Gustuhin ko mang makipagsapalaran Sa mga letrang nakalutang sa himpapawid Ay binabalot ako ng pagtatantya Kung ito na ba ang tamang oras Para kunin ang aking panulat At iguhit ang silakbo ng aking damdamin.
Humihinto ang mga oras sa bawat pag-uusig At tinitimbang ko pa rin Ang mga barkong pumapagitna sa akin. Nais kong kumawala at lumisan na lamang Ngunit ang aking pagpapaalam Ay mas magdudulot lamang ng dilim.
Gusto kong maniwala na ang solusyon Ay sa pagitan ng mga iginuhit na linya Ngunit ang aking puso'y nagtataglay ng apoy Na maaaring makasunog sa mga barkong ito.
Hindi ko mapigilan ang nagniningas sa aking kaloob-looban At ang boses na mas lalo pang lumalakas Kasabay ng pagtambol ng aking hininga. Gusto Nitong tupukin ang lahat At sakupin ang bawat naglalayag Sa kani-kanilang mga direksyon.
Pumikit ako at tumalon sa karagatan ng aking imahinasyon – Imahinasyong masasabi kong tunay na engkwentro. Patuloy kong nilalaban ang mga ugat sa aking mga braso Na sa bawat pulso ng aking pagkatao'y Pilit na kumikitil sa aking pagpapasya Na mas sumisid pa sa mas malalim.
Napahinto ako sa aking pagpupumiglas Pagkat narinig ko ang tinig na nagsasabing, "Manatili ka lamang," At ako'y kusang sumabay sa ritmo ng Tinig na iyon At unti-unti kong nasilayan na naglaho na Ang mga agiw sa aking mga mata At kusa ko nang nararamdamang Mas kaya ko nang huminga sa mas malalim pa.
Ito ang aking hantungan, Ito ang sinasabi kong liwanag. Ito ang aking kapanatagan, At sa Kanya ang aking lilim ng kaliwanagan.