Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun 2021
06092021

Ang damdamin ng poot at lambing
Ay mga mekanismong humahalo sa saya
Ng pusong gustong kumawala
Sa diktador na sumara ng lagusan patungo sa liwanag.

Hindi maipinta ang mga sandaling naging hayag
Sa kung papaanong paraan ba hinabi ang sarili
Sa banig ng karamdamang tumupok sa pangarap --
Sa pangarap na masilayan ang araw
At madampian ng liwanag ang buo nyang pagkatao.

Sa mga nanlilisik na matang mapanghusga,
Tila ba ang pagkutya ay naging agahan sa malamig na umaga,
At ang kapeng mainit ay binuhusan ng malamig na tubig
Sa gabing walang pasabi kung lumisan na ba ang araw
O nanatili itong nakatirik sa tanghaling tapat ngunit mapag-usig.

Ang bawat pagtulog nang patagilid
At paulit-ulit na pagbangon ay sadyang nakakasawa.
Samantalang sa kanyang pagpihit sa debateryang may impormasyon,
Ay naghalo ang sining ng iba't ibang kwentong
Sana nga'y kanyang hayag na natatamasa.

Ang mga butil buhat sa sisidlan ng kanyang liwanag
Ay tila ba wala nang lalagyan pang sasalo
Sa mga binasag na oras ng mapanghinang delubyo.
Tila ba nagbibilang na lamang sya
Ng mga yapak na walang mukha,
At mga katok na nanatiling multo sa apat na sulok ng kanyang paghinga.

Maging ang bawat larawan ay nagsilbing alaala na lamang
Na hindi na mauulit pa kung bumukas man ang liwanag
At mag-alok ito ng pagsakay
Sa hamong hindi nya na maaabutan pa.

Tila ba nahuli na ang pintig ng bawat kalabit sa kanyang damdamin,
Tila ba ang nakikinig ay nawalan na rin ng boses sa paligid.
At ang kahon na kanyang tirahan
Ay pansamantalang naging palamuting
Binudburan ng mga nagsasayawang bulaklak
At naglalagasang mga dahong walang nagwawalis.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems