110315
May iilang mag-aalok sa kanya
Sa isang tila uhaw sa pag-ibig o pagkalinga.
May iilang pipila't iigib,
Pero pagod na siya sa pagbibigay,
Kaya't puros kalawang na lamang ang taglay.
Pero may iilan din namang magtitiyaga't magpapagod,
Bumalik lang sa dati ang bukal na may pag-ibig.
Pag sa hapag-kaina'y nakatambay lang siya,
Nakaabang sa hihingi't pamatid uhaw lang daw.
Pero ba't siya nananatili sa isang katauhan?
At siya mismo ang daan
Para umagos ang buhay mula sa lalamunan.
Siya'y luha ng kalangitan,
Hindi bunga ng galit o anumang pangit na nakaraan.
Natural lang na bumagsak siya,
At kahit na napakasakit nang pagkakalumpo'y
Hahalik pa rin siya sa lupa nang may pagpapakumbaba.
Wari niya'y kaylalim at kaylawak ng kanyang sinasakupan
Pagkat tila lahat ay kanyang pag-aari.
Bagkus, siya'y dinaraanan lamang ng mga sasakyan.
Binubugahan ng kung anu-anong kemikal
At ihahalo sa kanyang malabirheng katauhan.
Kahit siya'y Ina para sa napakaraming mga buhay,
Tagapangalaga ng kanyang sakop.
Minsa'y tatapunan ng dumi,
Tatabuyin niya ito bagkus di niya kaya.
Pagkat yayakain niya ang iilan,
Aakayin at magiging palutang-lutang
Hanggang sa maging saksi ang kalangitan.
Ang iba nama'y papatawarin niya't
Itutungo na lang sa kanyang kalaliman,
Hanggang sa hindi sila makalisan at doon ang kamatayan.
Pag siya'y nagbiro, doon lamang siya papansinin.
Kailangan pala siya, pero sinasayang ang tagas paminsan.
Sinasadya siyang limutin at kaligtain,
Pagkat lagi naman siyang nariyan
Kaya'g ayos lang sa ibang siya'y abusuhin.
Napapagod, nauubos, naninigas, natutunaw,
Paulit-ulit, pababalik-balik kanyang buhay.
Pero pag-ibig niya'y kumot para sa sarili.