Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kelly Bitangcol Nov 2016
Noong Nobyembre 8 2016, magandang araw ang aking naranasan. Lahat ng tao ay naging mabait sa akin, masaya ang mga pangyayari at nakangiti ako buong araw. Nang sumapit ang hapon at ako ay pauwi na galing sa eskwelahan, mayroong ibinalita sa akin ang aking ina. At dahil sa balita na iyon, nasira ang aking mabuting araw, at napalitan ng pagiging miserable. Isang pangyayari na tumatak sa isip ng madaming Pilipino,  isang pangyayari na naghimok sa akin upang magsalita at lumaban. Noong Nobyembre 8 2016, pinayagang ilibing ang dating presidente at diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.


          Bayani ba si Marcos? Siya ay naging presidente ng Pilipinas sa loob ng dalawampu’t isang taon. Alam nating lahat ang kanyang mga nagawa, dahil sa kanya mayroong NLEX, at iba pang mga imprastraktura at gusali. One is to one ang peso at dolyar noong kanyang panahon. Madami siyang nagawa para sa ating bansa. At sabi nga ng maraming Pilipino, ginawa niyang mayaman ang Pilipinas. Pero ano nga ba ang katotohanan? Noong ako ay bata, nasa isip ko rin na si Marcos ay naging magaling na Presidente at pinaganda niya ang Pilipinas. Pero nang ako ay tumanda, nalaman ko ang mga katotohanan na ayaw tanggapin ng karamihan. Bago pa maging presidente si Marcos, mayroon ng malaking oportunidad na magkaroon ang Pilipinas ng economic bloom, at yuon ay dahil sa administrasyon ng mga dating Presidenteng si Magsaysay at Macapagal. Kung mayroong dapat ikredito kay Marcos yuon ay ang pagpapayag niya ng paghiram ng malaki at ang ginawa niyang malalaking utang sa mga dayuhan na dapat kanyang gamitin para sa industrialization at pagpapaunlad. Ngunit sinayang ng rehimeng Marcos ang lahat ng perang ito sa pamamagitan cronyism at katiwalian. Ang hindi alam ng nakakaramihan ay isa siyang kurakot na lider, at ang kanyang mga utang ay babayaran natin magpahanggang sa taong 2025. Oo, madami siyang naipatayong mga imprastraktura at may mga nagawa siya sa bansa, pero hindi ba galing sa mga Pilipino ang pera na iyon? Nasa kapangyarihan siya sa loob ng dalawampu’t isang taon, malamang sa malamang ay madami siyang magagawa. At hindi ba responsibilidad iyon ng isang presidente? Na paglingkuran ang bansa? Bakit kailangang isumbat iyon? Ang daming bagay na hindi alam ng mga Pilipino at lubos na nakalulungkot ito, ang mas nakakalungkot pa ay ang mga nakalimot sa Martial Law. Pinili ng mga tao na kalimutan ang mga totoong bayani, na nagbuwis ng buhay nila para sa bansa na ito. Nakalimutan nila ang mga libo libong tao na namatay at nasaktan. Nakalimutan nila ang dami ng dugo, at sakit na dinanas ng Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang demokrasyang binura ng administrasyong Marcos ay pilit na kinalimutan ng mga mamamayan ngayon dahil sa kadahilanan na ginawa naman nitong maganda ang bansa. Ang kalayaan na ipinaglaban ng mga Pilipino noon, ang kalayaan na dahilan upang makapagsulat ako ngayon, ay hinding hindi ko makakalimutan. Mga perang ninakaw,  mga Pilipinong lumaban pero namatay at nasaktan, mga karapatan na nayurakan, gaanon nalang ba kadaling kalimutan? P167.636 bilyon na ninakaw, 3,264 na namatay, 34,000 na tinorture at 70,000 na nakulong. Hindi bayani si Marcos, at kahit kailan hindi siya magiging bayani.


       Ang pangyayaring ito ay isang malaking bahagi sa ating kasaysayan at bansa. Sinasabi nila na tayo ay mag move on at magpatawad, pero paano natin ito mabibigay kung wala namang nanghihingi nito? At wala sa kanila ang desisyon kung kailan tayo magbibigay ng tawad. Habang ang mga Pilipino ay pinatay ay ninakawan, ang pamilya niya ang nagsasaya dahil sa kanilang yaman at dahil sa pagiging bayani ni Marcos. Sa pangyayari na ito, parang nabura ang ating kasaysayan. Para nating kinalimutan lahat ng nangyari. “Buti pa si Marcos may bangkay.”, sabi ng isang pamilya na hindi pa nahahanap ang bangkay ng isang Martial Law victim. Paano tayo magmomove on sa isang pangyayari na hindi pa naman nagkakaroon ng maayos na wakas? Ito ay parang paglagay ng asin sa sugat na hindi pa naghihilom. Ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan, sa katunayan, ay sobrang nakakatakot. Nakikita ko na simula ito ng panibagong panahon na walang demokrasya at pagapak sa mga karapatan. Baka masyado tayong takot sa kasaysayan, pero hindi tayo takot na maulit ito. Pero hindi ako titigil, hindi dapat tayo tumigil, upang ipaglaban ang tama. Tayo ay magsalita, at lumaban para sa ating bansa. Huwag tayong susuko para makamit ang tunay na hustisya.  Hahayaan ba natin na maulit ang madilim na nakaraan? Hindi na muli.

*(k.b)
deadwood Oct 2017
Hindi minsang naisip ng aking munting ulo na ika'y darating sa aking buhay.

Araw-araw nakikita kita mula sa pagpasok mo sa paaralan, pag-akyat ng hagdan, at paglagay ng bag sa ilalim ng upuan.

Araw-araw ako'y napapaisip, kung ano ba't lagi kang tahimik, laging malamig ang hangin, at laging tulala ka sa papel mo na walang laman kahit sulat man o doodle.

Ano ba?

Kung sa tingin mo ay nagkakagusto ako saiyo ay hindi ka nagkakamali ngunit hindi ka rin tama.

Binibini, ako'y nangangamba kung ano man ang nasa isip mo.

Sa unang tingin pa lang ay makikitang hindi ka pangkaraniwang estudyante.

Ikaw yung tipong hindi magsasalita kahit na nahihirapan, yung tipong hahayaang magpasakal sa taong kaniyang iniibig, yung tipong kagaya ko.

Araw-araw tinatanong ko ang Panginoon at sarili kung ano ba't nakita kita at nakilala?

Hindi ako nagkamali, katulad na katulad mo nga ako.

Katulad mo akong ayaw bumitaw sa patalim ng pag-ibig kahit na paulit-ulit na itong isinaksak sa aking puso.

Katulad mo akong gagawin ang lahat maibalik lang ang nakaraan kahit na matagal na niya akong itinakwil at iniwan.

Katulad mo akong malungkot na nagmamahal araw-araw.

Kaya, binibini, sana'y makaabot sana saiyo ang mumunting mensaheng ito mula sa wasak kong puso:

Mahalin mo man siya o oo, mamahalin pa rin kita araw-araw.
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
120522

Kaba ng puso ko’y Iyong pasan
Pilit ko mang labanan
Ang mga delubyong namamasukan
Ay kusa kong ibinabaling Sa’yo ang tingin.

Pagkat kailanma’y hindi ako nag-iisa
At sa bawat giyera’y Ikaw ang aking Sandata.
Ang hiwaga ng Iyong pag-ibig
Ay higit pa sa kung anumang bala’t palaso
Na sa akin ay hinahagis upang ako’y sumuko na.

Hindi ako nagmamataas
Na kaya kong patuloy na tumayo
Sa kabila ng mga patibong
Habang ako’y nakapikit pa.

Ngunit sa aking paniniwalang
Ikaw ang aking Buhay,
Ay Ikaw rin ang magbibigay daan
Sa patuloy kong paglagay
Patungo sa aking patutunguhan.

Sa aking pagbimbing
Ay palagi Kang gising —
Nakamulat at ako’y pinagmamasdan
At patuloy na hinihingahan ng buhay.

Nang sa aking paggising
Ay hindi kung kani-kaninong tinig
Ang aking hahanapin.
Pagkat ang nais ng puso ko’y
Sa’yo ako pumisan habambuhay
At Ikaw ay makapiling at maranasan
Sa mga susunod pang bukas
Nang wala nang pangamba pa.

— The End —