Nauubos na ang katas ng mga bulaklak sa hardin, Gayundin ang mga dahong tila nagsasayawan sa bawat pagsipol ng hangin. Unti-unting ring nanamlay ang mga iwinawagayway sa bawat pulong ipinagbigkis. At maging ang bahaghari'y waring sanggol na nahihiyang magpakita't piniling magtitiis.
Sa pagtikom ng bibig ng tinuturing na demokrasya Ay nasaan nga ba ang tunay na pagkalinga? Na sa tuwing gumagayak ang mga nakapilang ekstranghero Ay magsusulputan ang mga buwayang masahol pa sa nakawala sa hawla.
Sinisipat ang mga bulsang walang laman, Para bang mga santo silang naghihintay sa alay na hindi naman nila pinaghirapan. May iilan pa ngang susukli ng lason buhat sa kanilang mga bibig. Matindi pa sa hagupit ng kidlat, kung sila ay magmalupit.
Doon sa kasuluk-sulukan ng kurtina sa entablado'y Nagsitikom ang mga buwelta ng mga may puting kapa. Sila sana ang pinakamakapangyarihan Na hindi kung anong elemento ang pinagmumulan. Sila sana ang pinapalakpakan, Ngunit ang suporta'y wala naman palagi sa laylayan.
Taas-noo sila para sa bandilang pinilay ng sistema. Bayani kung ituring ngunit sila'y napapagod din. Nakakaawa, pagkat sila'y pinamahayan na rin ng mga gagamba At kung anu-ano pang mga insektong noo'y itinataboy naman sa kanila.
Tangay nila ang armas na posibleng lunas sa kamandag, Sila na rin mismo ang dedepensa't aawat Sa paparating na mga kalabang hindi naman nila nakikita. Ano nga ba ang laban nila? Ano nga ba ang tagumpay na maituturing Sa labang tanong din ang katapusan?
Samu't saring lahi na may iisang kalaban Ngunit ang tanong ko'y, may iisa rin bang patutunguhan? May iisang sigaw ngunit ang tinig ay wasak sa kalawakan. May iisang mithiin ngunit ito'y panandalian lamang. Pagkat sa oras na ang giyera'y mawaksian na rin, Ang medalya't parangal ay tila isasaboy pa rin sa hangin.