na lang tayo.

Modernong bayani, tayo yan.
Tayo ang aani ng bayang
may punla ng dugong nag-aalab.

Kahit saan, may rebelde't aktibista;
May kamaong lalaban para sa bayan;
may magpapaapi't magagapi;
may kakapit sa patalim
At susulong nang walang pagkukunwari.
Hindi luma ang pagbabago;
Kahit pabagu-bago pa ang tibok ng masang Pilipino.

May bagong balita,
Patay na si Juan Tamad.
Bangon Pilipinas! Bangon na!

#042416
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
Ikaw ang pintuang may bukas,
Siyang pag-asang maibsan ko ang taglamig na kalinga.

Ikaw ang bintanang may hangin,
Siyang susulyap sa pangungulila.

Ikaw ang sahig na sasalo,
Siyang saklolo sa pagkahingal at pang-aabuso.

Ikaw ang mesang may hain,
Siyang magbibigay lakas sa panloob na damdamin.

Ikaw ang kutsilyong gagalos,
Sa yugto ng buhay na akala'y perpekto.
At ang tubig na didilig,
Sa *uhaw at lantang isip.
040816

Tulang nakatulala,
Tulang lutang sa mga salita.
Tulang may pag-aalinlangan,
Tulang tumatawid sa kawalan.

Sinubukan kong maghimay ng mga letra,
Pero lahat sila'y mawawalan ng saysay.
Hinabi ko ang bawat parirala,
Pero may mga saknong na puno ng mga tanong.

Umaatras abante ang mga kuwit at tuldok,
Mga damdaming may padamdam,
Mga nagugulat na pananda,
Tila nakasalamin buhat sa panahon ng pagkatanda.

Iluluto ko ang mga salitang walang tugma,
Sa kalan at kawali nang walang sandok ng damdamin.
Titikman ko ang sabaw na pag-ibig
Na siya palang papaso sa dilang malambing.
Poot kanyang madarama
Sa mapait na tadhanang may konting kaanghangan.

Isasantabi ko ang hinain,
Saka na lang, pag malamig na ito
Saka ko na lamang titikman.
Nakakapaso kasi, hindi ko malasahan.

Tulang kulang sa rekado,
Tulang mangmang at kabado.
Tulang maraming halo,
Tulang **sana'y hindi talo.
Maitatago ba sa tula ang isang TULAd mo?

Kung IKAW ang pamagat,
Hindi ka ba aangkinin ng ibang mambabasa?

Kung AKO ang pamagat,
Hindi ba ako makasarili?

PERO kung TAYO kaya?
Sapat na sigurong pamagat na lang.
032316 #TagkawayanBeachToPPC #HawlingDay

Madaya ang dagat na tumatabi,
Umiiwas sa lalim na walang lebel.
Kung susukatin ang dipa ng pising ibinigkis,
Milya ang distansya ng berde't kayumanggi.

Pahiwatig ng hampas ng mga dahon,
Kanila ang lupang may paghuhumaling sa nayon.
Gayundin pala ang kurot
Ng latigong pakpak ang armas.

Hininga ay buhay
Sa baku-bakong daang
Nagmimintis sa tahanan.
Ilang gulong na kaya ang nagpatalyer?
At nausugan ng ilan pang mga panlupang sasakyan.

Napapagod ang likido ng Langit
Na siyang minsang lampas-lupang nagpakumbaba.
Napapagod ang Ilaw
Sa pagsirit ng kandilang hindi nauupos.
O ang mga ibong pumapagaspas
Sa ereng walang tiyak kung saan papadyak.

May mga kasuotang gula-gulanit,
Sila'y may mantsya't may kalakip na basbas.
Hindi maititikom ang pagsampal ng paa,
Mga paang piniling lumaya
Kahit tadtad sila ng kalyo.

Ganoon pala ang pagpihit ng duyang sandali lamang,
Ihihile ka nang saglit,
Sabay makikibaka sa panahong gusto niya.

Simple ang buhay,
Namamahinga't umiiling kadalasan.
Ni ayaw ang gintong luha,
Kalasag pala ng kanyang pagkatanda.
Next page