Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Leonoah Apr 2020
Alas sais y medya na ng umaga nang makauwi si Natividad mula sa bahay ng kanyang amo. Pagkababa n’ya ng maliit na bag na laman ang kanyang cellphone at wallet na merong labin-limang libo at iilang barya ay marahan siyang naglakad tungo sa kwartong tinutulugan ng kanyang tatlong anak. Hinawi niya ang berdeng kurtina at sumilip sa kanyang mga anghel.
Babae ang panganay ni Natividad, o di kaya’y Vida. Labindalawang taong gulang na ito at nasa Grade 7 na. Isa sa mga malas na naabutan ng pahirap na K-12 program. Ang gitna naman ay sampung taong gulang na lalaki at mayroong down syndrome. Special child ang tawag nila sa batang tulad nito, pero “abnormal” o “abno” naman ang ipinalayaw ng mga lasinggero sa kanila. Ang bunso naman niya, si bunsoy, ay kakatapak lamang ng Grade 1. Pitong taong gulang na ito at ito ang katangkaran sa mga babae sa klase nito. Sabi ng kapwa niya magulang ay late na raw ang edad nito para sa baiting, pero kapag mahirap ka, mas maigi na ang huli kaysa wala.
Nang makitang nahihimbing pa ang mga ito ay tahimik s’yang tumalikod at naglakad papuntang kusina. Ipagluluto niya ang mga anak ng sopas at adobong manok. May mga natira pa namang sangkap na iilang gulay, gatas, at macaroni na galing pa sa bahay ni Kapitan noong nangatulong siya sa paghahanda para sa piyesta. Bumili rin siya ng kalahating kilo na pakpak ng manok, kalahating kilo pa ulit ng atay ng manok, at limang kilo ng bigas.
Inuna niya ang pagsasaing. Umabot pa ng tatlong gatang ang natitirang bigas nila sa pulang timba ng biskwit kaya ‘yun na lang ang ginamit niya. Pagkatapos ay agad niya rin itong pinalitan ng bagong biling bigas.
De-uling pa ang kalan ni Vida kaya inabot siya ng limang minuto bago nakapagpaapoy. Siniguro niyang malakas ang apoy para madaling masaing. Kakaunti na lang kasi ang oras na natitira.
Habang hinihintay na maluto ang kanin ay dumiretso na sa paghahanda ng mga sangkap si Vida. Siniguro niyang tahimik ang bawat kilos para maiwasang magising ang mga anak. Mas mapapatagal lamang kasi kung sasabay pa ang mga ito sa kanyang pagluluto.
Habang hinahati at pinaparami ang manok ay patingin-tingin s’ya sa labas. Inaabangan ang inaasahan niyang mga bisita.
Mukang magtatagal pa sila ah. Ano na kayang balita? Dito lamang naikot ang isip ni Vida sa tuwing nakikitang medyo normal pa sa labas.
May mga potpot na nagbebenta na pan de sal at monay, mga nanay na labas-masok ng kani-kanilang mga bahay dahil tulad niya ay naghahanda rin ng pagkain, at mga lalaking kauuwi lamang sa trabaho o siguro kaya’y galing sa inuman.
Tulog pa ata ang karamihan ng mga bata. Mabuti naman, walang maingay. Hindi magigising ang tatlo.
Binalikan niya ang sinaing at tiningnan kung pupwede na bang hanguin.
Okay na ito. Dapat ako magmadali talaga.
Dali-dali niyang isinalang ang kaserolang may laman na pinira-pirasong manok.
Habang hinihintay na maluto ang manok ay paunti-unti rin siyang naglilinis. Tahimik pa rin ang bawat kilos. Lampas kalahating oras na siyang nakakauwi at ano mang oras ay baka magising ang mga anak niya o di kaya’y dumating ang mga hinihintay n’ya.
Winalis niya ang buong bahay. Maliit lang naman iyon kaya mabilis lamang siyang natapos. Pagkatapos ay marahan siyang naglakad papasok sa maliit nilang tulugan, kinuha ang lumang backpack ng kanyang panganay at sinilid doon ang ilang damit. Tatlong blouse, dalawang mahabang pambaba at isang short. Dinamihan niya ang panloob dahil alanganin na kakaunti lamang ang dala.
Pagkatapos niyang mag-empake ay itinago niya muna backpack sa ilalim ng lababo. Hinango niya na rin ang manok at agad na pinalitan ng palayok na pamana pa sa kanya. Dahil hinanda niya na kanina sa labas ang lahat ng kakailanganin ay dahan dahan niyang sinara ang pinto para hindi marinig mula sa loob ang ingay ng paggigisa.
Bawat kilos niya ay mabilis, halata **** naghahabol ng oras. Kailangang makatapos agad siya para may makain ang tatlo sa paggising nila.
Nang makatapos sa sopas ay agad niya itong ipinasok at ipinatong sa lamesa. Sinigurong nakalapat ang takip para mainit-init pa sakaling tanghaliin ng gising ang mga anak.
Dali-daling hinugasan ang ginamit na kaserola sa paglalaga at agad ulit itong isinalang sa apoy. Atay ng manok ang binili niya para siguradong mas mabilis maluluto. Magandang ipang-ulam ang adobo dahil ma-sarsa, pwede ring ulit-ulitin ang pag-iinit hanggang maubos.
Habang hinihintay na lumambot na ang mga patatas, nakarinig siya ng mga yabag mula sa likuran.
Nandito na sila. Hindi pa tapos ‘tong adobo.
“Vida.” Narinig niyang tawag sa kanya ng pamilyar na boses ng lalaki. Malapit niyang kaibigan si Tobias. Tata Tobi kung tawagin ng mga anak niya. Madalas niya ditong ihabilin ang tatlo kapag kailangan niyang mag-overnight sa bahay ng amo.
“Tobi. Andito na pala kayo,” nginitian niya pa ang dalawang kasama nitong nasa likuran. Tahimik lang ang mga itong nagmamasid sa kanya.
“Hindi pa tapos ang adobo ko eh. Ilalahok ko pa lang ang atay. Pwedeng upo muna kayo doon sa loob? Saglit na lang naman ‘to.”
Mukhang nag-aalangan pa ang dalawa pero tahimik itong kinausap ni Tobi. Maya-maya ay parang pumayag na rin ito at tahimik na naglakad papasok. Narinig niya pang sinabihan ni Tobi ang mga ito na dahan-dahan lamang dahil natutulog ang mga anak niya. Napangiti na lamang siya rito.
Pagkalahok ng atay at tinakpan niya ang kaserola. Tahimik siyang naglakad papasok habang nararamdaman ang pagmamasid sa kanya. Tumungo siya sa lababo at kinuha ang backpack.
Lumapit siya sa mga panauhin at tahimik na dinaluhan ang mga ito tapos ay sabay-sabay nilang pinanood ang usok galing sa adobong atay.
“M-ma’am.” Rinig niyang tawag sa kanya ng kasama ni Tobias. Corazon ang nakaburdang apelyido sa plantsadong uniporme. Mukhang bata pa ito at baguhan.
“Naku, ser. ‘Wag na po ganoon ang itawag niyo sa akin. Alam niyo naman na kung sino ako.” Maraan niyang sabi dito, nahihiya.
“Vida. Pwede ka namang tumanggi.” Si Tobias talaga.
“Tobi naman. Parang hindi ka pamilyar. Tabingi ang tatsulok, Tobias. Alam mo iyan.” Iniiwasan niyang salubungin ang mga mata ni Tobias. Nararamdaman niya kasi ang paninitig nito. Tumatagos. Damang-dama niya sa bawat himaymay ng katawan niya at baka saglit lamang na pagtingin dito ay umiyak na siya.
Kanina niya pa nilulunok ang umaalsang hagulhol dail ayaw niyang magising ang mga anak.
“Vida…” marahang tawag sa kanya ng isa pang kasama ni Tobi. Mukhang mas matanda ito sa Corazon pero halatang mas matanda pa rin ang kaibigan niya.
“Ano ba talaga ang nangyari?”
“Ser…Abit,” mabagal niyang basa sa apelyido nito.
“Ngayon lang po ako nanindigan para sa sarili ko.” garalgal ang boses niya. Nararamdaman niya na ang umaahon na luha.
“Isang beses ko lang po naramdaman na tao ako, ser. At ngayon po iyon. Nakakapangsisi na sa ganitong paraan ko lang nabawi ang pagkatao ko, pero ang mahalaga po ay ang mga anak ko. Mahalaga po sila sa’kin, ser.” mahina lamang ang pagkakasabi niya, sapat na para magkarinigan silang apat.
“Kung mahalaga sila, bakit mo ginawa ‘yon? Vida, bakit ka pumatay?”
Sasagot n asana siya ng marinig niyang kumaluskos ang banig mula sa kuwarto. Lumabas doon ang panganay niyang pupungas-pungas pa. dagli niya itong pinalapit at pinaupo sa kinauupuan niya. Lumuhod siya sa harap nito para magpantay sila.
“Anak. Good morning. Kamusta ang tulog mo?”
“Good morning din, nay. Sino po sila? ‘Ta Tobi?”
“Kaibigan sila ni ‘Ta Tobias, be. Hinihintay nila ako kasi may pupuntahan kami eh.” marahan niyang paliwanag, tinatantya ang bawat salita dahil bagong gising lamang ang anak.
“Saan, nay? May handaan po uli sina ser?” tukoy nito sa mga dati niyang amo.
“Basta ‘nak. Kunin mo muna yung bag ko doon sa lamesa, dali. Kunin ko yung ulam natin mamaya. Masarap yun, be.”
Agad naman itong sumunod habang kinukuha niya na rin ang bagong luto na adobo. Pagkapatong sa lamesa ng ulam ay nilapitan niya ulit ang anak na tinitingnan-tingnan ang tahimik na mga  kasama ni Tobias.
“Be…” tawag niya rito.
Pagkalingon nito sa kanya ay hinawakan niya ang mga kamay nito. Nagsisikip na ang lalamunan niya. Nag-iinit na rin ang mga mata niya at nahihirapan na sa pagbuga ng hangin.
“Be, wala na sina ser. Wala na sila, hindi na nila tayo magugulo.” ngiti niya rito. Namilog naman ang mga mata nito. Halata **** natuwa sa narinig.
“Tahimik na tayo, nay? Hindi na nila kakalampagin ang pinto natin sa gabi?”
“Hindi na siguro, anak. Makakatulog na kayo ng dire-diretso, pangako.” Sinapo niya ang mukha nito tapos ay matunog na hinalikan sa pisngi at noo. ‘Eto na ang matagal niyang pinapangarap na buhay para sa mga anak. Tahimik. Simple. Walang gulo.
“Kaso, ‘nak, kailangan kong sumama sa kanila.” Turo niya kayna Tobias. Nanonood lamang ito sa kanila. Hawak na rin ni Tobi ang backpack niya.
“May ginawa kasi si nanay, be. Para diretso na ang tulog natin at para di na tayo guluhin nina ser. Pramis ko naman sa’yo be, magsasama ulit tayo. Pangako. Bilangin mo ang tulog na hindi tayo magkakasama. Tapos pagbalik ko, hihigitan ko pa ‘yon ng maraming maraming tulog na magkakasama na tayo.”
“Nay…” nagtataka na ang itsura ng anak niya. Namumula na kasi ang mukha niya panigurado. Kakapigil na humagulhol dahil ayaw niyang magising ang dalawa pang anak.
“Anak parang ano lang ito…abroad. Diba may kaklase kang nasa abroad ang nanay? Doon din ako, be.”
Bigla ay nagtubig ang mga mata ng panganay niya. Malalaking butil ng tubig. Hindi niya alam kung naniniwala pa ba ito sa mga sinasabi niya, o kung naiintindihan na nito ang mga nangyayari.
“Itong bag ko, andiyan yung wallet at telepono ko. Diba matagal mo nang gusto magkaroon ng ganon, be? Iyo na ‘yan, basta dapat iingatan mo ha. Yung pera be, kay Tata Tobias mo ihahabilin. Habang nagtatrabaho ako, kay ‘Ta Tobi muna kayo.”
“Nay, hindi ka naman magtatrabaho eh.” Lumabi ang anak niya tapos ay tuluyan nang nalaglag ang luha.
Tinawanan niya naman ito. “Sira, magtatrabaho ako. Basta intayin mo ‘ko be ha? Kayo nina bunsoy ko, ha?” Hindi niya napigilang lambing-lambingin ito na parang batang munti. Kailangan ay sulitin niya ang pagkakataon.
Paulit-ulit niya itong dinampian ng maliliit na halik sa mukha, wala na siyang pakealam kung malasahan niya ang alat ng luha nito. Kailangan ay masulit niya ang natitirang oras.
“Nay, sama po ako. Sama kami ni bunsoy. Tahimik lang kami lagi, pramis, nay. Parang kapag andito si ser, hindi naman kami gugulo doon.” Tuluyan na ngang umalpas ang hikbi niya. Naalala niyang muli ang rason kung ba’t n’ya ito ginagawa. Para sa tahimik na buhay ng mga anak.
“Sus, maniwala sa’yo, be. Basta hintayin mo si nay. ‘Lika ***** tayo doon sa kwarto, magbabye ako kayna bunsoy.” Yakag niya rito. Sumama naman ito sa kanya habang nakayakap sa baywang niya. Humihikbi-hikbi pa rin ito habang naagos ang luha.
Tahimik niyang nilapitan ang dalawa. Kinumutan niyang muli ang mga ito at kinintalan ng masusuyong halik sa mga noo. Bata pa ang mga anak niya. Marami pa silang magagawa. Malayo pa ang mararating nila. Hindi tulad ng mga magulang nila, ‘yun ang sisiguraduhin niya. Hindi ito mapapatulad sa kanila ng mister niya.
“Be, dito ka na lang ha. Alis na si nanay. Alagaan mo sina bunsoy, be, ha. Pati sarili mo. Ang iskul mo anak, kahit hindi ka manguna, ayos lang kay nanay. Hindi naman ako magagalit. Basta gagalingan mo hangga’t kaya mo ha. Mahal kita, be. Kayong tatlo. Mahal na mahal namin kayo.” Mahigpit niya itong niyakap habang paiyak na binubulong ang mga habilin. Wala na ring tigil ang pag-iyak niya kaya agad na siyang tumayo. Baka magising pa ang dalawa.
Nakita niya namang nakaabang sa pinto si Tobi bitbit ang bag niya. Kinuha niya rito ang bag at sinabihang ito na ang bahala sa mga anak. Baog si Tobias at iniwan na ng asawa. Sumama raw sa ibang lalaking mas mayaman pa rito. Kagawad si Tobias sa lugar nila kaya sigurado siyang hindi magugutom ang mga anak niya rito. May tiwala siyang mamahalin ni Tobias na parang sarili nitong mga anak ang tatlo dahil matagal niya na itong nasaksihan.
Pagsakay sa sasakyan kasama ang dalawang pulis na kasama ni Tobias ay saka lamang siya pinosasan ng lalaking may burdang Corazon.
“Kilala namang sindikato yung napatay mo, ma’am. Kulang lamang kami sa ebidensya dahil malakas ang kapit sa taas. Kung sana…sana ay hindi ka nag-iwan ng sulat.”
“Nabuhay ang mga anak kong may duwag na ina, ser. Ayokong lumaki pa sila sa puder ng isang taong walang paninindigan. Pinatay niya na ang asawa ko. Dapat ay sapat na ‘yon na bayad sa utang namin, diba?” kung kanina ay halo humagulhol siya sa harap ng mga anak, ngayon ay walang emosyong mahahamig sa boses niya. Nakatingin lamang siya sa labas at tinititigan ang mga napapatingin sa dumadaang sasakyan ng pulis.
Kung sana ay hindi tinulungan ng mga nakatataas ang amo niya. Kung sana ay nakakalap ng sapat na mga ebidensya ang mga pulis na ngayon ay kasama niya. Kung sana ay may naipambayad sila sa inutang ng asawa niya para pambayad sa panganganak niya.
Kung hindi siguro siya mahirap, baka wala siya rito.
unedited
Pumikit
Lasapin ang bawat saglit na lumalangitngit ang pawis sa inyong balat na magkadikit.
Huwag niyong ipagkait sa apat na sulok ng silid ang kanilang karapatan masilayan ang inyong pagmamahalang saglit

Igapang mo ang iyong mga nananabik na daliri sa pambalot ng kanyang laman,
Sa bawat segundong inuudyok at kinikililiti ang iyong kasiping
isiping siya ay isang anghel na ipinadala ng diyos ng dilim ng silid

Manampalataya
Manalangin na ang sandaling maglapat ang iyong labi sa kanyang katawan ay pang-matagalan
Na ang pagsamba mo sa kanyang katawan ay magiging makatarungan

Iyong lubusin ang pag-halo ng laway at pawis
Tumingin sa pagkinang ng namumuong asing itinuturing **** bituin
dahil sa bawat paglamas ng inyong dila sa isa't-isa, dahil sa pagdurugo ng labi, dahil sa panggigil at kagutuman at libog ng katawan at isipan
Hangga't siya'y nagugutom at uhaw sa maling pagmamahalan–

Kumapit
Hayaan ang sarili maipit sa kanyang bisig sa tuwing pipilipitin niya ang iyong isip
gamit-gamit ang kanyang mga matang nanlilisik sa pagnanasa at tamis na kay pait

Ang kanyang mga mata na nagpapakita ng kaluluwa na umiiyak dahil hindi kayo para sa isa't-isa
Iyong nahihinuha na pareho lang kayong dalawa, parehong kumakapit sa ideya na ang pakikipagkantutan ay paraan para mahanap ang pag-ibig na bumabalot sa mundo't umaakap

Umakap
Panghawakan ang alapaap at huwag kang kukurap para masilayaan ang pamumuo ng mga ulap sa kanyang mga mata,
Ang pagbaha ng inyong mga kalooban dahil sa pagragasa ng inyong kahayukan

Ngunit wag kang magpahinga.
Hayaan mo siya ang mauna sa pagpapahinga,
Ito ay senyalis ng pagkapagod at pagsuko sa kasiyahan na inyong tinatamasa
Masasabi **** masalimuot ang karanasan na ito kahit nilubos mo ang pagkakataon na kayo ay nag-indakan sa bawat sulok ng silid na madilim
na sa pagtapos wala na kayong ibang magawa kung hindi–

Huminga
Huminga ng malalalim bago umalpas ang inyong kamunduang pangsandalian
At sa pagwaglit ng iyong hanging ibinuga, tanggapin sa sarili na libog lang ang inyong nadama
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol

— The End —