Nangungusap ang mga mata Kasabay ng paglagas ng mga utal-utal na salita Walang kuwit, walang tuldok Pilit na binubuksan ang mga pusong nililok ng galit at tampo, Walang katapusan ang kani-kanilang mga pangungusap.
Nababalot tayo ng hiwaga At ang ating mga puso'y napupuno ng mga lasong Sinulsi ng kirot ng kahapon. Lumipas na -- Nilipasan na tayo ng ilang mga umaga Napuno na tayo ng mga agiw sa paghihintay.
Iniisip natin sa kung papaanong paraan ba Maihahayag ang mga palamuti sa ating imahinasyon. Paano ba natin masasabayan ang lumalagablab na galit? Na ibinubuhos sa atin gaya ng may kumukulong tubig sa takure. Paano nga ba tayo mananataling walang pakiramdam Hanggang matapos ang delubyo ng poot at paghihiganti?
Umiiwas tayo sa hanging mapanakit Ngunit tila ba hinahabol tayo kahit tayo'y nakapikit na. Walang hikbi at walang kamalay-malay tayong minamanipula Ng mga pagkakataong tumutukso na tayo'y talunan na.
Ngunit sa lahat-lahat ng mga ito'y Pipiliin nating tumayo pa rin Bitbit ang ating mga bandila At kahit pa sa ating pananahimik Ay kusang sisigaw ang mga tala para sa atin At mas magliliwanag pa ang mga ito.
Ang mga makakapal na ulap Ay makakaya na nating hawiin At magsisilbi itong palatandaan Na tayo'yΒ Β hindi magpapalupig Sa dikta ng tadhana at panahon. Pipiliin pa rin nating maging tama At ang lahat ng mga pasakit ng nakaraan Ay magsisilbing pabaon natin Sa kinabukasang henerasyon.
Kaya ko, kaya mo -- Kakayanin natin, Kaya natin, kasama ang Panginoon!