Ang kalayaang ipinagkait sa akin ng tadhana,
ang kalayaang gumala na naglaho parang bula.
Singlayo ng mga tala, hindi maabot,
nawala dahil sa isang pagkakamali—
isang pagkakamaling hindi sinasadya.
Ngunit ang pagkakamaling iyon,
nauwi sa paulit-ulit na pagkakasala,
hanggang naging bahagi ng bawat araw.
Dalawampung taon akong nabuhay
sa mundong walang tiwala
mula sa aking mga magulang.
Ilang beses kong binalikan
ang mga tanong,
nagbabakasakaling hanapin ang sagot.
O, kalungkutan, lubayan mo na ako!
Naririnig ko ang ulap, umiiyak,
pumapatak ang luha nito.
Ang kanilang tingin sa akin—
isang nilalang na walang halaga,
isang pagkakamali na kailanman
ay hindi mababawi.
Hawak ko ang katotohanan—
ang katotohanang natatakot akong tanggapin.
Balang araw, tatawagin akong salot sa lipunan.
Milyon-milyong mata, tenga, at bibig
ang naghusga sa akin,
tila alam ang bawat lihim ng aking pagkatao.
Sa pagitan ng pag-alis at pagbalik,
paaralan man o klinika ng espesyalista,
ang paghihintay ay tila isang habambuhay.
Limang taon kong idinalangin sa Diyos
na tupdin ang aking hiling,
at nangyari nga.
Ngunit kahit nakakulong ka na,
hindi ko magawang maging masaya.
Pagkakamali nating dalawa ito,
ngunit ikaw lamang ang pinarusahan.
Ikaw ang naging katahimikan
sa maingay kong mundo.
Ngunit nang muli kitang makita,
sa presinto, harap-harapan,
tila apoy ang bumalot sa kapaligiran.
Tanim na poot at galit
ang bumalot sa aking puso.
Sa pagtulog ko,
rinig ko ang tiktak ng relo.
Minsan, nilaro ako ng panaginip—
kasama raw kita.
Gising, natutulala ako,
nalulunod sa lalim ng iniisip.
Sa gitna ng pagbalik-tanaw,
nananatili ako sa kama,
hinihintay ang sagot
sa mga tanong ng aking isipan.
Sapagkat ang buhay,
tulad ng gulong—
minsan nasa itaas,
minsan nasa ibaba.