Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
El Aug 2017
limampung pulgada ang pagitan ng ating upuan
limampung pulgada na tila parang isang kilometro ang distansyang kinakailangang tahakin
upang maipatong ang braso sa pahirabang nakaumbok sa gitna ng ating luklukan,
kung saan ang iyong braso'y nakapatong rin.

apatnapung pulgada nang sumara ang ilaw kasabay ng aking mga mata
kung saan sinakop tayo ng karimlang mas madilim pa sa kalagitnaan ng takipsilim
ngunit ako'y nakatayo, naglalakad na patungo sa'yo –
mga kamay na kinakapkap ang malalambot na pulang ulo
sakaling ako'y mahulog dahil ang ninanais kong sumalo sa akin
ay apatnapung pulgada pa ang layo.

(tatlumpu, dalawampu, sampu)
bawat tapak na nanatiling tahimik, maingat.
(siyam, walo, pito)
natatanaw kita sa halip ng dilim kung saan wala talagang makita, makilala.
(anim, lima, apat)
para bang lahat ng puso sa silid ay nagsabayan sa pagsigaw.
(tatlo, dalawa, isa)
nasa tabi na ki–

bumukas ang mga ilaw, kasabay ng aking mga mata;
pumalakpak ang lahat.

Limampung pulgada pa rin ang pagitan ng ating upuan.
Angela Mercado Sep 2016
//
Umahon ang buwan mula sa kanyang pagtulog. - sabik na sabik sinagan ang sanlibo't isang nayong naghihintay sa kinang niya.
Madilim at malamig; makapal ang mga ulap sa langit. Higit ang pagnanais sa kanyang pagdampi.

At siya'y lumiwanag.
Kumislap.
Ang kinang ng sigurado sa alon-along pagtatanong-tanong.

Ang nag-iisang tiyak sa langit ng duda.

Buong gabi niyang niyakap ang mga pueblong hitik sa pangamba. Winalis ang takot na dala ng langit na obskura.
Buong gabi niyang tangan ang bawat pulgada ng bahala.

Hanggang sa bumangon ang araw mula sa kanyang paghimbing
- sagisag ng kanyang muling paggilid.

Sa gilid.

Sa gilid ang kanyang pedestal.

Ano ang laban sa kinang na hatid ng araw? Lunduyan ng liwanag, sastre ng pagtitiyak.

Sa gilid ang kanyang pedestal.

Pagkat alam ng buwan na iba ang kislap niyang hatid - kinang na kikinang, ngunit 'di maglililimlim.
Kinang na pupuno lamang sa langit ng dilim; sa gilid

ang kanyang pedestal.

Pagkat iba panghabambuhay na paghalik sa pandaliang pagtangan;
na iba ang gusto
sa kailangan.

— The End —