Tumibok ang puso ko Hindi dahil sa may hinihinga pa Ngunit bunsod sa kaba.
Tumayo ako't humakbang Narating ko ang entablado; Hindi ko lubos maisip Na ito na ang pangalawang beses Na tutuntong ako't haharap sa madla.
Isang pribilehiyo Salamat sa grasya ng Panginoon.
Panimula ko'y winaksi na sa isipan Bagkus ang bibig ay kusang niluluwalhati Siya Maging ang pangwakas ay nakatuon lamang sa Kanya.
Ang buhay ko'y minsang naging sakal Akala ko noon, kaya kong walang sinasandalan Ngunit ako'y minsang naupo sa silya-elektrika At tinawag na nasasakdal.
Isarado natin sa siyam na taon Ako'y nasa rehas pa ng kadiliman Na tanging sariling latay ang nasasaksihan Kilala ko Siya na may lalang sa akin Ang tingin nga lang ay ambulansya Siya: Na 'pag kailanga'y, panay hikbi't nanlilimos ng grasya Ngunit 'pag ayos ang lahat, Iniiwan ang sarili't umiindayog sa dilim.
Sa siyam na taon Ako'y binahiran ng itim na blusa Akala ko'y hindi ko na matatakasan ang rehas; Ang sekswal na kasalanang bumalot sa pagkatao At naging mitsa nang paghinto ng nararapat na pagpapala.
Ngunit ang lahat pala'y kayang limutin ng Ama At ang maling relasyo'y kinitil sa tamang panahon Na ang pag-ibig ay magkaroon ng katuturan At doon nalaman na 'pag para sa kapwa'y Sunod lamang sa mas rurok Ng saktong timpla ng pagmamahal.
Umaagos ang luha ko nang walang nakakakita Ang puso'y hinihele ng Kanyang mga anghel At ang Kanyang sakripisyo'y tagos sa kamoogan.
Hindi ko lubos na maintindihan noon ang pag-ibig Niya Na kayang akayin ang buo kong pagkatao At buburahin ang kamalian ng nakaraan At maging ng ngayon at ng bukas.
Hindi ko alam kung saan paparoon Kaya't pilit kong sinuot ang maling maskara noon Ang puso'y mali rin ang naging direksyon Maling galaw at mali ang naging layon.
Ibinaling ko ang lahat sa sariling persona Nag-aral nang mabuti't hindi nalulong sa anumang droga Maraming organisasyon ang kinabilangan Sa pag-aakalang matatakpan ang bawat butas At masisilayan lamang ang magandang antas ng sarili.
Sa madaling salita, binuo ko ang sarili kong pagkatao At nalimot at nakaligtaan na may nag-iisa lamang na Manghuhulma Ngunit salamat at naarok ko ang tamang landas Na ang minsang batong sinantabi't itinapon Ang siyang tutuwid sa baku-bako kong daan.
Hindi pala ako magiging masaya Kung ang sentro ko'y ang aking sarili At nang ako'y palayain Niya, Masasabi kong ganap na ang aking pagkatao Na nakilala ko ang sarili -- Kung sino ako't kung para kanino.
Wala na akong mahihiling pa Mahirap man sa sansinukob na ito'y Patuloy pa ring maghihitay sa Kanyang pagbabalik.
Hindi ko kinalilimutan ang mundo Ang labindalawang disipolo na Kanyang regalo sa akin Ang kanilang mga buhay na tangan ko hanggang sa huli At hindi sapat na sumuko lamang Hindi ko kaya, ngunit kaya Niya.
Ang pag-ibig ko sa pamilya ko'y hindi maaawat May mga tanong sa isipan ngunit hindi ko ito ginising Hindi ko abot ang Kanyang kaalaman Kaya't inilapag at inihain na lamang sa Kanyang paanan.
Muli, hindi ko kayang mag-isa -- Mag-isang nag-aarok ng pansamantalang tagumpay Ngunit ang paniniwalang may pag-asa pa Ay patuloy ang pag-usbong gaya ng mga malalagong dahon; Ang bawat kaluskos ay maririnig ng Ama At ang pugad na kinatitirikan ko ngayo'y Haplos ng Kanyang banal na mga kamay.