Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
AgerMCab Jul 2019
Sa aking isipan, ika'y aking kapiling
Sa aking gunita, alaala mo'y hiling
Ngunit sa'n ako huhugot ng alaala
Kung sa langit kasama ka na ng mga tala

Hindi man lang kita nasilayan
Mukha mo ay hindi rin namasdan
Bisig ko ay hindi ka nabuhat
Init mo'y di ko manlang nadama

Ano kaya ang himig ng iyong pag iyak?
Musika ba sa akin ang iyong halakhak?
Maliliit **** kamay, nais kong hawakan
Habang mga titig mo'y di pakakawalan

Sa diwa ko'y yakap yakap kita
Habang ako ay may heleng kanta
Sa gayon sa iyong mga labi
Mayrong hatid na maamong ngiti

Aking anghel, dito sa puso ko
Mananatili bawat pintig mo
Dito sa aking diwa at isip
Habang buhay kitang iuukit
Angel Aug 2018
Hawakan mo aking kamay
Magpadala sa agos ng buhay
Huwag sayangin ang oras
Huwag hayaang lumipas

Mga sandaling kay saya
Mga araw na malaya
Tila wala ng bukas pa
Sa mga kamay mo aking sinta

Ngunit ako'y nagising
Sa isang panaginip
Wala ka sa aking piling
Hinanap ka sa paligid  

Lumipas ang mga sandali
Nakita ang mga mali
Nawala ang lahat sa isang saglit
Nakitang ako'y pinagpalit

Namasdan ang iyong saya
Namasdan na ika'y malaya
Masaya, malaya sa piling ng iba
Lahat ng yon ay panaginip lang pala
aL Jan 2019
Muling pagtibok ng tigang na puso
Namasdan sa mga bilang na segundo
Tagos hanggang sa ikalawang pagkatao
Nang masilayan ang ganda ng isang mapagtago

Naiwan sa panaginip ang kamusmusan
Ikalawang pagkatao=real you

— The End —