Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AgerMCab Jan 2019
Dumating ka sa buhay ko ng hindi ako nakahanda
Ni hindi ko inaasahang  mayroon pang nakatakda
Akala kong wala na, ngunit humabol pa ang tadhana
Pag ibig mo'y wagas, ang wika mo sa harap ni bathala

Nagagalak ang aking puso na may halong pagkagulat
Ang iyong tagong pag ibig sa wakas iyong siniwalat
Pagmamahal na tila sa mundong ito hindi nagmula
Pag ibig na wari ko nga ay galing sa ibang planeta

Ang kagulat gulat, kaya ko palang magmahal higit sa akala ko
Pagmamahal na magagawa kong ihinto ang lahat, para lang sa iyo
Gusto ko sanang ipaalam, ipagsigawan at ihiyaw sa buong mundo
Na ikaw ay akin at akin lang sana, ngunit maaaring dulot ay gulo

Natuto tuloy akong sumigaw ng pabulong
Hanggang kelan ko kaya kakayaning bumulong
Ang pag ibig ko ngayon tila ay hindi makasulong
Ang katagang "mahal kita", tila presong nakakulong

Sa ngayon, ang alam ko, NGAYON ang mayroon ako
Hindi ko nga alam kung anung bukas mayroon tayo
Sa ngayon, ang ngayon lamang ang pinanghahawakan ko
Yung ngayong minamahal kita at mahal mo rin ako

Yung ngayon na naririto ka sa buhay, sa puso, at isip ko
Yung ngayon na sa iyo lamang umiikot ang buong buhay ko
Kumikislap ang mga mata at ngumingiti ang mga labi
Na para bang sa mga pangarap ay may bukas na hinahabi

Sa aking pangarap ang lahat lahat sa iyo'y akin
Mula anino, pati iyong diwa'y aking angkin
Ngunit paano kung ako'y magising na, lahat magwawakas
Ikaw rin ba'y nangarap na para bang tayo'y mayroong bukas?

Ang tunay daw na pag ibig ay hindi mapag ari
Paano ang gusto kong ika'y aking gawing hari?
Nais ko'y akin lang, ang iyong ngayo't iyong bukas
Sana'y akin ka hangga't ako'y mayroon pang lakas

Darating ang panahon, tayo'y magwawalay
Sa oras na yan mundo ko'y malulumbay
Sadyang kailangan ko nga lang tanggapin
Ika'y hindi kayang tuluyang maangkin

Ganap ang dusang nasa akin
Dahil ikaw ang aking hangin
Ang aking araw, aking langit
Aking tala at buwan sa dilim

Oo't may dahilan kung bakit ngayon tayo pinagtagpo
Kung anumang dahilan isipin pa ay nakakahapo
Ni hindi nga natin alam kung hanggang kailan ito
Ano kaya bukas? Ikaw pa kaya ay naririto?

Alam kong kahit kailan, hindi mangyayari
Na sa aking pagtanda, ikaw ang aking hari
Ikaw ang kapiling, kamay mo ang aking hawak
Aalalay s'aking tungkod, lalakad ng malawak

Pakinggan na lamang sana ang aking pangako
Kasal-kasalang pauso ay aking inako
Wala man tayong mga saksi
Basbas ng simbahan o pari

Di man nakasuot ng damit pangkasal, wala rin ako pati mga abay
Galak ay lubos parin kung ikaw ang kaagapay
Ako'y handang maging sa iyo, sa abot ng aking gunita
Maging kalaban ko man ang lahat, dahil sa aking panata

Akoy gagawa ng altar na aking sarili
Upang sa aking bibig sumpa ay mamutawi
Pangakong ikaw lang ang mahal sa habang buhay
Hanggang sa dumating aking araw ng paghimlay

At kung sakaling akoy mabigyan, ng pagkakataong muling mabuhay
Kahit sa ibang panahon, hahanapin ka ng puso ko ng walang humpay
Upang taimtim na panatang binitawan, ay maisakatuparan
Pag-ibig na walang hangganan, pagmamahal na walang katapusan
#tagalogpoetry #tagalogpoem #tulangfilipino
Eugene Aug 2017
ni Reagan A. Latumbo

Hindi man ako biniyayaan ng karangyaan,
O nakakain ng masasarap na pagkain sa hapag-kainan,
O nakabili at nakasuot ng magagarang kasuotan,
Kuntento naman ako sa lahat noong panahon ng aking kabataan.

Mahirap man ang buhay na aking pinagdaanan,
Milya man ang nilalakad ko noon marating lang ang paaralan,
Ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-abot ng aking pangarap kahit na nasaktan,
Tiniis ko ang lahat dahil Siya ay nariyan.

Kahit na pandinig ko ay unti-unti na ngayong nawawala sa akin,
Nariyan pa rin si Ama at ako ay hindi Niya pinababayaan.
Kaya kahit ako man ay may kapansanan,
Naibabahagi ko pa rin ang aking talento at kaalaman.

Sa mundong aking pinapasukan,
Sa trabahong aking iniingatan,
Kahit bingi man ay marami pa rin akong natutulungan.
Mga baguhang empleyado ay aking tinuturuan.

May kapansanan ka man o wala,
Ang pagtulong ay hindi dinadaan sa usap-usapan.
Ito ay kusang ginagawa at pinaninindigan,
Maraming tao ang lubos na masisiyahan kung tulong mo ay hindi ipinagkakait sa kanilang harapan.

Bingi ka man o bulag o kulang ka man ng kamay o paa,
May sakit ka man sa puso o namanang karamdaman o wala,
Kapag tulong ang hinihingi, 'wag kang mag-aatubiling ipagkait ito sa iba,
Dahil sa bandang huli, ang iyong kabutihan ay masusuklian Niya.
Engineer Mikay Jan 2016
Higit isang taon na rin ang nakalipas
Nang lisanin ang bansang Pilipinas
Upang subukan ang buhay
Sa lugar na kung tawagin ay Dubai

Naalala ang galak ng pagpunta dito  
Nang sa kalaunay puro na reklamo
Paano naman kasi ang mga Arabo
Minsan lang maligo sa isang linggo

Dagdag pa ng klima na sobrang init
Pawis mo'y abot hanggang singit  
At kung taglamig naman ay pumasok
Gusto mo na lng mamaluktot sa isang sulok  

Pagkain na amoy pa lang aayaw ka na  
Kahit gutom mawawalan ka rin ng gana
Babae nila'y nakasuot ng itim na bestida
Pati lalake rin ay nagsusuot ng palda  

Pero kahit ganun ang katulad nila
Gusto ko ang kanilang pananampalataya
Sa diyos na tinatawag nilang Allah
May oras talaga pag nagdarasal sila  

Akala ng marami buhay dito ay maganda
Di lng nila alam kami'y nangungulila
Sa pagmamahal na ipinabaon  
Ng mahal na makikita lng pagkatapos ng ilang taon

Tila ang bilis ng mga pangyayari
May mabuting resulta kaya sa bandang huli
Lahat ng sakit, pagod at pighati  
Mapagsilbihan lang ang mga ibang lahi

Kung lahat ng ito'y isang panaginip
Ayoko na talagang maidlip
Hay... buhay Dubai nga naman
Sana nga may patutunguhan...
KRRW Dec 2017
Isang batang babae
ang pangalan ay Izabel


Zabel ang palayaw
nakasuot ng kahel


Ang lahat ng ito
ay pangarap niya lang


Batang babae
isa palang hukluban


Eskandalo niya ay
kanya nang tinatakasan


Lahat ng patunay
pilit niyang pinagtatakpan.
Written
02 August 2017


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.

— The End —