Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Katryna Mar 2018
Balik tayo sa simula.
Sa lugar kung saan tayo unang nagkita.
Kung kelan natuto tayong pahalagahaan ang isat-isa.

Balik tayo sa simula. 
Kung kelan natuto tayong pahalagahan ang bawat minuto nang ating isang oras.

Ang isang lakad na nauwi sa maraming pang paroon at parito.
Mga paglubog at pagsikat ng araw na tayo lang ang magkasama.

Balikan natin ang mga araw na tayo lang ang nakakaintindi sa sakit, pagod, saya at pinagsamahang mga problema.

Balikan natin ang simula,
Mga tawanang mistulang walang katapusan
Kwentuhang walang patid at tila walang katahimikang babasag sating ingay.

Balikan natin ang saan, kelan at paano tayo nagmahalan.

Kasi mahal, 

baka sa ganitong paraan.
Maisalba natin ang napipinto nating hiwalayan.
Jose Remillan Sep 2013
Pangarap kong maipinta ka
nang hubo't hubad gamit
ang ang luha at luwad na
lupang humulma sa gayak na
engkantasyon ng aking
mga mata.

Iguguhit ko ang kurba ng iyong
balakang gaya ng along nakikipagniig
sa malaking bato sa dalampasigan.

Ilulugay ko ang mahaba ****
buhok hanggang sa magmistula
itong malabay na lambong
na magkukubli sa'yong
kahinaan.

Igugughit ko ang iyong kabuuhan
gaya ng isang paslit na namamangha
sa hiwaga ng mariposang paroo't
parito sa alindog ng rosas ng
digma.
For Ms. Jinky Tubalinal
Bacoor City, Philippines
May 2013
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Jose Remillan Sep 2013
Makailang ulit kong
Tinahak ang lansangang ito
Patungo sa layo at lapit
Ng ating pag-ibig.

Sa himig at pintig,
Puso't isip nati'y
Kapwa nananalig. Dinadaig
Ang siklo ng pagpaparoo't parito

Ng mga gulong na
Libong ulit man akong
Tangayin palayo at palapit sa'yo,
Ang lansangang ito ay
Mananatiling lantay na lansangan

Sapagkat ikaw ang daan.
For Jinky Tubalinal.

SLEX is an acronym for South Luzon Express Way, a superhighway
that connects the imperial Manila to the southern provinces of Luzon.

Quezon City, Philippines
April 2013
reyftamayo Jul 2020
sisinghap-singhap ang dekada
ng mga makabagong bayani
inaalat na tulad
ng mga butil-kaliskis na balakubak
kasingpait ng mga nakakubling libag
sa talampakan nitong maglulupa
wala na ang simoy
ng amihan sa kanayunan
pinalitan ng umaangil
na ulap ng nagbabagang pulbura
parito, paroon
palitan ng mga tinggang
hugis karayom
walang patawad na babaon sa kalamnan
ngunit ang mga bayani
ay hindi malilimutan
malibing man
maagnas at maisama
sa lupa nitong ipinaglaban

— The End —