Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.
Ilang dekada na
Lumaban ka raw para sa amin
Hindi ko man lamang naabutan
Patungo raw iyon sa demokrasya.

Tingnan mo kami ngayon
Ang daang matuwid ay putikan
Ganito pala ang lasa ng imoralidad
Na kayo-kayo rin ang nagtimpla.

Marami nang nakatikim
Ng pait at kakunatan ng inyong hain
Ilan pa ba ang papalasapin?
Kaawa-awang mga dila
Mapapaso't kikirot
Dulot ng sarili ninyong mantika.

Katulad ng ibang baboy,
Ilalabas ka sa hawla
Nakalilihi ba doon?
Kaya nanlumo kayo sa taba
Tabang walang kainaman
Hindi magamit panggisa ng kamalian.

Sandamakmak pala kayo
Nagsanib-puwersa sa looban
Pinakakain nang tama, pinagsisilbihan
Bagkus tambay sa kurapsyon
Sa kulungang may posisyon.

Bakal ang tali nyo
Kaya't sumuko na't wag pumiglas
Pagkat sa putikan ang  ruta
Yang putikang kayo rin ang may gawa.
Napanood ko sa TV ang pagpa-check up ni Enrile.
Madelle Calayag Jan 2020
Pagmasdan mo ako.

Damhin mo ang magaspang kong palad na bagamat ay nangulubot ay syang humahalik sa putikang sakahang pinaghihirapan.

Titigan mo ang mga mata kong hapung-hapo sa pagtanggap sa bagsak-presyong palay na katumbas ng presyo ng isang tsitsirya.

Ngunit, pakikinggan mo ba sila sa sasabihin nilang wag kaming papamarisan?

Sa bawat hakbang ko papalayo sa lupang sakahan

ay sya namang hakbang ko papalapit sa mataas na antas ng pakikibaka.

Kakalabanin ang pasistang gobyernong pilit yumuyurak sa katulad naming mga dukha.



Isa ako sa may pinakamaliliit na tinig sa lipunan.

Isa ako sa hindi maintindihan ng nakararami na isa sa mga nagtatanim ngunit ngayon ay walang makain.

Patawarin mo ako sa paglisan ko’t pagsama sa mga pagpupulong at sa pakikidigma para sa natatanging kilusan.

Dahil ako ang bumabagtas sa estrangherong lugar na kung tawagin ay Maynila.

Ako ngayon ang mukha ng mga magbubukid, ng mga inapi at ng mga pinagkaitan ng karapatan sa ilalim ng berdugong administrasyon ng bayan kong hindi na nakalaya.

Ako ang estrangherong kumilala sa bawat sulok at lagusan ng Mendiola na piping-saksi sa mga panaghoy naming kailanma’y hindi pakikinggan ng nakatataas.

Ako at ng aking mga kasama, ang bagong dugong isasalin sa sistemang ninanais naming patakbuhin.

Patawarin mo ako sa pagpili kong matangay sa agos ng mabilisang kamatayan tungo sa pulang kulay ng rebolusyon.

Ngunit, kailanman ay hindi nyo maiintindihan,

na hindi naging mali na ipaglaban ko ang aking bayan.
for the Filipino farmers
062721

Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.

Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.

Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.

T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.

Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.

Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.

Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.

Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.

Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.

At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.

— The End —