Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
Mel-VS-the-World Apr 2018
“Hayaan mo na lang ako matulog.”


Eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At hindi ko maisip kung ano ba dapat ko maging.
Ano ba dapat **** gawin?
Marami nang nangyare,
At ano pa ba ang pwedeng maganap?
Magkukulong sa sulok,
At magmumukmok,
Naka-ilang hithit-buga na ng yosi,
Baka sakaling makalimot.
Naka-ilang bote na ng alak,
Pampakalma sa pusong kumakabog.
Hindi mo mapigil ang pag-tulo ng luha,
Isa-isang nawawalan ng kislap ang mga tala sa iyong mata.
Nawalan na ng liwanag ang buwan,
At ang araw ay hindi na sikat,
Naghalo ang amoy ng dagat at ulan,
Sumingaw mula sa mainit na lupa parang naagnas na katawan.
Lalabanan ba ang apoy?
O hahayaan lamunin ka at matupok?
Lalangoy ba kasabay ng mga alon?
O handa ka nang malunod at mabulok sa kailaliman?
Hanggang sa hindi na ma-iahon.
Marami ang nagtatanong,

“Mahalaga pa ba ang nakaraan?”

Kung ang hinaharap ay nagtatago sa likod ng kasalukyang puno ng kirot at hirap,
Hinagpis at galit,
Poot at pagkamuhi,
At sakit na walang lunas.

Mahalag ba ang nakaraan?
Maraming pagkakataon na ako ay lumipad,
Mula sa kalangitan, malaya ang diwang may pakpak,
Naglalangoy sa ulap ng kawalan.
Tanaw ko ang sanlibutan, nag-aaway,
Nag-papatayan, para sa ano?
Lupa? Pera? Para sa diyos na makapangyarihan?
Ngunit ang mahabaging diyos ay wala namang pakialam.
Wala naman dapat patunayan,
Wala naman dapat paglabanan.
Rinig mo ba ang ingay mula sa kabilang baryo,
Parang mga asong ulol, nagkumpulan at tumatahol.
Ako ay naglakad,
Saksi ang dalawang paa sa harapang pang-gagahasa ng mga higanteng buwaya; walang umalsa.
Natatakot sila.
Dahil sa mata ng nakararami,
Karahasan ang tama,
At hindi ang karapatan ng bawat isa.

Marami ng problema ang daigdig,
Dadagdag ka pa ba?
Iiwasan mo na ba o babalikan mo pa?
Pilit lumalayo,
Patuloy ang pagtakbo,
Ngunit hindi pa rin maabot ang dulo.
Hindi malaman kung saan patungo.
Dalhin mo ako sa lugar,
Kung saan mapayapa ang buhay,
At mayroong pag-ibig na tunay.
Dahil matagal nang may sindi ang nitsa,
Hihipan ko na ba?
O hahayaan na lang mamatay ng kusa parang paubos na kandila.

Dahil eto ang realidad,
Ng mundo,
Dahan-dahang pumapalibot sa atin,
Ano bang mali sa’kin?
Sobrang layo pa ng hinaharap,
At pagod na’ko magising,
Gusto ko na lamang umidlip at managinip,
Patungo sa paraisong ang ihip ng hangin ay malumanay,
At ang kulay ng paligid ay pagmamahal na dalisay.

“Hayaan mo na lang akong matulog. Kung sa aking pag-gising ay meron paring sakit, hayaan mo na lang akong matulog, dahil pagod na’ko magising.”

Hayaan mo na lang akong matulog.
Baka sakaling hindi ko na maramdaman ang sakit.

Hayaan mo na lang akong matulog.
Kahit ilang oras lang, iiwan ko ang mundong mapanakit.

Hayaan mo na lang ako.
Dahil gaya ng sabi mo,

“Sa sobrang hilig mo sa sleep, pwede ng ipalit ang pangalan mo sa salitang *ogip.”

Kaya hayaan mo na lang akong matulog,
Dahil pagod na’ko magising.
At ayoko nang magising.
Lunes

Siya ay tatlong-daang talampakan mula sa aking kinatatayuan
Sa kanyang pinaroroonan ako ay patungo
Sa dulo ng pasilyong ito siya'y taimtim na naghihintay
Sinuway ko ang tawag ng kahayokan ng damdamin
At hindi kumatok nang madatnan ang pintuan ng kanyang silid
"Hahayaan ko na lang siyang umidlip." sambit sa sarili

Martes

Siya, isang panibagong habol ng paningin, sumenyas
May ngiti siyang ipinakita bago dumiretso sa kasilyas
Sa silong ng eskuwelahan kung saan ako nag-aaral
Ako'y sumunod sa utos ng aking katigangan
Sumunod sa estrangherong may kislap sa kanyang ngiti
Ngunit dali-dali akong umalis nang mga mata ko'y nanlisik

Miyerkules

Ako ay nakaupo sa dulo ng bus, iniwan ng mga pasaherong inip
Napaisip at nag-iisip na bumaba na ngunit
May sumakay na lalaking marilag at ako'y nabihag
Hindi ko naiwasang hindi tumitig habang siya'y nakangisi
At sa kanyang pagtabi at mag-dikit ang mga biyas namin
Agarang tinawag ko ang kundoktor at pinahinto ang sasakyan

Huwebes

Mag-isa sa aking silid, nakahilata sa kama, Luna sa aking mukha
Ang diwa ay naglalakbay at may hinahabol na alaala
Bigla kong naalala may mensahe sa aking selepono
Isang hubad na larawan ng kausap ko nang wala pang limang araw
Nandilat ang aking mga mata at nagising ang aking diwa
Sa kalakhang kanyang ipinakita na aking di naman gaanong pinansin

Biyernes

Ikaw ay aking muling nasulyapan sa isang kainan
Malapit sa iyong tinitirhan, may kausap sa iyo'y nakikipagtitigan
O sa imahinasyon ko lang iyon?
Ngunit hindi ko maiaalis sa puso ko ang masindak,
Manlumo, malumbay na kaya **** mabuhay na wala
Ang init ng mga balat nating nagtatagpo.

Oh Diyos ko,

Ako'y pagbigyan mo makasama siya kahit isang gabi lang
Isang magdamagang nananaig ang kamunduan
Na maglapat ang aming mga dila
Na masubo ko ang kabuuan niya hanggang mabulunan
Na malasap ang alat ng pawis sa kanyang balat
Na mahila ko ang kanyang buhok sa gigil ng pagkasabik
Na muling takpan niya ang aking bibig, pinipigilan akong umimik

Sabado ng gabi may mensaheng bumungad sa'kin
Kami raw ay mag-hapunan at kumain ng pang-himagas hanggang Linggo ng umaga

At sa pagkakataong ito ay pumayag na ako.
Read more of my works on Tumblr: brixartanart.tumbr.com
Chris Balase Apr 2017
Uuwi nanaman ako sa luma kong tahanan
Titingin sa mga pader
At kakausapin ang mga sulok
Titingala, hihiling sa gabi at bituin
Na sana mapawi na ang kirot
Na nadarama ng puso

Masakit na ang mag isa

Masakit na ang walang mapaghingahan
At ang tanging tinig na maririnig
Ay ang alingawngaw ng isip

Pipilitin ko umidlip.
Pakiusap, hayaan mo akong umidlip
At manatiling ligaw
Sa panaginip kong ninakaw
Ng mga lumipas na araw
Dahil napagtanto ko na...

Masakit na ang mag isa.
Nothing beats your native tongue
Randell Quitain Apr 2018
kung umidlip 'man ang mga kataga,
subuka't pakinggan ang katahimikan;
nang mangagpahinga sa kabaliwan;
pintig ng puso'y tanging kapayapaan.
Sa mahimbing kong pagtulog
Dahil sa puyat at pagod
Umidlip at sinarado
Sa paligid ko’y hinayaang
Saglit ay isarado

Sa maingay na paligid
Akala ko’y isang panagip
Na ang tinig mo na nadirinig
Sa mahimbing kong pag tulog
Ay gumising

Pag tingin ko sa relong aking binabantayan
Oras na nga palang pumasok
Sa klase kong inaayawan
Pag mulat ko at pag tayo
Ng maputla kong labi at muka
Ariyan ka pala talaga

Napaka linaw pa saaking alaala
Lagi mo nga pala akong
Nakikitang natutulog , sa unang pagkikita
Natatawa , humahagikhik
Kahit pala tapos na tayo’y
Muli , madidinig iyong malambing na tinig

Mga alaalang bumalik
Sa unang pag uusap
Saaking pag-gising
Sa pag tulog kong mahimbing

Pag gising ko’y kasabay ng pag tumba
Pakiramdam ko’y nariyan ka pa
Puso kong tulog at natakot ng mahulog pa
Muli naka ramdam ng saya
Dahil kahit papaano
May pakialam ka parin pala sinta

“Andyan na prof niyo, kakapasok lang”
Mga salitang binanggit **** saglit
Gusto kong ngumiti ngunit nahihiya ulit
Pero salamat , dahil narinig ko muli iyong tinig
Na nag paalala saakin
Na bukod sa orasang aking binabantayan
Kailangan ko ng pumasok
Sa klaseng mag papalimot saakin
Ng iyong ala-ala sinta.

Muli.
This poem is dedicated to “my almost” / TOTGA
dear , im sorry . Sabi ko sa sarili ko hindi na kita gagawan ng tula pero nagawan ulit kita
Louise Mar 2019
Ang hikahos na mula sa iyong tinig
Na pilit nilulunod ng iyong isipang pawang taksil
Sa ikasasaya ng damdaming may kinukubling pag-asa
Ang siya ring hikahos na sisigaw nang malakas,
Sapat lamang upang mulatin ang diwang umidlip sa katotohanang
Ikaw ay karapat-dapat masilayan ng liwanag,
Maglakbay at sumapit sa nakukubli,
Magtangka sa walang katiyakan,
At ngumiti sa ibabaw ng kabiguan.
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.

— The End —